Inday TrendingInday Trending
Sinagip Ni Bantay

Sinagip Ni Bantay

“Ano ba naman ʼtong buhay na ʼto?!”

Aburidong-aburido na si Aling Becky sa araw-araw niyang paglilinis ng dumi ng aso sa tapat ng kanilang bakuran. Ang sinisisi niya ay ang alagang aso ng kanilang kapit bahay. Lucky ang pangalan ng aso ng kanilang kapitbahay. Ito lamang naman kasi ang nakikita niyang aso na inilalabas tuwing umaga ng mga amo nito.

“Oh, mahal, ano na naman ba ang problema at lukot na lukot na naman ʼyang mukha mo?” tanong ng kaniyang asawa na nooʼy bihis na at mukhang handa nang pumasok sa trabaho.

“Ito kasing mga duming ito, e! Araw-araw ko na lang nililinis tuwing umaga! Nakakadiri na!” asar na asar namang sigaw niya at pagsusumbong ng reklamo sa asawa. “Kapag ako nabuwisit diyan sa asong ʼyan, talagang may kalalagyan sa akin ʼyan!” dagdag pa niya bago ipinagpatuloy ang ginagawang pagwawalis sa kalsada.

“Pabayaan mo naʼt ire-report natin ʼyan sa baranggay. Pasok na ako sa trabaho, mahal. Huwag nang masiyadong mainit ang ulo, ha?” paalam na lamang tuloy ng kaniyang mister na humalik muna sa kaniya bago tuluyang umalis.

Matapos ang ginagawa ay minabuti na ni Aling Becky na pumasok sa kanilang bahay upang gawin ang mga nakabinbin niyang gawain para ngayong araw. Maglinis, magluto, maglaba, maghugas ng pinggan at kung ano-ano pa. May kalakihan ang bahay nina Becky ngunit ayaw naman niyang kumuha ng kasambahay dahil aniyaʼy dagdag gastos lamang iyon para sa kanila.

Sa dami ng kaniyang gawain ay hindi na magkandaugaga pa si Aling Becky. Hindi na tuloy niya napansing lumabas na ng kanilang bahay ang anak na si Blessy upang maglaro.

“Blessy, anak? Blessy!”

Kanina pa siya tawag nang tawag sa apat na taong gulang na anak ngunit hindi niya ito makita.

“Nasaan naman ba kaya ang batang iyon?”

Napahilamos na si Aling Becky sa kaniyang sariling mukha. Hinanap niya na kasi ito sa bawat sulok ng kanilang tahanan, ngunit wala. Wala sa kwarto, sa banyo, o sa salas at kusina. Naiwan niya pala kasing bukas ang pintuan nila kaya nakalabas si Blessy. Bukas din ang kanilang gate!

Natanaw ni Aling Becky ang anak na si Blessy sa labas nga ng kanilang gate. Naglalaro itong mag-isa ng manyika at nakaupo pa mismo sa sahig ng kalsada, sa may bandang gilid.

Dali-daling lumabas si Aling Becky ng kanilang bahay sa takot na baka madali ng sasakyan ang kaniyang anak—at hindi nga siya nagkamali dahil hindi pa man siya nakahahakbang patungo sa bata ay isang kumakaripas sa tuling motorsiklo ang nooʼy malapit nang bumangga sa kaniyang anak!

“Blessy!” Halos mahimatay sa takot si Aling Becky… mabilis ang naging mga pangyayari.

Ngunit bago pa man tuluyang mahagip ng sasakyan ang anak niyang si Blessy ay isang tahol ng aso ang kaniyang narinig… nang kaniya iyong lingunin ay tumatakbo si Lucky patungo sa kaniyang anak!

Itinulak ng aso ang bata, dahilan para itoʼy tumalsik at siya ang nabangga ng sasakyan!

Lahat ng nakasaksi ay tulala sa nangyari, maging si Aling Becky. Sobrang kaba ng kaniyang dibdib at halos mawalan siya ng ulirat dahil sa sobrang nerbiyos.

Nang medyo mahimasmasan ay saka pa lamang niya natakbo ang kinaroroonan ni Blessy.

“Anak, ayos ka lang ba?”

Napahagulgol na sa tuwa si Aling Becky nang makitang ayos naman ang kaniyang anak.

“Lucky!”

Agad namang dinaluhan ng kapit bahay nila ang alaga nitong aso. Pilay ang isang paa ni Lucky matapos sagipin ang bata mula sa humaharurot na motorsiklo!

Labis-labis na pasasalamat ang hatid ngayon ni Aing Becky para sa asong kani-kanina lang ay sobra kung kainisan niya. Hindi niya akalaing ito pa ang sasagip sa muntik nang malubhang aksidente ng kaniyang anak.

“Maraming salamat! Kung hindi dahil kay Lucky ay baka kung ano na ang nangyari kay Blessy!” ang pahagulgol na pasasalamat ni Aling Becky sa kanilang kapit-bahay.

Simula noon ay hindi na kailan man nagreklamo pa si Becky sa mga dumi ng aso na halos araw-araw niyang nililinis. Ngunit minabuti ng baranggay na maglagay ng CCTV sa lugar na iyon upang makilala ang tunay na salarin sa likod ng mga dumi na walang iba pala kundi ang mga asong kalye at hindi si Lucky.

Samantala, kalaboso ngayon ang driver ng motorsiklo na bumangga sa kawawang si Lucky. Ngayon ay patuloy pa rin itong nagpapagaling at halos araw-araw itong kinukumusta ni Aling Becky.

Advertisement