Inday TrendingInday Trending
Binabae si Itay

Binabae si Itay

Plantsado na ang uniporme at nakahain na rin ang almusal ni Greg tuwing umaga. Maging ang sapatos niya ay makintab at maganda ang pagkakatiklop ng kanyang panyo. Naiayos na ang lahat ng ito ng kanyang ama bago pa man magising ang binata. Mag-isang itinaguyod ni Mang Lino ang kaisa-isa niyang anak na si Greg. Sapagkat hindi naman nakatapos ng pag-aaral ay hindi ito makakuha ng permanenteng trabaho. Kabi-kabila ang kanyang mga hanapbuhay. Nariyan na magtinda siya ng mga pabango, lotion, sabon, bra, salawal at kung anu-ano pa. Ume-ekstra din siya sa paggupit ng buhok at minsan naman ay tagalinis. Pagka maluwag ang kanyang oras pilit na naghahanap pa siya ng iba pang pagkakakitaan upang maibigay ang lahat ng pangangailangan nilang mag-ama. Lalo na at malapit nang magkolehiyo si Greg.

“Gumising ka na riyan, anak. Handa na ang iyong pampaligo,” wika ni Mang Lino. Agad namang gumising ang binata at nag-ayos upang pumasok na sa paaralan. Nasa junior high na si Greg. Ang hindi alam ng kanyang ama ay halos ayaw na nitong pumasok sa paaralan. Paano ba naman ay tampulan palagi siya ng tukso ng malaman ng buong eskwelahan na ang ama niya ay isang binabae.

Bukas ang mata ni Greg sa lahat ng sakripisyo ni Mang Lino. Kaya naman kahit na araw-araw siyang kinukutya dahil sa kasarian ng kanyang ama ay binabalewala na lamang niya ito. Madalas ay gagayak siya at aalis ng bahay na tila papasok sa eskwela pero ang katunayan ay sa computer shop, sa library o kaya sa mall ang kanyang tuloy. Umiiwas kasi si Greg sa mga mapanghusga niyang kaeskwela at baka siya ay mapaaway.

Kaya laking gulat na lamang ng kanyang ama nang pinatawag ng mga guro ang atensyon ni Mang Lino dahil sa mga liban ni Greg sa klase. Laking gulat pa niya nang makita niya ang anak ay may pasa sa mukha. “Ano ang nangyari sa iyo? Sino ang gumawa nito?” nangangambang tanong ni Mang Lino. Hindi umimik ang binata. Patuloy sa pagtatanong si Mang Lino sa kanyang anak ngunit walang sagot na lumalabas sa kanyang bibig.

“At ano itong sinabi ng guro mo na hindi ka raw pumapasok at babagsak ka na sa iyong mga aralin?” dagdag ni Mang Lino. “Greg! Hindi kita pinalaki ng ganito. Hindi kita pinalaki ng sinungaling! Hindi man ako nagrereklamo sa iyo ay sana ay makita mo ang lahat ng sakripisyo ko, anak. Lahat ng ginagawa ko ay para mapabuti ka!” galit na wika ng ama.

“Mapabuti ako? Naririnig ninyo ba yang sinasabi niyo, tay? Kahit kailan hindi ako mapapabuti dahil diyan sa pagka-binabae ninyo!” panunumbat ni Greg.

Natigilan naman ang kanyang ama. “Alam ninyo ba kung gaano katagal kong tiniis na gawin akong katatawanan sa eskwela? Gaano kasakit na sa tuwing makikita nila ako ay ang nakikita nila ay ang kabadingan ninyo?” hindi na maawat sa pagsasalita ang binata. “Bakit kasi hindi ninyo na lamang ako binigay sa nanay ko! Eh, ‘di sana mas mabuti ang kalagayan ko ngayon! Iniisip ninyo lang kasi ang sarili ninyo!”

Dahil sa pagkabigla ni Mang Lino sa sinabi ng anak ay nasampal niya ito sa kaliwang pisngi. Napaluha si Greg at dali-daling tumalikod at umalis ng bahay. Tangka namang hinabol ni Mang Lino ang anak ngunit hindi ito nagpapigil. Dahil sa sama ng loob ay mas minabuti ni Greg na magpunta na lamang sa kanyang lola. Kinuwento nito ang nangyaring alitan sa pagitan nilang mag-ama.

“Kung sana ay naging isang normal na tatay na lamang kasi siya, La!” bulalas ni Greg. “Greg, huwag kang magsalita ng ganyan sa ama mo. Alam mo ba na sobra ang takot niya na palakihin ka dahil sa kanyang kasarian. Natakot siya na baka dumating nga ang araw na ito. Nang umalis ang nanay mo at sumama sa ibang lalaki, masakit man sa iyong ama ay pilit ka niyang ibinibigay sa iyong ina. Alam ng tatay mo na wala siyang kakahayan na magpalaki ng anak lalo kung ito ay lalaki. Ngunit ayaw ng iyong ina. Ni ayaw ka niyang hawakan. Sabi pa niya ay magiging sagabal ka lamang sa pagbuo muli niya ng pamilya,” deretsong pahayag ng lola ng binata.

“Kaya takot man ay pinilit ng ama mo ang magpakalalaki at palakihin ka ng tama sa abot ng kanyang makakaya! Masuwerte ka nga riyan sa iyong ama at kahit binabae siya ay nagpakaama siya sa iyo. Maraming tatay riyan na manginginom, adik, basagulero, babaero o kaya naman sugarol. Ang iba pa’y sinasaktan o inaalipin ang kanilang mga anak. ” dagdag pa niya.

Maraming napagtanto si Greg sa tinuran ng kanyang lola. Hindi nga naman tama na gawin niyang basehan ang kasarian ng ama sa pagmamahal at kalinga na kaya nitong ibigay. Dali -dali siyang umuwi at nagpakumbaba.

“Tay..” bungad ng binata. “Itay, patawarin ninyo po ako sa mga nasabi ko. Hindi ko po sinasadya. Bakit hindi ninyo po sinabi sa akin na ayaw ako dalhin ng nanay nang umalis siya at sumama siya sa iba? Bakit itinago ninyo sa akin?” umiiyak na wika ni Greg. “Patawarin mo ako, anak. Kasi hindi ko alam ang aking sasabihin. Ayoko rin naman bigyan ka ng sama ng loob at maging masama ang tingin mo sa iyong ina,” sagot ni Mang Lino. “Patawarin mo ako, anak, kung isa akong binabae. Pinipilit ko naman na ituwid ang aking sarili para lamang sa’yo.” tuluyang nang naluha si Mang Lino.

“Huwag po kayong humingi ng tawad, tay. Ako po ang may kasalanan. Hindi ko po naisip ang mga sakripisyo ninyo. Hindi po ninyo kailangan ihingi ng tawad ang inyong kasarian. Mahal na mahal ko po kayo, itay! Patawad po!” patuloy sa pag-iyak ang binata. “Mahal na mahal din kita, anak!” tugon naman ng kanyang ama.Dali-daling niyakap ni Greg si Mang Lino.

Sa wakas ay nagkapatawaran na ang mag-ama. Muli namang bumalik sa eskwela si Greg matapos kausapin ni Mang Lino ang pamunuan ng paaralan. Mula noon ay taas noong pinagmamalaki ni Greg ang kanyang ama kahit pa binabae ito.

Walang mali sa pagiging isang binabae. Minsan pa nga, mas lalaki pa sa lalaki ang mga kagaya ni Mang Lino.

Advertisement