Inday TrendingInday Trending
Kapag Ikaw ay Isang Ina

Kapag Ikaw ay Isang Ina

Madaling-madali si Tania sa paglalakad. Alas dos pa lang ng madaling araw noon at kauuwi pa lang niya mula sa trabaho. Tumawag kasi ang kaibigan na iniwan niyang nag-aalaga sa anak at sinabi nitong wala na raw gatas si Baby Pola.

Sarado pa ang mga tindahang nadaanan niya, kaya naman naghintay pa siya ng ilang minuto na magbukas ang isa sa anumang puwedeng mabilhan ng gatas doon, ʼdi na alintana ang pagod mula sa magdamag na paglilinis ng sahig at inodoro sa pinagtatrabahuhan niyang bar. Alas kuwatro na ng umaga nang mag-umpisang magbukas ang isang botika, kaya naman doon lamang siya nakabili ng kailangan.

Sa kaniyang paglalakad pauwi ay hindi maiwasang mapansin siya ng mga kalalakihang nakatambay sa labasan. Dahil kilala siya ng mga ito, bilang isang babaeng maagang nabuntis at nagtatrabaho sa bar ay hindi siya pinaligtas ng mga ito sa mga pambabastos.

“Tania, kailan ka pwede?” may pagngising tanong ng isa sa mga lalaki na sinabayan pa ng malalakas na halakhakan ng mga kasama nito. Nagdire-diretso lang sa paglalakad si Tania at hindi na sila pinansin pa. Mas mahalagang madala niya agad ang gatas ni Baby Pola, dahil baka nag-iiiyak na ito ngayon, dahil sa gutom.

Kahit papaano ay napawi ang pagod niya nang mayakap ang anak, pag-uwi. Inabutan niya ng dalawang daan ang kaibigan bilang pakunswelo para sa pagbabantay nito sa bata.

Kumain siya ng almusal, sandaling naglinis ng bahay bago niya hinele ang anak at sinabayan na ng tulog.

Disi-siyete anyos pa lang si Tania nang mabuntis ng kaniyang nobyo. Nasa ikalabing-isang baitang pa lang siya noon sa highschool. Ganoon na lang ang galit ng kaniyang mga magulang at nagawa pa siyang palayasin ng mga ito at itakwil. Lugmok na lugmok noon ang dalaga, laloʼt hindi na niya makita pa ang ama ng anak niya nang mga panahong iyon. Doon niya naisip ang kapalit ng mga kalokohang nagawa niya. Nagsisi si Tania, ngunit mas pinili niya ring magpakatatag para sa magiging anak niya.

Ngayon ay dalawang taon na ang nakalilipas. Halos lahat ng trabaho ay napasok na niya. Janitress, sales lady, promodizer at kung anu-ano pa. Mahirap, ngunit hindi niya pinagsisisihang binuhay niya ang anak na si Baby Pola.

Ngunit may mga pagkakataong kinakailangan niyang kumapit sa patalim para lang makakain silang mag-ina…

“Sir, please po, wala lang po talagang panggatas ang anak ko. Kahit ano pong trabaho, tatanggapin ko, basta huwag nʼyo lang akong sisantehin ngayon.”

Halos maglumuhod noon si Tania sa kaniyang boss. Kinailangan kasi nitong magtanggal ng ilang empleyado dahil nalulugi na ang pinagtatrabahuhan niyang bar.

Mataman itong napatitig sa kaniya. “May alam akong trabahong maaari mong pasukin kung talagang kailangan mo,” anito, sabay haplos mula sa kanyang balikat hanggang sa kaniyang baywang. Nais nitong ibenta niya ang kaniyang sarili.

Nasa loob na sila noon ng isang pribadong kwarto at kumot na lang ang tanging bumabalot kay Tania.

“Gamitin mo ʼto.” Iniabot ng kaniyang boss ang isang maliit na plastik na may kulay puting pulbos. Alam na alam niya kung ano iyon.

“K-kailangan pa ba talaga ʼyan, Sir? Hindi po ako gumagamit ng ipinagbabawal na gamot,” sabi niya, medyo malakas ang tinig niya noon kaya naman napakunot ang noo ng boss niya.

Nasa ganoon silang akto nang biglang bumukas ang pintuan ng kwarto.

“Walang gagalaw, taas ang kamay!” hiyaw ng pulis na siyang iniluwa ng pintuan. Agad na pinosasan ng mga ito ang kaniyang boss na ngayon ay masama ang tingin sa kaniya. Timbog ang boss niyang pusher ng ipinagbabawal na gamot!

Nag-apply siya bilang isang asset ng mga pulis laban dito, para kumita ng pera. Delikado man ay wala na siyang ibang pagpipilian.

“Traydor ka!” sigaw nito habang binibitbit ito ng mga pulis. “Babalikan kita, Tania!” banta pa nito.

Binalot ng takot ang puso ni Tania, ngunit isang kamay ang agad na tumapik sa kaniya. “Huwag kang mag-alala. Poproteksyunan ka namin,” sabi ng lalaking may-ari niyon. Isa iyon sa mga pulis na rumesponde sa lugar.

Pagkauwi niyaʼy agad siyang napayakap sa kaniyang anak. Dito naman siya humuhugot ng lakas. Ngunit mahirap alisin ang takot.

Nang gabing iyon ay isang bisita ang hindi inaasahang dumalaw sa kaniyang inuupahang apartment.

“M-Mama!”

Agad siyang napayakap sa ina na nooʼy umiiyak siyang sinalubong.

Doon ay mas lalong naging matatag si Tania. Muli siyang tinanggap ng kaniyang pamilya at sinuportahan siya, lalong-lalo na ng kaniyang mama. Ganito pala kapag isa kang ina. Lahat ay gagawin mo para sa anak mo, at muli mo siyang tatanggapin kahit ano pang kasalanan ang nagawa nito.

Advertisement