Inday TrendingInday Trending
Tsismis Pa More!

Tsismis Pa More!

“Mga mare! May balita ako sa inyo….”

Nagkumpulan sa tapat ng isang tindahan ang mga tinawag na mare ni Aling Tale, na puro mga nanay rin at nagpapalipas lamang ng oras sa pakikipagkwentuhan, lalo na sa buhay ng kanilang mga kapitbahay.

Isang certified tsismosa si Aling Tale sa kanilang barangay. Walang balita o alingasngas na lumalagpas sa kanyang pandinig at kaalaman. Kung gusto mo nga raw ng buhay na diyaryo, hanapin mo lamang si Aling Tale, dahil tiyak na alam na alam nito ang mga “latest chika” sa kanilang barangay.

Madalas, laging napapaaway si Aling Tale. Tatlong beses na yata siyang nadala sa barangay dahil sa reklamo ng ilang mga kapitbahay na ginawan niya ng kuwento. Lalong umigting ang bansag kay Aling Tale na “Dakilang Tsismosa”. Pero para kay Aling Tale, maganda iyon sa kanyang pandinig. Para sa kanya, walang masama sa kanyang ginagawa dahil bilang mga “concerned citizen”, kailangan umanong updated ang bawat isa sa mga nangyayari sa kanilang kapwa.

“Oh, ano namang juicy mong balita, Tale?” Tanong ng isa pang tsismosang si Aling Filomena. May kalong itong sanggol na pinadedede.

“Naku, alam n’yo ba, yung bago nating kapitbahay na parang mayaman? Yung babae? Lagi kong nakikita si Berting na nagpupunta roon. Hinala ko, may relasyon ang dalawa.”

Kinalabit siya ni Aling Lugring, isa sa kanyang mga kakwentuhan. “Hoy, huwag kang maingay diyan at baka may makarinig sa iyo. Eh saan mo naman nasagap ang balitang iyan?”

“Inoobserbahan ko lang sila. Para kasing may tinatago silang kakaiba eh. Tapos hindi pa nakikihalubilo sa atin. Oh diba, kahina-hinala?” Parang siguradong-sigurado si Aling Tale sa kanyang mga sinasabi. Para itong imbestigador kung magsalita.

“Hay naku, Tale. Hindi ka na nadala. Iyan ka na naman eh. Hindi ba napa-barangay ka na dahil diyan sa mga ganyan mo? Inuulit mo na naman? Bahala ka nga diyan. Basta kami, nakinig lang ha? Ikaw ang nagsabi niyan sa amin. Ikaw ang source namin.” Nasabi na lamang ni Aling Filomena. Si Mang Berting ay may asawa na. Isa itong tubero.

“Minsan, nakita ko si Berting na lumabas mula sa bahay noong babae. Tawa pa sila nang tawa. Aba’y baka katatapos lang gumawa ng milagro hahahaha…” Natatawang sabi ni Aling Tale.

“Kapag nalaman ni Josie ang kwento mo, naku, pihadong magagalit iyon kay Berting. Kaya tiyakin mo munang totoo bago mo ikwento sa kanya.” Paalala ni Aling Lugring. Si Josie ay ang asawa ni Berting.

“Hayaan n’yo… hindi ako titigil hangga’t hindi ko nalalaman ang totoo.” Pangako ni Aling Tale sa kanyang mga kumare.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, laging sinusubaybayan ni Aling Tale si Berting at ang babaeng nakatira sa magandang bahay. Lagi nga niyang nakikita si Berting na tila palihim kung magtungo rito. Hindi na nakapagpigil pa si Aling Tale. Nang minsang makita na naman niya si Berting na pumasok sa bahay ng babae, sinilip niya mula sa tarangkahan kung ano ang ginagawa ng mga ito. Narinig niya ang pag-uusap ng dalawa, subalit hindi niya maintindihan. Kaya ang ginawa niya, lumapit siya nang bahagya sa tarangkahan.

Subalit nagulat siya nang biglang lumabas mula sa loob ng bahay ng babae ang isang malaking aso. Kumahol ito kay Aling Tale at nagngangalit ang mga ngipin. Nagulat din sina Berting at ang babae. Tumakbo ang tsismosa subalit hinabol ito ng aso. Hindi napansin ni Aling Tale na papunta na siya sa isang kanal. Nahulog sa burak si Aling Tale, at nangudngod sa putikan ang kanyang mukha!

Agad naman siyang dinaluhan at tinulungan nina Berting at ang babae, gayundin ang mga nakakita sa kanya. Mabuti na lamang at may kalapit na bahay na nagpahiram sa kanya ng tuwalya upang mapunasan ang kanyang mukha.

Ang babae palang pinupuntahan ni Berting ay ang panganay nitong anak sa pagkabinata. Pahiyang-pahiya sa kanyang sarili si Aling Tale. Muli siyang pinagsabihan ng barangay chairman na tigilan na ang ginagawa niyang tsismis dahil hindi ito makakatulong sa kanya, at sa kanilang pamayanan. Humingi ng tawad si Aling Tale kay Mang Berting, at simula noon, tumigil na sa kanyang ginagawang pakikipagtsismisan si Aling Tale.

Kapag naaalala niya ang ginawa niya, natatawa na lamang siya sa kanyang sarili, at nakararamdam din siya ng ibayong hiya. Minabuti na lamang niya na igugol ang kanyang panahon sa mas mahahalagang bagay, kaysa sayangin ang oras sa pakikipaghuntahan.

Advertisement