Inakala ng Guwardiya na Pulubi ang Matandang Lalaki sa Loob ng Bangko Kaya Ipinagtabuyan Niya Ito Palabas; Kahihiyan ang Aabutin Niya
“Good morning, sir!” nakangiting bati ng guwardiyang si Rustom nang pumasok ang isang kagalang-galang na lalaki na maayos ang pananamit sa loob ng bangko.
Kabubukas pa lang ng pinagtatrabahuhan niyang bangko kaya kaunti pa ang mga tao na naroon. Maya maya ay may pumasok na matandang lalaki na hindi maayos ang pananamit. Butas-butas ang suot nitong kulay asul na polo shirt at kupas na maong shorts. Kahit ang suot nitong tsinelas ay pudpud na pudpod na.
“Ngayon ko lang nakita ang matandang ito na mukhang pulubi pa yata,” wika niya sa sarili.
Dahil isa pa lang ang staff sa loob ng bangko na nag-aasikaso sa mga kustomer ay umupo muna sa isang tabi ang matandang lalaki habang palinga-linga ang mga mata nito.
Lumipas pa ang ilang minuto at dumami na ang mga tao sa loob. Napansin ng guwardiya na pinagtitinginan ng mga kustomer ang matandang mukhang pulubi na nakaupo pa rin at palinga-linga sa paligid. Nang biglang lumapit sa kaniya ang babae.
“Kuyang guard, hindi mo pa ba palalabasin ang matandang ‘yan na mukhang pulubi dito sa loob ng bangko? Aba’y kanina pa ‘yan narito at nakatambay lang naman. Baka bigla na lang mangholdap ‘yan dito, mahirap na, eh nagwiwithdraw pa naman kami ng pera rito!” reklamo sa kaniya ng babaeng mukhang mapera.
“Hayaan niyo po at papalabasin ko na ang matandang pulubing ‘yan. Kanina ko pa rin napapansin na palinga-linga ‘yan dito sa loob ng bangko na parang may gustong gawing hindi maganda,” sagot niya sa kustomer.
Agad niyang nilapitan ang nakaupong matanda.
“Hoy tanda! Umalis ka na nga rito, wala ka namang ginagawa rito sa loob ng bangko. Walang manlilimos sa iyo rito kaya lumayas ka na!” pasigaw niyang sabi.
Tumingin sa kaniya ang matandang lalaki.
“Hindi mo ba ako kilala, hijo?” tanong nito.
Napangisi ang guwardiya.
“Nagpapatawa ka ba, tanda? Bakit ko ba kailangan na kilalanin ka? Eh isa ka lang namang pulubi,” sambit ni Rustom.
Napailing na lang ang matanda sa sinabi niya.
Dahil naiilang na rin ang mga tao sa ayos ng matanda ay nagsisilayuan na ang mga ito na parang may nakahahawa itong sakit. Napansin iyon ni Rustom kaya mas desidido siyang paalisin ito.
“Pasensiya ka na talaga, tanda, pero kailangan mo nang umalis. Nakakaistorbo ka na rito, eh! Ano pang hinihintay mo? Alis na!” inis na sabi ng guwardiya saka sapilitang hinila sa braso ang matanda at ipinagtabuyan palabas ng bangko.
“Teka muna, sandali lang! Bakit mo ako pinapalabas?”
Nag-umpisa na ring uminit ang ulo ng matanda sa ginawang pagtataboy ng guwardiya.
“Natatakot na sa iyo ang mga kustomer sa loob! Kung gusto mong manlimos, diyan ka sa labas at huwag sa loob ng bangko. Nakakahiya sa mga kustomer!”
“Tatandaan ko ang ginawa mong ito sa akin!” galit na sabi ng matanda.
Nang biglang dumating ang kanilang manager at naabutan ang dalawa na nagtatalo sa labas.
“Rustom? Ano’ng ginagawa mo rito sa labas? ‘Di ba dapat doon ka nagbabantay sa loob?”
“Pinalabas ko lang po itong pulubi, sir. Nanggugulo po kasi sa loob, eh!”
Nang tingnan ng lalaking manager ang tinutukoy ni Rustom ay nanlaki ang mga mata nito.
“Naku, boss, pasensya na po kayo sa ginawa niya. Ano ka ba naman, Rustom, hindi siya pulubi, siya si Mr. Dela Rosa ang may-ari ng bangko na pinagtatrabahuhan natin!” bunyag ng manager.
“Mabuti naman at dumating ka na, Mr. Cruz, kanina pa kita hinihintay. Nagpunta ako rito para icheck kung maayos ang pamamalakad sa branch na ito pero hiniya at ipinagtabuyan ako ng guwardiyang ito,” wika ng matanda.
“Pasensya na po talaga, boss. Bago palang kasi siyang guwardiya kaya hindi niya kayo kilala. Ikaw naman Rustom, ganyan talaga manamit si boss kapag bumibisita sa bangko para walang makakilala sa kaniya,” paliwanag ng manager.
Sobrang napahiya si Rustom sa ginawa niya sa matanda. ‘Di siya makapaniwala na ang inakala niyang pulubi na ipinagtabuyan niya ay ang may-ari ng bangko kung saan siya nagtatrabaho. Sinasadya pala nito na magsuot ng ‘di maayos na damit kapag dumadalaw roon. Laking pagsisisi niya sa ginawa niya rito.
Humingi siya ng tawad kay Mr. Dela Rosa at nangakong hindi na mauulit ang nangyari. Tinanggap naman ng matanda ang paumanhin niya at sinabihan siya na huwag basta-basta manghuhusga sa kapwa. Laking pasasalamat niya at mabait na tao ang kanilang boss kundi ay sinibak na siya nito sa trabaho.
Mula noon ay hindi na naging mapanghusga sa kaniyang kapwa si Rustom.