Inday TrendingInday Trending
Pag-Ibig sa Gitna ng Tulay

Pag-Ibig sa Gitna ng Tulay

Kahit na kaga-graduate lamang sa kursong Business Management ay nakakuha agad ng magandang trabaho si Maan sa Manila at dahil sadyang magaling ang dalaga ay na-promote siya agad sa loob lang ng dalawang buwan. Sa edad na 24 ay isa na siyang executive.

Maganda siya, mabait at magalang sa kapwa. Wala ring duda na matalino siya kaya nga marami ang nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay wala siyang nobyo. May mga nagtangka pero sumuko rin.

Harap-harapan kasing sinasabi ni Maan kung hindi niya type ang manliligaw.

“Girl, alam mo nahuhuli ka na! Buntis na ako, o!” sabi ng kaibigan ni Maan na si Michelle sa kabilang linya ng telepono.

“Darating din ako dyan, girl. Hindi ko pa lang po siguro siya nakikita. Tsaka sinasabi mo ba na magpabuntis rin ako?” tatawa-tawang wika ni Maan.

“Hindi iyon. Aba, babae, siyempre kikilalanin mo ang lalaki. Sabihin na nating 2 years from now makilala mo siya. O, magpapakasal ba kayo agad?Siyempre hindi, ‘di ba? Getting to know each other stage at maraming chuchu. Ilang taon ka na non?” pangungulit pa ni Michelle.

“Buntis ka nga, ang kulit mo! Pati love life ko pinakikialaman,” natatawang sagot ni Maan rito.

“Ikaw naman. Ninang ka nito, ha?” paglalambing ni Michelle na nagpangiti sa kaibigan.

“Mahirap kasing ipilit. Kapag minadali kadalasan ay pangit ang nagiging outcome. Kaya para sa akin hihintayin ko na lang na dumating siya. Ayokong hanapin… P*ke mo!” sigaw ni Maan nang biglaang maapakan ang preno. Nagmamaneho na kasi siya pabalik sa kaniyang apartment nang muntikang tumigil ang kotse sa unahan niya.

Diyos ko, buti na lang ay wala siyang kasunod kung ‘di ay mababangga ang likod ng sasakyan niya. In fact, dalawa na lang silang kotseng narito.

Napakunot ang noo ni Maan nang bumaba ang lalaking sakay noon at tumayo sa gilid ng tulay.

“Excuse me?” mataray na sabi ni Maan. “Hello?” ulit niya pero wala siyang nakuhang sagot.

Natatakot man ay bumaba na ng sasakyan si Maan. Maliwanag pa naman at mabilis lang tumakbo kung sakaling kawatan pala ang binata at gawan siya ng ‘di kanais-nais. Nang papalapit na siya rito ay nakita niya ang mukha nito.

Diyos na mahabagin, ang pogi!

“Hey! I said excuse me. Alam mo ba na muntik na tayong magkabanggaan?” sabi ni Maan tapos ay dinakma ang braso nito.

“Miss, umalis ka na. If you want an apology I am sorry. Pero please lang umalis ka na,” supladong sabi ng binata.

Ang bilis ng tibok ng puso ni Maan. Natataranta siya at kinikilig? Anak ng teteng na puso ito. Sinungitan na nga kinikilig pa.

“Ano, kasi nga hindi nga ako makadaan. Kasi ‘yung kotse mo nakaharang. Iabante mo sana ng kaunti dahil kapag nagkahulihan ako pa ang mali. ‘Di ako makaka-overtake dahil linya na ng kabila ito…” hindi na natapos ni Maan ang sasabihin dahil iniabot na sa kaniya ng binata ang susi ng kotse nito.

“Iabante mo,” utos ng binata. Hindi pa rin ito lumilingon. “Ay, ang gwapo pero antipatiko,” saad ni Maan.

Hindi alam ni Maan kung bakit niya iyon nasabi kaya agad namula ang pisngi niya. Nakakataranta naman kasi! Pero infairness, effective iyon dahil napalingon sa kaniya ang binata.

“Anong sinabi mo?” Tila natigilan rin ang binata nang mamasdan si Maan. Nagulat siguro dahil maganda pala ang babaeng kanina pa nagbubunganga sa kaniya.

Makalipas ang maraming taon.

“Dali, tapos po? Nag-away po ba sila?” tanong ng pitong taong gulang na batang lalaki. “Hulaan mo,” nakangiting sabi ni Maan.

“Baka ipinakulong ng guy ‘yung girl po, mommy, kasi po nakikialam siya sa privacy ng guy po?” sabi naman ng batang babae. Kambal ang dalawa bata.

Natawa si Maan sa hula ng anak. “Nakaganti na ang girl sa pagsusungit ng guy,” nangingiting wika niya.

“Paano po?” sabay na tanong ng mga bata. “Dahil mula noon ‘di na sila mapaghiwalay. Nag-overtake nga ng sasakyan ang babae at nahuli siya ng MMDA. ‘Di niya akalain na kahit mukhang walang pakialam ang lalaki sinamahan naman siya nitong makipag-usap sa pulis dahil nag-panic ang babae,” napapahagikgik pa rin si Maan habang binabalikan ang kuwento.

“Pero bakit po ba kasi masungit ang guy at malungkot?” tanong ulit ng batang lalaki.

Doon pumasok ang mister ni Maan. Kanina pa pala ito nakikinig sa kuwentuhan nila.

“Kasi iniwan ng girlfriend si guy. Akala niya ay iyon na ang katapusan ng buhay niya pero nang makilala niya ang magandang babae sa tulay ay nagkaroon siya ng panibagong pag-asa. Alam niyo ba kung nasaan na sila ngayon?” tanong ni mister bago ito sumulyap sa kaniyang misis. “Kasal na sila at may cute na cute na kambal na anak. Sige na, sleep na.”

Iniwan ng mag-asawa na bukas ang lampshade.

Nang tulog na ang mga bata ay iginiya si Maan ng asawa sa kanilang kwarto. Masuyo siyang hinalikan nito. “Mahal kita.” bulong ng binata.

Napangiti naman si Maan. ‘Di niya naman akalain na noong gabing pinag-uusapan nila ng kaibigan niya ang tungkol sa binatang magpapatibok ng kaniyang puso ay makikilala niya na rin pala ito.

Ang pag-ibig talaga kadalasan ay dumarating sa ‘di inaasahang pagkakataon.

Advertisement