Inday TrendingInday Trending
Inay, Bakit Mo Kami Ipina-ampon?

Inay, Bakit Mo Kami Ipina-ampon?

Dating isang entertainer si Daisy sa isang club. Sikat siya sa mga parokyano nito sapagkat talagang maganda si Daisy. Kaso biglang nagbago ang ihip ng kapalaran. Sumama siya sa isang mayamang negosyante na pinangakuan siya ng magandang buhay ngunit yaon pala ay sasaktan lamang siya nito. Kaya minabuti niyang lisanin ang lalaki.

Hindi niya alam na siya ay buntis. Dahil takot na lumaki ang kanyang anak na walang ama, pinahintulutan na niyang papasukin sa buhay niya si Mando, isang security guard. Nagtagal ng halos dalawang taon ang kanilang relasyon at nagbunga pa ito ng isang supling. Hindi nagtagal nahuli naman niya ang kinakasama na mayroong iba. Pilit man niyang ayusin ang relasyon dito kay Mando ay hindi na talaga ito maayos sapagkat sa pagkakataong ito ay siya naman ang iniwan ng lalaki.

Sa ikatlong pagkakataon ay umibig muli si Daisy sa katauhan ni Arnold, isang matador. Nakilala niya ito ng minsan siyang bumili ng baboy sa palengke. Hindi naglaon ay naging suki siya ni Arnold at dito na nagsimulang umusbong ang kanilang pag-ibig. Dahil binata naman si Arnold ay walang hadlang sa pagsasama ng dalawa. Tanggap rin naman niya ang dalawang unang anak ni Daisy kaya napagdesisyunan nilang tuluyan ng magsama.

Simple man ang naging buhay ay masaya silang nagsama. Muling nabuntis si Daisy sa ikatlo niyang anak. Maayus na sana ang lahat ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay napaaway si Arnold sa kapwa nito matador. Inundayan siya ng taga ng nakaalitan na agad naman niyang ikinasawi. Lubusan ang kalungkutan na sinapit ni Daisy.

Dahil maliliit pa ang kanilang mga anak at baon din sa utang, pilitin man ni Daisy na magtrabaho ay hindi pa rin sasapat. Pinalayas na rin sila sa kanilang inuupahan sapagkat hindi na sila nakakabayad pa ng renta. Wala ring gustong magpatuloy sa kanila kahit kani-kanino lumapit si Daisy. Kung saan na lamang sila abutan ng dilim ay doon na lamang sila natutulog mag-iina. Awang-awa man sa mga anak ay walang magawa si Daisy.

Isang gabi habang natutulog sa isang waiting shed, may isang lasing na lalaki ang lumapit sa kanila. Tinitigan ng lalaki ang panganay na anak ni Daisy at hinablot ito. Naramdaman nito agad ng ina at nang magising ay nahuli niya ang lalaki na akmang hahalayin ang anak. Simigaw ng malakas si Daisy at pinaghahampas ang lalaki. Doon niya napag-isip-isip na kailanman ay hindi magiging ligtas sa kaniyang mga anak ang lansangan.

Labag man sa kanyang kalooban ay dinala niya ang tatlong anak sa bahay ampunan. Malugod naman silang tinanggap ng mga namamahala nito. Pagkalipas ng ilang araw ay may umampon na sa panganay na anak ni Daisy na si Rosalie. Sumunod naman ang pangalawa na si Anna at ang huli ang pinakabunso na si Melody.

Si Rosalie ay inampon ng isang maykayang pamilya at dinala sa Italy. Si Anna naman ay dinala sa Canada at ang bunso na si Melody ay sa America. Pawang naging magaganda ang buhay ng magkakapatid. Nakapag-aral sila sa mga disenteng paaralan at nagkaroon ng magagandang trabaho.

Hindi naman itinago sa kanila ang kanilang pagiging ampon. Kaya nang magkaisip ang mga ito ay pinilit nilang hinanap ang isat-isa. Nahirapan man ngunit sa tulong na din ng social media ay hindi sila nabigo. Minsan sa isang taon ay nagkikita ang magkakapatid.

Bakas sa kina Anna at Melody ang hinanakit sa kanilang inang nagpaampon sa kanila. “Ano siyang klaseng ina? Ipinamigay niya tayo. Mag-aanak-anak siya tapos hindi niya pananagutan?” wika ng Anna. “Hindi man lamang nga niya ako binigyan nang pagkakataon na makasama siya ng matagal. Sabihin na natin na mahirap siya, pero hindi niya ba naisip na kailangan natin siya?” dagdag naman ng bunso.

Ngunit dahil kahit paano ay may muang na ang panganay nilang kapatid, alam niya sa kanyang puso na pinilit silang buhayin ng ina. “Tingin ko wala lang siyang pagpipilian. Hindi niya tayo kayang buhayin. Kaya sa hirap ng buhay ay napilitan siyang dalhin tayo sa bahay ampunan,” pahayag ni Rosalie. Ngunit kahit ano pang sabihin ng nakakatandang kapatid ay hindi na maiaalis ang pagkamuhi ng dalawa sa kanilang ina. Sa tuwing magkakausap ang mga ito ay pilit nilang iniiwasan na mapag-usapan ang kanilang nanay.

Nang sumunod na taon ay napagpasiyahan ng kanilang panganay na bumalik ng Pilipinas at hanapin ang kanilang ina. Labag man sa kalooban ng dalawa ay sumama sila sapagkat gusto rin nilang marinig sa tagapangasiwa ng ampunan ang tungkol sa kanilang nakaraan. Nang makarating sa ampunan ang tatlo ay agad silang nagtungo sa mga kinauukulan. Laking gulat nila nang marinig ang sinabi ng tagapangasiwa ng lugar. “Masaya kami sa inyong pagdalaw. Nahanap na namin ang talaan at pati na rin ang inyong mga dokumento. Nasasaad dito na isang Daisy Reynales daw ang inyong ina ngunit sa kasamaang palad ay hindi man lamang siya nag-iwan ng address o anumang litrato,” pahayag ng tagapangasiwa.

“Ngunit natatandaan ko na nakaharap ko siya at nakausap ng ilang beses sapagkat ilang araw matapos kayong dalhin dito sa bahay ampunan ay bumalik siya at pilit kayong binabawi,” nagtinginan ang magkakapatid. “Dahil sa aming patakaran, sinabi ko na kailangan munang dumaan sa isang masusing proseso ang lahat kung papahintulutan na isauli kayo sa kaniya at kung sa pagkakataon ba na iyon ay kaya na niya kayong buhayin,” dagdag pa nito.

“Walang araw na hindi siya bumalik at nagpumilit. Lagi niyang sinasabi na mas mabuti daw na kahit wala kayong makain ay sama-sama naman daw kayo. Ni hindi nga raw niya alam ang pumasok sa kanyang isip at dito niya kayo dinala. Hindi daw kasi kayo ligtas sa lansangan. Natigilan lamang ang kanyang pagpunta dito nang malamang mayroong maykayang pamilya ang sa inyo ay handang mag-ampon at dadalhin kayo sa ibang bansa.” pahayag muli ng tagapangasiwa.

“Marahil ay naisipan niya na ang mga pamilyang ito ang mas makapagbibigay sa inyo ng mas magandang buhay. Kaya hinayaan na rin niya kayo rito at hindi na binawi pang muli,” patuloy na niyang pagsasalita. “Ang huling balita na lamang namin ay nawala siya sa kanyang katinuan sa labis na pangungulila sa inyo. Minsan nga daw ay nakita ito na kinakausap ang sarili at kinukumbinsi na tama ang kanyang ginawa. Tapos maiiyak ito. Madaming panahon siyang naghintay sa inyong pagbabalik. Ngunit ang sabi-sabi ay binawian na raw ito ng buhay,” nalulungkot na sambit niya.

Natulala ang mga anak sa kanilang narinig. Hindi na sila nakaimik pare-pareho sa tinuran ng tagapangasiwa. Lubusan ang pag-iyak naman ni Rosalie sapagkat kahit unti-unti nang nabubura ang mga alaala ng ina ay pilit niya itong sinasariwa. Alam niya na minahal sila ng ina at nagipit lamang ito kaya dinala sila sa bahay ampunan. Hindi nila akalain na hindi pala talaga sila kinalimutan ng ina at nabuhay ito ng miserable sa pangungulila sa kanyang mga anak. Kung hindi sana dinala ni Daisy ang kaniyang mga anak sa bahay-ampunan ay baka kung saan na rin sila pulutin at hindi sana nila malalasap ang ginhawa ng buhay na nararanasan nila ngayon.

Ito ang pagpapatunay na gagawin talaga ng ina ang lahat upang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang mga anak kahit pa ang maging kapalit nito ay pagkawalay sa kaniya.

Advertisement