Inday TrendingInday Trending
Ang Kapitbahay kong si Isay

Ang Kapitbahay kong si Isay

Gabing-gabi na ngunit patuloy pa rin sa pagpapaikot-ikot si PJ sa kanilang tahanan. Hindi mapakali at kanina pa pasilip-silip sa bintana ng bahay niya ang binata. Paanoʼy kanina, habang siyaʼy nag-iigib sa posong ipinakabit niya sa labas ng kaniyang bahay ay bigla na lamang niyang nakitang naghubad sa kaniyang harapan ang kapitbahay na si Isay!

“A-anoʼng ginagawa mo?!”

Laking pagtataka ni PJ sa nangyari, ngunit hindi naman niya maialis ang paningin sa magandang hubog ng katawan ni Isay kahit pa may kadiliman ang puwesto nito. Mataas na talahiban kasi ang puwesto nito sa tapat ng kaniyang kinatatayuan.

Hindi sumagot kanina si Isay, bagkus ay ngumisi lamang at pagkatapos at naglakad nang pauwi nang nakahubad. Ngayon nga ay walang tigil ng pagpapabalik-balik si PJ sa kung saan-saang sulok ng bahay niya.

“Baka sinumpong ng tawag ng laman si Isay kaya ganoʼn,” iyon ang kanina pa nasa isip niya. Hindi mapalis-palis. “Bahala na nga!” bulong pa niya sa sarili.

Tuluyan nang lumabas ng bahay si PJ. Hayok na hayok sa sariwang lamang ihinain sa kaniya ni Isay kanina. Hindi niya alam kung bakit ang mahinhing si Isay ay nagkaganoʼn at talagang labis siyang inakit kanina. “Yari ka sa akin ngayon!” nangingising banta na lang ni PJ sa kaniyang isip para sa dalaga.

“Isay? Isay? Nariyan ka ba?”

Nakailang katok na si PJ sa pintuan ng bahay ni Isay. Kulang na nga lang ay pagkiskisin niya ang mga palad sa sobrang pagkasabik sa babae kaya naman halos mapaigtad siya nang bigla nitong buksan ang pintuan.

“Kumusta ka, Isay? Pʼwede ba akong pumasok?” tanong niya sa dalaga.

“Sige, pasok ka,” nakangiti at makahulugang sagot naman nito sa kaniya.

“Mag-isa ka lang ba rito?” Inilibot ni PJ ang paningin sa paligid ng tahanan ni Isay. Medyo madilim dahil lampara lamang ang nagbibigay ng liwanag sa buong kabahayan.

“Oo, mag-isa lang ako… pero dahil nandito ka, may makakasama na ako. Tamang-tama pala ang dating mo,” mahinhin ang tinig na sabi pa ni Isay na ngayon ay nakasuot naman ng puting-puti ngunit napakanipis na pantulog.

“I-Isay—”

Halos hindi na makapagpigil pa si PJ. Tila siya ay ginayuma sa sobrang kasabikan sa dalaga, ʼtulad na lang ng pagkasabik niya sa dalagitang pinagsamantalahan niya noong isang linggo lang.

Agad niyang sinunggaban ng halik ang labi ni Isay. Malugod namang tinugon iyon ng babae hanggang sa tuluyan nang mahulog si PJ sa pagnamnam sa bawat sandali.

“Pʼwede ba kitang kainin, PJ?” hingal na hingal na bulong ni Isay kay PJ sa pagitan ng kanilang pag-iisa. Tila lalo namang nasabik ang mahilig na binata sa mga sandali.

“Oo, Isay, sige! Gawin mo kung anoʼng gusto mo!” sagot ni PJ. Walang ideya sa tunay na kahulugan ng sinabi ng kaniyang kaniig.

Unti-unting bumaba ang labi ni Isay mula sa pagkakahinang sa kaniyang labi. Dumausdos iyon patungo sa kaniyang leeg na agad nitong sinipsip—biglang napasinghap si PJ nang maramdamang bumaon ang mga ngipin ng dalaga sa kaniyang balat… pariin nang pariin.

“S-sandali, I—say!”

Naitulak ni PJ ang hubad na katawan ni Isay nang maramdaman niyang kumikirot na ang kaniyang leeg kung saan banda kumagat si Isay. Ganoon na lang ang pagkagulantang ng binata nang makitang ang kaninaʼy maamo, maganda at mahinhing mukha ni Isay, ngayon ay tinubuan na ng pangil at makakapal na balahibo!

“A- aswang!”

Halos mabulol si PJ sa pagsigaw bago niya naisipang bumangon at kumaripas ng takbo.

Isang malakas na halakhak naman ang narinig sa dalagang si Isay habang siyaʼy hinahabol nito.

“Hindi mo ako matatakasan, PJ! Hinding-hindi ka na makatatakas!” sabi nito sabay muling humalakhak. “Ilang beses akong nanahimik. Ilang beses akong hindi umimik, sa tuwing masasaksihan ko ang kasamaan mo sa mga babaeng pinagsasamantalahan mo, PJ! Ngayon, ako ang magsisilbi mong karma. Ako ang magbibigay sa kanila ng hustisya!”

Lalong ikinagulat ni PJ ang narinig na tinuran ng kaniyang kapitbahay. Kung ganoon pala ay saksi ito! Alam nito ang kaniyang lihim at ngayon ay pinarurusahan siya!

“Nagugutom na ako, PJ, huwag ka nang tumakbo. Hindi baʼt pumayag ka na kanina na ikaw ay kainin ko?” muling umalingawngaw ang nakatatakot na halakhak sa bibig ng aswang na si Isay.

Takot na takot naman si PJ. “Tulungan nʼyo ako! Tulong!” ang kaniyang paulit-ulit na sigaw—hanggang sa siyaʼt abutan na ng gutom na mga pangil ni Isay.

Matapos ang gabing iyon ay walang sinuman ang nakakita pa kay PJ. Walang nakaaalam ng tunay na nangyari, dahil walang bakas ang hindi sinaid ng gutom niyang kapitbahay na si Isay.

Advertisement