Sinadya Niyang Sunugin ang Tindahan Nila para Makakubra ng Pera sa Gobyerno; Dito Pala Siya Dadalhin Nito
Tatlong taon na simula nang ipatayo ng ama ni Raphael ang grocery store na talagang bumago sa estado ng kanilang buhay. Dati lang itong sari-sari store na nakatayo sa harapan ng kanilang bahay na may kakaunting paninda at dahil sa angking tiyaga ng kaniyang ama na siyang bumubuhay sa kanilang tatlong magkakapatid, unti-unti itong lumaki hanggang sa pati ang kabilang lote sa gilid ng kanilang bahay ay nabili na nito.
Doon na naipatayo ang grocery store na nagbigay sa kanila ng sandamakmak na pera dahilan para makapagtapos siya ng pag-aaral at makapasok sa mga kilalang unibersidad ang dalawa niya pang kapatid na pawang kaka-graduate lang sa hayskul.
Kaya lang, nitong Hunyo lang, binawi na ng Maykapal sa kanilang mga kakapatid ang kanilang ama at bilang panganay, siya na ang pumalit sa posisyon ng kaniyang ama na tanging inaasahan ng kaniyang dalawa pang kapatid.
“Kuya, kaya mo ba talaga mag-isang palakarin ang negosyo ni papa? Gusto mo ba tumigil muna ako sa pag-aaral para may katuwang ka?” pag-aalala ng pangalawa niyang kapatid, isang araw matapos nilang ilibing ang kanilang ama.
“Ano ka ba naman, Jelay? Wala ka bang tiwala sa akin? Tingin mo ba matutuwa ang papa kapag tumigil ka sa pag-aaral? Isa pa, tiyak na titigil din sa pag-aaral si bunso kapag nalaman niyang hindi ka muna mag-aaral dahil lang sa negosyong ito!” sermon niya rito saka ito inabutan ng pera pangbaon sa eskwela.
“Sige, kuya, basta huwag mong bibiguin ang papa, ha? Dapat kung gaano kabilis lumawak ang negosyo ni papa noon, ganoon din ito kabilis lumaki sa pamumuno mo!” sambit nito sa kaniya na ikinakunot ng kaniyang noo.
“Oo na, oo na! Pumasok ka na! Mahuhuli ka na sa klase!”
Hindi naman siya nakaramdam ng kahit anong paghihirap noong mga unang buwan ng pamamahala niya sa grocery store na iyon. Masaya siyang nagtrabaho kasama ang mga empleyado nila roon. Siya ang nag-aayos ng bagong dating na mga produkto at ang nagbibilang ng araw-araw nilang kita.
Kaya lang, nang may magtayo ng isa pang grocery sa kanto ng kanilang barangay, doon na unti-unting nabawasan ang kanilang mga kustomer.
Imbes kasi na pumasok pa sa kanilang barangay ang mga tao, roon na dumidiretso ang mga ito dahil bukod sa mas mura ng ilang sentimo ang presyuhan dito kumpara sa kanila, paglabas ng grocery store na iyon ay makakasakay na agad ng jeep. Hindi katulad sa kanila na kailangan pang maglakad o sumakay ng sidecar dahil nga nasa gitna ito ng mga kabahayan.
Sa pag-iisip niya ng paraan kung paano muling mababawi ang mga suki niyang lumipat sa kalaban, may nakita siyang balita sa internet tungkol sa isang gusaling ‘di umano ay sadyang sinunog upang makakuha ng pera mula sa gobyerno.
“Teka, pwede ko rin itong gawin, ha? Sa laki ng tax na binabayaran namin, siguradong malaki-laki ang makukuha kong pera at iyon ang gagamitin ko upang makapagtayo ng mas malaking grocery store na malapit din sa sakayan ng jeep!” sabi niya sa sarili dahilan para siya’y dali-daling maghanda para sa binabalak niyang ito.
Ang mga delata, bigas, alak, at iba pang mga mamahaling produkto ay mag-isa niyang sinakay sa kanilang trak upang hindi masama sa pagsunog dahil maaari niya pa itong ibenta sa grocery store na binabalak niyang itayo. Nang mapansin niyang malalim na ang gabi, roon niya sinabuyan nang gas ang kanilang grocery store saka agad na sumibat patungo sa kanilang bahay.
Maya maya lang, narinig na niyang nagsisigawan ang kanilang mga kapitbahay dahilan para magising na rin ang dalawa niyang kapatid na dali-daling tumulong sa pagsasalba ng ilan sa kanilang mga produkto roon.
Kaya lang, dahil nga halos lahat ng paninda nila roon ay lulan ng plastik, agad na lumaki ang apoy at maraming kabahayan ang nadamay pati ang sarili nilang bahay na labis niyang ikinapanlumo.
“Hindi ko naman alam na ganito pala ang pupwedeng mangyari,” bulong niya sa sarili habang pinipigilan ang pag-iyak.
“Kuya, wala na ang pinaghirapan ni papa!” iyak ng bunso niyang kapatid habang tinitingnan ang mga bumbero na makipaglaban sa lumalaki pang apoy.
“Hayaan niyo, may makukuha naman tayong pera mula sa gobyerno dahil malaki ang buwis na binabayaran ng ating negosyo,” pagpapakalma niya sa mga kapatid.
“Makakakuha ka ng pera mula sa gobyerno kung aksidente ang pagkasunog niyan, eh, kitang-kita ko na sinadya mo ang pagsunog d’yan. Pati tuloy bahay namin, nadamay!” sigaw ng isa nilang kapitbahay habang nginungudngod sa kaniyang mukha ang bidyong nakuhanan nito na siya’y may dalang galon ng gas.
Itatanggi niya pa sana ang paratang sa kaniya nang bigla na siyang nilayasan ng dalawa niyang kapatid na galit na galit sa kaniya. “Hindi gusto ni papa na maging swapang ka!” sigaw pa sa kaniya ng pangalawa niyang kapatid.
“Hindi kami ang binigo mo, kung hindi si papa!” iyak pa ng bunso na lalong nagpadurog ng puso niya.
Ang biyayang akala niya’y makukuha niya sa pagsunog ng kanilang negosyo ay ang nagdala sa kaniya sa kulungan dahil napatunayan ng mga imbestigador ang paratang ng kaniyang kapitbahay na talagang nagbigay sa kaniya ng labis na pagsisisi.
“Patawarin mo ako, papa, sinayang ko lahat ng pinaghirapan mong ipundar,” iyak niya habang nakatanaw sa bintana ng kaniyang selda.
Hindi man niya alam kung ano ang buhay ng kaniyang mga kapatid ngayong wala nang masasandalan ang mga ito, nangako siya sa sariling sa araw ng paglaya niya, muli siyang gagawa ng paraan upang gumaan ang buhay ng mga ito.
Ilang taon pa man ang gugugulin niya roon, sigurado siyang paglaya niya, malinis na ang hangarin niya sa lahat ng bagay at muli niyang itutuloy ang nasimulan ng kanilang ama.