Panganay sa apat na magkakapatid si Mateo. Isang fishball vendor ang kanyang ama habang isang kasambahay naman ang kanyang ina kaya naman hindi sapat ang kinikitang pera ng mga ito upang matustusan ang pag-aaral ng mga anak.
Dahil nga patapos na ng hayskul ang binata, nang malaman niyang pwede na siyang pumasok sa kampo ng mga sundalo, agad niya itong pinagbigay alam sa kanyang mga magulang. Noong una ay ayaw pa pumayag ng mga ito dahil nga walang kasiguraduhan ang pagtaya ng buhay ng anak nila dito, ngunit hindi naman kalaunan, napaliwanagan naman sila ng maayos ng binata.
Dumating na nga ang araw ng pagtatapos ng binata. Labis naman ang kagalakan ng kanyang mga magulang sa tagumapay ng kanilang anak. Isang buwan lamang ang nakalipas nag-ayos na kaagad ng mga kailangang dokumento ang binata upang tuluyan nang makapasok sa kampo. Sa kabutihang palad naman, agad na nabigyan ng pagkakataon ang binata na makapag-training upang maging isang ganap na sundalo. Labis naman ang pangambang nararamdaman ng kanyang mga magulang, halos nagdadalawang isip ang mga ito kung papayagan ba talaga ang anak.
“Nay, Tay, para sa inyo rin naman kung bakit ako magsusundalo eh. Malaki ang sasahurin ko doon. Magkakaroon pa tayo ng sariling bahay.” masiglang ika ni Mateo habang nag-aayos ng kanyang mga gamit na kanyang dadalhin sa loob ng kampo.
“Kaso anak, walang kasiguraduhan ang buhay mo. Mas mabuti nang maghirap tayo, kaysa makaalwan at magkabahay nga tayo wala ka naman sa piling namin. Huwag kana kaya tumuloy?” pag-aalinlangan ng kanyang ina.
“Nay, hindi naman porket magsusundalo ako, ako na agad yung ipapadala kapag may giyera, saka pangako ko sa inyo ni Tatay diba, gagawin ko ang lahat para makauwi ng buhay kung mapapalaban man ako. Saka andito na ako Nay, ngayon pa ba ako susuko?” puno ng determinasyong ika ng binata, saka tuluyan nang nagpaalam.
Nang makarating sa kampo, agad siyang pinasabak sa matinding training. Gumapang siya sa putik, umakyat ng bundok, nakipag-unahan sa pagtakbo, nag-ehersisyo at pinatayo sa initan ng halos walong oras. Mahirap man at talagang nakakawala ng lakas ang lagi lamang iniisip ni Mateo ay para ito sa kanyang pamilya.
Sumwe-suweldo ang binata habang nasa loob siya ng kampo dahilan para matulungan niya ang kanyang mga magulang upang mapag-aral ang kanyang mga nakababatang kapatid.
Lumipas naman ang mga buwan at tuluyan nang nagamay ng binata ang araw-araw nilang hirap sa loob ng kampo.
Tatlong taon ang nakalipas, isa nang ganap na sundalo si Mateo. Nagawa niya na ring makauwi sa kanilang bahay noong nakaraang buwan na labis namang ikinagalak ng kanyang mga magulang. Siya ngayon ay nakadestino sa Mindanao, kung saan tampok ang mga teroristang nanggugulo dito na labis namang ikinabahala ng kanyang mga magulang.
“Nay, andito lang po ako sa loob ng kampo, hindi naman ako masyado pinapalabas. Wala po kayong dapay ikabahala.” ika ni Mateo nang minsang tumawag ang kanyang ina.
Ngunit isang araw bigla na lamang silang nakatanggap ng balita na inatake ng mga terorista ang isang lungsod malapit sa kanilang kampo. Parami na ng parami ang mga inoseteng napapaslang dahilan para mapilitan ang pwersa nila na makipagbakbakan.
Nang makarating sila sa mismong lugar kung saan naganap ang pag-atake, tila nawindang ang mga sundalo sa dami ng kalalakihang humarang sa kanila na kargado ng mga naglalakihang tangke at baril habang sila, kaunti lang at tila kulang sa gamit.
Kaagad namang sumenyas ang kanilang pinuno na umatras na ngunit bago pa sila makapihit pabalik, pinaputukan na sila ng mga ito dahilan para mataranta silang lahat kaya wala na silang nagawa kundi makipagpalitan ng bala. Habang lumilipas ang mga minuto, nadadagdagan ang mga sundalong natatamaan ng bala at sa kasamaang palad, pati si Mateo ay nabaril na.
Agad namang nabalitaan ito ng kanyang mga magulang. Halos hindi makapaniwala ang mga ito sa dinanas ng anak. Wala pang kasiguraduhan kung buhay pa nga ang binata. Ang tanging pinanghahawakan na lamang nila ay ang pangako ng kanilang anak na gagawin ang lahat makauwi lamang.
Makalipas ang ilang oras nakatanggap sila ng tawag mula sa kampo na may isang sundalo ang nakaligtas. Halos magwala ang mga ito nang malamang si Mateo ang sundalong ito. Ngunit may tama ito ng bala sa kaliwang braso at naipit ng sasakyan ang kanyang kanang binti dahilan para ipaputol ito.
Dalawang araw lamang ang nakalipas pinauwi na muna sa kanilang bahay ang binata para makapagpahinga. Magkahalong emosyon naman ang nararamdaman ng kanyang mga magulang ng makitang buhay ang binata ngunit wala ng isang braso.
“Nak, pasensya kana ha, kinakailangan mo pang ibuwis ang buhay mo para lang makaangat tayo sa kahirapan.” hagulgol ng kanyang ina habang yakap yakap siya.
“Ayos lang iyon Nay, masaya akong maglingkod sa bayan, lalo na sa pamilya ko.” nakangiti namang sambit ni Mateo.
Lumipas lamang ang anim na buwan, bumalik na muli sa trabaho ang binata. Ngunit dahil nga sa kanyang kapansanan, minabuti ng mga nakatataas na idestino na lamang siya sa Cavite, kung saan malapit ang kanilang bahay.
Hahamakin mo talaga ang lahat para lamang mabigyan ng magandang buhay ang iyong pamilya, kahit pa buhay mo ang iyong itaya.