Inday TrendingInday Trending
Tuwang-Tuwa ang Matandang Babae Dahil Nakabingwit Siya ng Batang-Batang Dyowa; Laking Pagsisisi Niya Nang Malaman ang Tunay na Pagkatao Nito

Tuwang-Tuwa ang Matandang Babae Dahil Nakabingwit Siya ng Batang-Batang Dyowa; Laking Pagsisisi Niya Nang Malaman ang Tunay na Pagkatao Nito

“Sabik na sabik na akong makita ka, darling! Kailan ka ba pupunta rito sa Pilipinas?” tanong ni Clarita sa nobyo niyang ka-chat sa laptop.

“Magkikita rin tayo, darling. Malapit na malapit na,” sagot naman ng binata.

Si Clarita ay sitenta anyos na negosyante. May sarili siyang paupahan at malaking grocery. Mahirap lamang siya noon ngunit nagtiyaga at nagsipag sa buhay kaya umansenso siya nang todo. Wala na siyang pinoproblema pagdating sa pera, ang kulang na lang ay lalaking makakasama niya sa habambuhay, kaya nang makilala niya si Zander sa social media ay biglang nagkakulay ang malungkot niyang mundo.

Ang binata ay beinte anyos na Fil-Am na naninirahan sa Amerika. Long distance ‘ika nga ang relasyon nila kaya sa chat lang sila nakakapag-usap.

“Alam mo, Zander, mahal na mahal kita. Kailan mo ba ako yayayain na magpakasal? Isang taon na ang relasyon natin kaya naman gusto ko nang magpakasal na tayo. Kailan ka ba pupunta rito sa Pilipinas para magkita na tayo at para mapag-usapan na natin ang ating future?” tanong niya sa nobyo habang ka-chat ito.

“Mahal na mahal din kita, Clarita at gusto na rin kitang makita, pero kulang pa kasi ang naipon kong perang pamasahe para pumunta riyan sa Pilipinas,” sagot ng binata.

“Kung gayon ay ako na lamang ang pupunta riyan,” tugon niya.

“Huwag, darling! Gusto ko na ako ang pupunta riyan dahil ako ang lalaki,” saad pa ng binata.

“Mabuti pa ay ako padadalhan na lang kita ng pera para sa pamasahe mo. Ako na ang bahala sa lahat,” aniya.

“Nakakahiya naman, darling. Hindi ko ‘yan matatanggap,” wika ni Zander.

“Tanggapin mo na, para magkita na tayo at mapag-usapan na natin ang tungkol sa ating kasal.”

Agad namang pumayag ang nobyo sa gusto niyang mangyari.

Kahit may edad na siya ay nagustuhan pa rin siya ng batang-batang nobyo. Nagsimula ang lahat sa pagkakaibigan nila sa chat hanggang sa ‘di nagtagal ay napamahal na sila sa isa’t isa at pumayag naman ito na magkaroon sila ng pagkakaintindihan at doon nga nagsimula ang kanilang relasyon.

Talaga namang naging masaya ang naging usapan at pagcha-chat nila sa isa’t isa. Kung nagbi-video call naman sila ay kilig na kilig si Clarita dahil napakaguwapo nito. Amerikanong-Amerikano ang hitsura, hindi makikitaan na may lahi itong Pinoy. Dahil napakasuwerte niya sa pagkakaroon ng batang-batang nobyo ay panay rin ang pagyayabang niya sa mga amiga niya tungkol sa lalaking malapit na niyang mapangasawa.

“Kaya kayo, maghanap na rin kayo ng lalaking mapapangasawa ninyo. Gayahin ninyo ako, nahanap ko na ang lalaking makakasama ko habambuhay,” pagyayabang niya sa mga kaibigan at ipinakita ang litrato ng kaniyang future husband.

“Ang suwerte mo naman at nakabingwit ka ng batang-batang mapapangasawa, mare. Napakakisig at guwapung-guwapo ang boyfriend mo,” sabi ng isa sa mga kaibigan niya.

Sa isip ni Clarita ay lamang na lamang siya sa mga ito dahil siya lang ang may ubod ng batang nobyo.

Nang makausap niya uli si Zander sa chat ay tinanong niya ito kung kailan ang dating nito sa Pilipinas ngunit sinabi ng binata na nagkasakit ang nanay nito kaya nagamit nito ang ipinadala niyang pera na gagamitin sanang pamasahe sa kanilang pagkikita.

“Sorry, darling. Malaki kasi ang nagastos namin sa ospital kaya naubos ang lahat ng perang ipinadala mo sa akin, pero huwag kang mag-alala at maayos na ang kalagayan ni mama ngayon,” sambit ng binata.

“Mabuti naman at ligtas na ang mama mo. Hayaan mo at magpapadala uli ako sa iyo ng pera para sa pamasahe mo papunta rito. Isama mo na rin ang mama mo para makilala ko na rin siya. Magpapadala rin ako ng karagdagang halaga para sa kaniya,” tugon niya rito.

Agad na nagpadala ng pera si Clarita sa kasintahan. Hanggang sa dumating ang nakatakdang araw ng pagkikita nilang dalawa ngunit lumipas ang buong araw ay hindi dumating ang binata at ang mama nito. Dali-dali niya itong tinawagan sa selpon ngunit hindi nito sinagot ang mga tawag niya. Nang subukan niya itong kausapin sa chat ay hindi rin ito sumagot. Maya maya ay may natanggap siyang mensahe sa chat na nagmula sa hindi niya kilalang tao. Nang basahin niya ang chat ay muntik na siyang atakehin sa puso.

“Kayo po ba si Ms. Clarita Mendoza? Ako po si Lina, pamangkin po ni Zander. Ipagpaumanhin niyo, pero maling impormasyon po ang ibinigay niya sa inyo. Hindi totoo na beinte anyos ang kaniyang edad. Siya po ay otsenta y singko anyos na at isang biyudo. Hindi rin totoong nagkasakit ang mama niya dahil matagal na panahon na pong pumanaw ang kaniyang ina. Ang nakakausap niyo po sa video call ay ang kapatid kong lalaki na kasabwat niya sa panloloko niya. Hinihingan niya lang po kayo ng pera para sa kaniyang mga bisyo gaya ng pagsusugal at pag-iinom. Kalakip po ng mensahe kong ito ang litrato ng totoong itsura ng aking tiyuhin. Sinabi ko po ito para bigyan kayo ng babala, hindi ko na po kasi maaatim pa na makapanloko ang aking tiyahin,” bunyag ng nagpakilalang pamangkin ng nobyo.

Biglang gumuho ang pangarap ni Clarita na makapangasawa ng batang-batang lalaki dahil ang nagpakilalang nobyo ay isa palang matandang lalaki na mas matanda pa sa kaniya na ang gawain ay manghuthot ng pera sa mga matatandang babae na nakaka-chat nito. Nagpanggap lang ito na beinte anyos para makakuha sa kaniya ng pera. Labis siyang nagsisisi na nakipag-chat pa siya rito, isa lamang pala itong manloloko.

Dahil sa natuklasan ay iniwasan na niya ang pakikipagkilala at pakikipag-chat sa social media lalo na sa mga lalaki. Nadala na siya, ayaw na niyang muling mapaglaruan ang kaniyang damdamin.

Advertisement