Inday TrendingInday Trending
Iiwan Mo Na Talaga Si Papa?

Iiwan Mo Na Talaga Si Papa?

“Kaunting kembot na lang, Sarah, magiging piloto ka rin,” bulong ng dalaga sa sarili.

Ngayon ang araw ng pagtatapos niya sa hayskul at handa na rin siyang pumasok sa kolehiyo. Bata pa lamang siya ay pangarap na niya ang magmane-obra ng eroplano.

“Anak, ang papa mo na lang ang maghahatid sa’yo sa PICC. Susunod na lang ako,” pahayag ni Betty, ang nanay ng dalaga.

“Ma, hindi ba pwedeng kahit ngayon lang? Kahit kunwari lang, maging okay naman kayo ni papa,” pakiusap ng dalaga sa kanyang ina.

Saglit na tinitigan ng ginang ang kanyang anak at tumango ito. “Sige, anak, para sa’yo,” sagot nito at ngumiti sa kaniya.

Bata pa lamang siya ay nakagisnan na niya ang hindi magandang pagsasama ng kaniyang mga magulang. Palagi niyang nakikita itong nagtatalo hanggang sa nasanay na lamang siya sa mapaklang pagsasama ng dalawa.

“Oo nga naman, Betty, kalimutan na muna natin ang mga away natin. Kahit ngayong araw lang,” saad naman ni Jose, ang tatay ng dalaga.

Mas malapit si Sarah sa kaniyang ama. Halos ito ang kasama niya sa lahat ng kaganapan sa kaniyang buhay at lumaki siyang malayo ang loob sa kanyang ina. Paano’y palaging nasa trabaho si Betty at mas gusto pa nitong magmukmok sa opisina niya sa kanilang bahay kaysa tabihan sila sa pagtulog.

Natapos na ang seremonya ng pagtatapos ng klase nila Sarah kaya naman kumain na muna sila sa labas bilang selebrasyon.

“Pa, sa PATTS po ako mag-aaral. Gusto ko po sanang maging piloto,” pahayag ni Sarah na may malaking ngiti sa kaniyag mga labi.

“Sige, anak, ako na ang bahala sa mga gastusin. Hindi mo kailangan mamroblema sa pera, basta ang intindihin mo ay ang pag-aaral ng mabuti,” sagot sa kaniya ni Jose sabay haplos sa ulo ng dalaga.

“Hindi ba’t mahal dun? Hindi na natin kaya ang ganoong kamahal na tuition fee. Nalulugi na ang negosyo natin,” baling naman ni Betty sa kaniyang mag-ama habang kumakain ito ng pansit. Wala man lang kare-kareaksyon ang mukha nito at tila nakikipag-usap sa kaniyang pagkain dahil doon lamang ito nakatingin.

“Pero, ma, doon ko gustong mag-aral,” pilit ni Sarah sa kaniyang nanay.

“E ‘di magtrabaho ka kung gusto mo! Sinabi ko nang hindi na kaya ng pera natin kaya kung ako sayo, mamili ka. Magtratrabaho ka para makapag-aral ka riyan sa mahal na eskwelahan o mag-aaral ka sa kung saan kaya lang natin? Maswerte ka pa nga at mapag-aaral pa kita, ang ibang mga kaedad mo nga ay hindi na nakakatungtong ng kolehiyo,” banat naman muli ni Betty.

“Saka nga pala, dahil nandito na rin naman tayong lahat. Sarah, ito na ang tamang panahon para malaman mo ang totoo. Maghihiwalay na kami ng tatay mo,” mapaklang pahayag ni Beth.

Hindi naman sumagot si Jose at nakayuko na lang ito. Mas pinili ni Sarah na kimkimin muna ang galit sa kaniyang sarili at naghintay na makauwi sila ng bahay.

“So, susukuan mo na talaga si papa? Susuko ka na talaga sa pagsasama niyo? Paano tayo? Paano na ang pamilya natin?” galit na pahayag ni Sarah nang makarating sila sa bahay at nang makita niyang nagbabasa lamang ng libro ang kanyang ina sa salas habang umiinom ng alak ang kaniyang ama sa kusina.

“Wala kang alam, Sarah. Hindi mo alam kung gaano kahirap ang pinagdaanan ko para ipaglaban pa kung anuman ang mayroon kami. Pero talagang wala na, humantong na sa dulo. Suko na. Tapos na,” baling ng kaniyang ina.

“E kaya mo lang naman hihiwalayan si papa kasi wala na tayong pera! Wala ka nang pangshopping mo, wala ka nang panggala kasama ng mga amiga mo. Ni kahit minsan nga ay hindi ka naging nanay sa akin, palagi na lang si papa ang kasama ko. Mas gusto mo pang kasama ang mga kaibigan mo kaysa sa amin. Hindi ka man lang ba naawa kay papa?” hagulgol ng dalaga.

“Marami ka pang hindi alam, anak. Umakyat ka na sa taas at baka saan pa mapunta ang usapan nating ito,” kalmadong sumagot si Betty, saka isinara ang librong binabasa at isinuot ang tsinelas pangbahay.

“Wala kang kwentang tao! Wala kang kwentang asawa at higit sa lahat wala kang kwentang nanay! Mamat*y ka na lang sana!” bulyaw ni Sarah sa ale.

Galit na galit siya sa kanyang isinigaw kaya naman mabilis na lumapit si Jose sa kaniyang mag-ina. Patuloy sa pag-agos ang mga luha ni Sarah habang nakakuyom ang mga palad nito.

“Tama na!” pumagitnang pahayag ni Jose. Mabilis niyang niyakap si Sarah at kinakalma ang mga kamay nitong naninigas sa galit.

“Tapos ka na bang magalit? Tapos ka na sa lahat ng sasabihin mo?” wika ni Betty at saka lalo pa niyang itinaas ang ulo. Iniangat niyang mabuti ang baba na tila nagtataray sa kaniyang anak.

“Kahit kailan ay hindi ko naramdamang nanay kita. Wala na kayong ginawa ni papa kundi ang mag-away. Mukha kang pera, wala kang puso! Mahalaga lang sa’yo ay pera!” nagpupumiglas sa galit si Sarah nang bitiwan ang mga pahayag na ‘yun.

“Anak, tama na. Wala kang alam!” baling ni Jose sa dalaga.

“Ano ba ‘yang wala akong alam na sinasabi niyo? Ano bang akala niyo sa akin? Bulag, pipi? Hindi nakakaramdam sa kung anong nanyayari sa paligid ko? Hindi ako tanga, tigilan niyo na ako,” bulyaw naman muli nito.

“Gusto mo talagang malaman ang totoo? Kayanin mo kaya kapag nalaman mo?” nanginginig na sabi ni Betty sa dalaga.

“Betty, huwag. Huwag mong sasabihin, hayaan mong ako ang magsabi sa anak ko, ” pakiusap ni Jose sa misis.

“Hindi, hindi na kita mahihintay pa, Jose. Ito na ang tamang oras para malaman ni Sarah ang lahat,” madiing wika nito.

“Tatlong buwan akong buntis noon nang dalhin ka sa akin ng tatay mo. Halos isang taon mahigit ka na rin, Sarah. Naglalakad ka na at wala kang ginawa kundi ang umiyak habang sinisigaw ang salitang ‘mama’. Hindi kita tunay na anak!” rebelasyon ni Betty sabay dahan-dahan na pumatak ang luha ng babae.

Nakatitig siya sa mga mata ng dalaga habang pilit na pinipigilan ang pagsabog ng kaniyang iyak.

“Anak ka niya sa matalik kong kaibigan, na pumanaw noong pinanganak ka. Halos mabaliw ako noon sa rebelasyon ng tatay mo at ng kaibigan ko kaya nalaglag ang dinadala kong bata, nawala ang tunay kong anak,” dagdag pa niya.

“Tama na, Betty, pakiusap!” nakayukong pahayag ni Jose.

“Hindi, dapat malaman niya ang totoo. Pero alam mo kung anong ginawa ko? Tinanggap kita, minahal kita, inaruga kita at pinalaki kita na parang sa akin ka galing. Binigyan ko ng isa pang pagkakataon ang pagsasama namin ng tatay mo, ang pamilya na dapat ay masaya at buo. Ang pamilya na mas mahalaga kaysa sa puso kong dinurog niya ng paulit-ulit. Pero alam mo kung ano’ng nangyari? Nanbabae ulit ang tatay mo, at sa pagkakataong ito ay nalubog pa siya sa utang dahil menor de edad lang naman ang pinatulan niya kaya nagbayad pa kami sa kinaharap niyang kaso at nagkandalugi-lugi ang negosyo na ako mismo ang nagpundar,” bunyag pang muli ni Betty.

“Masisisi mo ba ako, Sarah, kung sa pagkakataong ito ay susuko na ako? Hindi ko na kaya, sobra na ang ginagawa sa’kin ng tatay mo. Buong buhay mo ay inalagaan kong hindi mo malaman ang masakit na katotohanan dahil wala ka namang kasalanan sa mga nangyayari sa amin. Pero, anak, hindi ko na kaya pa,” sabay bagsak ng luha ng babae at umakyat ito sa kaniyang kwarto.

Naiwan naman sa salas si Sarah at ang kaniyang ama.

“Totoo ba lahat ng ‘yun, papa?” tanong nito.

Hindi sumagot ang kaniyang ama, imbes ay tumango lamang ito at tinakpan ang kaniyang mukha saka umiyak.

Hindi man makapaniwala si Sarah sa rebelasyon na kaniyang nalaman ay mas naliwanagan siya sa pakikitungo ng kaniyang ina. Parehas lamang silang biktima ng sitwasyon kaya hindi niya masisisi kung bakit naging ganun na lamang kapait ang pakikitungo ng kaniyang ina sa kaniya.

“Sarah, anak, ngayong nalaman mo na ang totoo. Hindi ko intensyon na itakwil ko o iparamdam sa’yo na hindi kita mahal. Dahil hindi ko pinagsisisihan na tinanggap kita sa buhay ko, pero sana, anak, maintindihan mo ang ginawa kong ito,” pahayag ng ale.

“Mama, ako nga po ang dapat na humingi ng tawad dahil ang dami mo palang sakripisyo na ginawa para sa’kin at hindi ko man lamang iyon nakita. Mahal na mahal kita, mama at maraming salamat sa lahat,” sagot naman ni Sarah.

Ngayon ay tuluyan nang naghiwalay sina Betty at Jose. Nanuluyan si Betty sa bahay ng kaniyang mga magulang habang unti-unting bumabangon sa mga utang. Hindi naman niya pinabayaan ang pag-aaral ni Sarah at mas naging maluwag pa sa kaniya lalo ang pagtanggap na anak na talaga niya ang dalaga.

Sa kabilang banda naman ay punong-puno nang pagsisisi si Jose sa kaniyang mga kasalanan. Ang buhay na pinangarap niya at ang mga taong pinagdasal niyang makasama sa pagtanda’y wala na. Wala na ang asawang nagtiis sa mga kalokohan niya.

Ikaw, kabayan? Hanggang saan mo kayang ipaglaban ang inyong pagsasama ng iyong asawa? Kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Betty, ganoon din ba ang iyong gagawin?

Advertisement