Pamamalimos Lang ang Pinagkakakitaan ng Dalagang Ina Para sa Kaniyang Anak; Hindi Inasahang Tulong ang Matatanggap Nila
“Nanay, kumakalam na ang sikmura ko. Gutom na gutom na ako!” wika ng anak ng dalagang ina na si Alma.
Katorse anyos pa lamang siya nang mabuntis ng nobyo niya na iniwan din siya dahil hindi kayang panagutan ang kanilang anak kaya wala siyang nagawa kundi buhayin nang mag-isa ang anim na taong gulang niyang anak na si Mia.
“Kaunting tiis na lang, anak. Makakakain din tayo. Kulang pa kasi itong pera natin,” sagot niya.
Ulila na sa mga magulang si Alma. Daahil sa kahirapan ay hindi rin siya nakatapos sa pag-aaral. Nakatuntong siya ng elementarya ngunit mula nang pumanaw ang mga magulang ay hindi na niya naituloy ang hayskul at minabuti na maghanapbuhay na lang para mabuhay pero dahil elementarya lang ang naabot niya ay walang tumanggap sa kaniya sa trabaho kaya pamamalimos sa lansangan ang naisip niyang gawin para buhayin ang kaniyang anak. Isa ring hadlang kung bakit nahihirapan siyang makahanap ng ibang trabaho ay dahil sa kapansanan niya sa binti. Pilay ang kanang binti niya kaya hirap siya sa paglalakad.
“Ale, ale, palimos po! Kahit kaunting barya lang po para pambili namin ng pagkain ng anak ko,” wika ni Alma sa dumaraang babae.
“Wala akong barya, eh. Sorry, ha!” tugon ng ale.
Ilang oras na rin silang naghihintay sa tabi ng kalsada ngunit walang nanlilimos sa kanila. Ang apat na pisong barya na nasa loob ng latang lalagyan ni Alma ay kulang pang pambili ng biskwit o tinapay man lang para sa anak niya.
Bigla siyang kinalabit ng anak na si Mia.
“Nanay, gutom na po talaga ako!”
“Kaunting tiis pa, anak. Ilang barya na lamang ang kailangan natin para makabili tayo ng pagkain. Mag-antay pa tayo kahit saglit,” sagot niya.
“Kanina pa po tayo naghihintay, nanay, pero hindi naman nadaragdagan ang pera natin sa lata,” sambit pa ng anak.
“Magtiwala lang tayo, anak. May darating din na tutulong sa atin.”
Maya maya ay may isang matandang babae ang dumaan sa harapan nila.
“Ale, ale pahingi naman po ng kaunting barya. Pandagdag lang po para sa pambili namin ng pagkain ng anak ko,” wika niya sa matanda.
Napansin nito ang kapansanan ni Alma kaya agad itong lumapit.
“Mukhang bata ka pa, ineng, at may anak ka na. Nasaan ang asawa mo? ‘Di ba, dapat siya ang nagtatrabaho para sa inyong mag-ina?” tanong nito.
“Wala po akong asawa. Iniwan niya po ako nung nalaman niya na nagdadalantao ako noon. Hindi raw po niya kayang panagutan ang anak namin. Mag-isa ko lang pong binubuhay ang anak ko, wala na po akong mga magulang at wala rin po akong mahanap na ibang trabaho dahil elementarya lang po ang naabot ko at may kapansanan pa,” tugon niya.
“Matagal na ba ninyong ginagawa ang panlilimos?” tanong pa ng matanda.
“Opo. Ito lang po kasi ang mapagkakakitaan namin,” buong kababaan niyang sagot.
“Ang mabuti pa ay hintayin niyo ako rito at babalik ako,” paalam ng matanda.
“Ale, teka, kahit po limang pisong barya lang. Nagugutom na po kasi ang anak ko. Kanina pa po kami naghihintay rito, pero wala pong nanlilimos sa amin,” pangungulit ni Alma.
“Wala kasi akong dalang barya. Hintayin niyo ako rito, babalik ako,” giit ng matanda.
Walang nagawa si Alma kundi hayaan itong makaalis at hintayin ang pagbabalik nito, ngunit mahigit isang oras na ang lumipas pero hindi pa rin bumabalik ang matandang babae. Wala na ring may gustong manlimos sa kanila nang araw na iyon. Hindi pa rin nadaragdagan ang pera nila sa lata.
“Nanay, babalik pa po ba ‘yung ale?” tanong ng anak niya.
“Mukhang hindi na siya babalik, anak. Niloko lang yata tayo nung ale. Hayaan mo na. Lipat na lang tayo ng ibang puwesto. Baka sa kabilang kanto ay suwertehin na tayo.”
Tangkang aalis na sila nang biglang may humintong kotse sa harapan nila. Lumabas sa sasakyan ang matandang babae na kausap nila kanina.
“O, saan kayo pupunta? Sabi ko’y hintayin ninyo ako, ‘di ba?” tanong nito.
“Akala po namin ay hindi na kayo babalik. Lilipat na po sana kami ng puwesto para manlimos,” sagot ni Alma.
“Sabi ko sa inyo ay hintayin niyo ako, eh. Ako nga pala si Isadora, Tita Isay na lang ang itawag ninyo sa akin, isa akong negosyante. Ano nga palang pangalan ninyong mag-ina?” pakilala ng matanda.
“Ako po si Alma at siya naman po ang anak kong si Mia.”
“O, heto’t kunin ninyo ang mga ito!” Inilabas ng matanda sa sasakyan ang mga plastik bag na punumpuno ng pagkain at mga pinaglumaang damit. “Sa inyo na lahat ang mga ‘yan. Isinama ko na riyan ang mga lumang damit ng kapatid kong babae at anak niya, baka may magkasya sa inyong dalawa,” hayag ni Isadora.
“Talaga po? Para po sa amin itong lahat?!”
Manghang-mangha si Alma. Hindi niya inakala na ang hinihingi nilang barya sa matanda ay tinumbasan nito ng mga pagkain at damit. Bukod doon ay inabutan pa sila ng pera na panggastos nila. Tinulungan din siya ni Isadora na magkaroon ng maayos na trabaho. Ipinasok siya nito bilang staff sa pabrika na pagmamay-ari ng matanda. Tinulungan din siya ni Isadora na muling makapag-aral pati ang anak niyang si Mia ay pinag-aral din ng mabait na negosyante. Sobra-sobra ang pasasalamat ng mag-ina sa lahat ng ginawa sa kanila ni Isadora.
“Maraming salamat po sa lahat ng naitulong niyo sa amin,” sambit ni Alma.
“Thank you po dahil nagkaroon po ng trabaho si nanay at nakapag-aral din po kami,” sabi naman ni Mia.
“Walang anuman. Gusto ko talaga kayong tulungan dahil gaya ninyo ay galing din ako sa hirap noon na nabigyan ng pagkakataong umasenso. Pinagbutihan ko ang pag-aaral hanggang sa narating ko ang estado ko ngayon. Gusto ko ring maranasan din ninyo ang naranasan ko. Hindi pa huli ang lahat para magtagumpay sa buhay,” sagot ni Isadora sa mag-ina.
Hindi naman pinahiya ng mag-ina ang mabait na matanda. Pinaghusayan ni Alma ang pagtatrabaho at pag-aaral gayundin ang anak niya na ginalingan din sa eskwela upang balang araw ay sila naman ang magbabalik ng tulong sa iba pang nangangailangan.