Bubulyawan Sana ng Babae ang Matandang Tindera na Bumangga sa Kaniya; Bigla Siyang Nahabag Nang Mawalan Ito ng Malay
Malapit nang mahuli sa opisina si Nicole kaya nagmamadali na siya sa biyahe. Tanghali na kasi siyang nagising kaya natataranta na siya kung paano mapapabilis ang minamanehong kotse.
“Buwisit, hindi na yata ako aabot,” inis niyang sabi sa sarili.
Nang silipin niya ang suot na relong pambisig ay mag-a-alas nuwebe na ng umaga. Ilang minuto na lang at late na siya. Lalong nag-init ang ulo niya sa mabagal na daloy ng trapiko na sagabal sa kaniyang pupuntahan.
“Hoy, magsi-usad naman kayo!” sigaw niya habang panay ang busina niya sa sasakyan.
Nainis na rin ang taxi driver na nasa harap niya sa kakabusina niya kaya sinigawan siya nito.
“Hoy, ang ingay mo! Hindi lang ikaw ang naiipit sa traffic!” sigaw nito sa kaniya.
Ikinapikon niya ang sinabi ng driver at sinigawan din ito.
“Hoy, wala kang pakialam! Kung gusto mo mag-ingay ka rin, g*go!” singhal niya.
Mabuti na lamang at hindi na narinig ng taxi driver ang sinabi niya kundi ay baka gulo lang ang mangyari ngunit talagang masama na ang timpla niya dahil hindi talaga siya makausad.
Pilit niyang hinahabol ang oras ngunit wala na ring nangyari at late na rin siya sa opisina.
“L*tse! May importante pa akong meeting!” gigil na bulong niya sa isip.
Maya maya ay biglang nabangga ng kariton ng matandang babae ang kaniyang kotse nang bigla itong sumulpot sa daan.
Mas laong nag-init ang ulo ni Nicole kaya bumaba siya sa kotse at kinompronta ang matandang babae.
“Sh*t! Sisirain mo ba ang kotse ko? Ano ka ba? Bakit hindi mo tinitingnan ang dinadaanan mo ha? Nakita mo na ako, pero ano’ng ginawa mo? Hindi mo pa rin iniwas ang p*tang in*ng kariton mo at ibinangga mo pa sa kotse ko! Kung magasgasan iyan, ha?!” sigaw niya sa matanda na nakabangga sa kotse niya.
Hinarap siya ng matanda. Napansin niyang medyo hirap na itong maglakad habang papalapit sa kaniya.
“Sorry, sorry po. Pasensya na po kayo. Hindi ko sinasadya. Kung maaari ay ayusin na lamang natin ito. Nakikiusap ako, ayoko po ng gulo. Huwag na po kayong tumawag pa ng pulis,” pagsusumamo ng matanda.
Bubulyawan pa niya sana ito ngunit habang nagsasalita ang matanda ay nakita niya ang panginginig ng katawan nito, pamumutla at hinihingal hanggang sa bigla na lamang itong natumba at nawalan ng malay.
“Naku, manang, manang, gumising ka!” nag-aalalang wika ni Nicole.
Humingi siya ng tulong sa isang traffic enforcer para dalhin sa pagamutan ang matandang babae. Nagulat siya nang sabihin ng doktor na tumingin dito na ito pala ay sinumpong ng sakit nito sa puso. Sa tindi ng pagod ay inatake ito. May nakita ring iba pang seryosong karamdaman ang doktor na sanhi ng pagkawala ng malay ng matanda.
Habang ipinapaliwanag sa kaniya ng doktor ang tungkol sa karamdaman ng matanda ay hindi niya napigilang maluha sa kalagayan nito.
“Marahil ang pamamanas ng kaniyang mga paa ang dahilan kung bakit hindi niya agad naiiwas ang kaniyang kariton sa kotse mo,” wika pa ng doktor.
Nang magising ang matanda ay agad niya itong kinausap.
“Kumusta po kayo? Ayos lang ba ang pakiramdam niyo?” maayos niyang tanong.
“Medyo okey na po ang pakiramdam ko, ma’am. A-ano po ba ang nangyari?” sagot ng matanda na halatang nahihirapan pa ring magsalita.
“Huwag na po kayong magsabi ng ‘po’ sa akin, mas nakababata po ako sa inyo kaya ako po ang dapat na magsabi niyan sa inyo. Nawalan po kayo ng malay kanina kaya nagpatulong akong dalhin kayo rito sa pagamutan,” tugon niya.
“Naaalala ko na. Pasensya ka na ulit. Hindi ko sinasadya ang nangyari kanina sa kalye. Nakikiusap ako, huwag mo na sana akong ireklamo. Ako lang ang inaasahan ng aking pamilya. Matagal nang yumao ang aking asawa kaya ako na lamang ang nagtatrabaho para amin ng aking mga anak,” sinserong sabi ng matanda na isa palang tindera ng mga gulay at prutas na ang gamit sa paglalako ay ang kaniyang kariton.
“Huwag na po kayong mag-alala. Hindi po ako magsusumbong sa pulis, hindi ko kayo irereklamo. Kalimutan na po natin ang nangyari. Magpahinga na muna kayo para mabawi niyo ang inyong lakas.”
“Hindi puwede. Dapat ay makalabas agad ako rito sa ospital. Kailangan kong magtrabaho para sa pamilya ko. Nag-aaral pa ang tatlo kong anak. Hindi ako maaaring hindi makapaglako,” wika ng matanda.
Muling nadurog ang puso ni Nicole sa tinuran ng matandang babae dahil imbes na magpahinga at magpagaling ay gusto pa rin nitong magtrabaho. Dahil sobrang naantig siya sa pinagdaraanan nito ay nais niyang itong tulungan.
“Hindi niyo na po kailangang gawin ‘yon dahil ako na ang bahala sa lahat. Ako na po ang nagbayad sa mga nagastos dito sa ospital. Tutulungan ko kayong maipagamot ang inyong karamdaman. Sinabi na po sa akin ng doktor na mayroon kayong sakit. Ako na po ang sasagot sa iba pang gastusin sa pagpapagamot niyo. Bibigyan ko rin po kayo ng puhunan para sa negosyo upang hindi niyo na kailangang maglako sa kalye para kumita ng pera,” hayag ni Nicole.
Napaluha sa labis na tuwa ang matanda na nagpakilalang si Aling Leoning. Hindi nito inasahan na tutulungan siya ng kagaya ni Nicole na nakakaangat sa buhay.
“Maraming salamat ma’am. Sobra po akong nahihiya dahil ako na nga ang nakaperhuwisyo pero ako pa ang tinutulungan mo,” umiiyak na sabi ni Aling Leoning.
“Huwag niyo na pong isipin iyon, manang. Napagtanto ko po na mas higit na kailangan ko kayong tulungan kaysa sa sisihin sa nangyari kanina. Magpagaling po kayo at patuloy na lumaban sa buhay para sa inyong sarili at para sa mga taong nagmamahal sa inyo,” sambit ni Nicole sa matanda.
Ipinakita sa kuwento na mas nangibabaw ang pagtulong sa kapwa imbes na pairalin ang init ng ulo.