Dahil Mahilig Kang Manlait ng Pangit, Eto’ng Sayo!
Mahilig sa maganda si Adrian. Ang kanyang pamantayan sa isang babae ay nakabatay sa pisikal nitong kaanyuhan. Siguro dahil na rin sa kanyang taglay na kagwapuhan ay naghahangad din ito ng babaeng sasakto sa kanyang personalidad.
“Pare, anong pipiliin mo? Maganda pero hindi matalino o matalino pero panget?” tanong ni Jomari sa kaibigang si Adrian. “Syempre, pare alam mo na ang sagot ko riyan! Ano pa, kundi ‘yong maganda na hindi ganoong katalino!” sagot nito. “Grabe, Pare! Seryoso ba ‘yan?” dagdag na tanong ng kaibigan. “Oo naman, Pare! Isipin mo ‘yung maganda pwede pa ‘yun tumalino. Eh, ‘yung panget? Hindi na pwede gumanda ‘yon!” sagot muli ng binata. Nagtawanan ng malakas ang dalawa.
“Halimbawa na lang, Pare, ‘yung kasamahan natin sa trabaho na si Grace. Nuknukan ng panget ‘yon, Pre. Alam mo ‘yong hindi ko alam kung saan niya kinukuha ang lakas ng loob niya para lumabas pa ng bahay!” sabay hagikgik ni Adrian.
“Sobra ka naman, Pare. Maayos naman ang itsura ni Grace kahit paano. Saka matalino naman siya. Tignan mo nga at siya na naman ang top performing agent ngayong buwan,” pagtatangol ni Jomari.
“Siguro ay may gusto ka kay Grace, ano?” natatawang kantiyaw ni Adrian kay Jomari.
“Hindi naman sa ganoon, Pare, kasi hindi naman tayo magkatulad, eh. Alam mo naman, hindi naman ako kaguwapuhan pero ang gusto ko talaga sa babae ay ‘yong may laman ang utak kapag kausap mo, saka matalino at mabait kahit ano pa ang itsura niya!” wika ni Jomari.
“Naku, Pare, parang iba na yan! Sa sinasabi mong ‘yan ay pwede ka nang patayuan ng rebulto. Ikaw na ang tatawaging bayani ng mga babaeng panget!” walang humpay na pangangantiyaw at pagtawa si Adrian.
Araw-araw sa kanilang trabaho ay walang ginawa si Adrian kundi gawing tampulan ng tukso si Grace. Palagi niyang pinagtatawanan ang itsura nito. “Grace! Siguro kung magkakaanak ka aakalain ng mga tao may sa magligno yung mga ‘yun. Kaya kung ako sayo ay huwag ka nang mag-anak kasi para hindi na rin dumami ang lahi mo!” natatawang pang-aasar ni Adrian kay Grace.
“Sabagay sino nga naman ba ang papatol sa iyo!” dagdag pa ng binata. Hindi man umiimik si Grace ay sobrang nasasaktan ang kanyang damdamin. Sa totoo lamang ay wala siyang ginagawang masama kay Adrian kaya hindi niya maintindihan kung bakit ganito na lamang ang pang-iinis ng binata sa kanya.
Nagpatuloy ang pambubuska ni Adrian kay Grace kaya isang araw ay hindi na napigilan ng dalaga ang kanyang galit. “Akala mo kung sino kang guwapo?! Huwag sanang dumating ang panahon na ang mga sinasabi mong iyan sa akin ay bumalik sa iyo!” gigil na wika ni Grace sa binata.
“Hindi mangyayari iyan, Grace. Kasi hindi naman kita kamukha!” natatawa pang tugon ni Adrian.
Sa pagkakataong ito ay hindi na pumatol pa ang dalaga. Inis man ay tumalikod na lamang siya at lumayo. Agad naman siyang nilapitan ni Jomari. “Huwag mo siyang pakinggan. Para sa akin ay hindi importante ang iyong itsura. Hanga ako sa taglay mong bait at talino, Grace,” wika ni Jomari sa dalaga.
“Salamat, Jomari. Iba ka talaga riyan sa kaibigan mo na ‘yan. Sana na lang talaga ay hindi niya maranasan ang pinaparanas niya sa akin ngayon. Napakasama niya na pati magiging anak ko, kung magkakaanak man ako, ay kanyang dinadamay. Parang wala siyang kaluluwa!” pahayag ni Grace.
Dahil na rin sa pangungutya ni Adrian ay unti-unting natuto si Grace na mag-ayos ng kanyang sarili. Simple man ang dalaga ay makikita mo naman ang laki ng pagbabago sa kanyang itsura lalo sa postura nito. Parang ibang tao na nga kung iyong mapagmamasdan. Inamin na rin sa kanya ni Jomari ang tunay niyang pagtingin kay Grace. Hindi nagtagal ay sinagot na rin siya ng dalaga.
Sa kabilang banda naman ay walang ginawa si Adrian kundi ipagmalaki ang kanyang bagong kasintahan. Mala-diyosa kasi ang ganda nito at makinis ang kanyang maputing balat. Hindi rin maitatanggi ang halos perpekto ang hubog ng katawan nito. Sa sobrang pagkahumaling si Adrian sa kagandahan ng nobya ay madalas niya itong ipakita sa madla.
Minsan sa isang bar habang kainuman ni Adrian si Jomari, “Pare, niyaya ko nang magpakasal sa akin ang aking kasintahan! Hindi ko na siya mapapakawalan kasi nakita mo naman ‘di ba? Parang diyosa talaga sa ganda!” pagmamalaki nito sa kaibigan.
“Ikaw naman d’yan, Jomari. Hindi pa rin ako makapaniwala na pinatulan mo ‘yang si Grace. Hindi ka ba natatakot sa magiging anak n’yo? Baka mamaya tiyanak ‘yon!” sabay tawa ng malakas ni Adrian.
“Pare, tingin ko kailangan mo nang tigilan si Grace. Hindi na maganda yang lumalabas sa bibig mo. Tandaan mo nobya ko na siya ngayon,” sambit ni Jomari.
“Ewan ko sa iyo. Pwede ka naman kumuha ng maganda, katulad na lang ng nobya ko! Pero wala, hindi ko alam kung ginayuma ka ni Grace o kung may sa mambabarang yang babae na ‘yan o talagang nabulag ka na, Pare!” hindi tumitigil si Adrian sa kanyang pang-aasar.
“Ayoko na ng usapang ito, Pare.” napipikong wika ni Jomari. Binabastos mo na naman ang nobya ko. Alam mo, tama ang mga sinabi ni Grace. Sana ay hindi dumating ang araw na bumalik sa iyo lahat ng kayabangan mo na ‘yan,” wika ni Jomari sa kaibigan sabay alis nito.
Nagpakasal na nga si Adrain sa kanyang kasintahan. Naging masaya ang kanilang pagsasama at hindi naglaon ay nabuntis na ang kanyang misis sa kanilang unang anak. Nasasabik na siya na makita ang anak sapagkat sigurado siya na malaki ang tyansa na makakamukha niya ito. Paglabas ng kanilang anak ay hindi makapaniwala si Adrian sa kanyang nakita. Iba ang itsura ng bata kaysa sa kanilang mag-asawa. Maitim ito at hindi katangusan ang ilong. Makapal ang kanyang mga labi at may balat pa sa mukha. Hindi man lamang magawang mahawakan ni Adrian ang kanyang anak.
“Hindi ko anak ang batang iyan! Baka napalitan siya dito sa ospital!” paghihimagsik ni Adrian. “Alisin ninyo ang batang iyan dito! Sinasabi ko sa inyo hindi ninyo magugustuhan ang gagawin ko kung hindi ninyo iaalis ang batang iyan dito!” dagdag pa niya. Unti-unting lumapit sa kanya ang kanyang asawa tila may inaabot na isang larawan.
Agad itong tinignan ni Adrian. “Sino ba ‘tong panget na ito?” tanong ni Adrian sa asawa. Napayuko na lamang ang kanyang misis sa kanyang sinabi.
“Ang panget na yan na sinasabi mo ay ako!” sambit ng kanyang magandang asawa. “Ang kagandahang iyong nakikita ngayon ay hindi ang aking totoong itsura. Nagparetoke lamang ako. Patawad kung inilihim ko ito sa’yo,” pag-amin ng asawa.
“Palagi kasi akong kinukutya noon. Kaya nang magkaroon ako ng kakayahan na ipabago ang aking itsura ay agad ko itong ginawa. Mula nang mabago ang itsura ko ay hindi na ako nakatanggap pa ng kahit anong masasakit na salita at ang lahat ay maayos na ang pakikitungo sa akin. Hindi mo ako masisisi kung ginawa ko ito sa aking sarili. Ngunit patawad! Hindi ko naman inaasahan na mangyayari ang ganito,” wika niya.
Hindi matanggap ni Adrian ang lahat ng narinig sa asawa. Hindi niya rin alam kung paano niya tatangapin ang sanggol na iniluwal nito. Naalala na lamang niya ang lahat ng mga sinabi sa kanya ni Grace pati na rin ang lahat ng pangungutiya, pamamahiya at lahat ng masasakit na salita na nabitawan niya sa dalaga. Kasabay pa nito ang walang humpay niyang panghuhusga kay Grace dahil lamang sa itsura nito. Hindi niya akalain na sa ganitong paraan siya mabibigyan ng leksyon. Lubusan ang kanyang pagsisisi kung bakit mas pinahalagaan niya ang ganda ng panlabas na kaayuan kaysa sa kabutihan ng kalooban.