Inday TrendingInday Trending
Ang Aking Puso

Ang Aking Puso

“Naiinom mo naman ba nang maayos ang mga gamot mo, Dianne?” Mataman ang tingin ng doktor sa mga mata niya, ngunit taas noong sinalubong iyon ng dalaga.

“Of course, Doc! Mabait at masunurin yata akong pasiyente!” sagot niya naman na may kasamang pagmamalaki.

Dooʼy napangiti naman ang kanilang family doctor na si Doctor Valdez. “Well, thatʼs good!” saad nito. “You better take care of yourself more, Dianne, ʼcause Iʼm doing my best to save you,” dagdag pa nito bago sumeryoso ang hitsura ng mukha. “Iʼll be away for three months, Diane. Kaya sana, maging mabait ka pa ring pasiyente, kahit wala ako.”

“Ganun?” Napanguso ang dalaga. “Okay!” Nagtataka man ay mas pinili na niyang huwag na lang itanong sa doktor kung bakit ito aalis. Mukha kasing personal ang rason.

“Pero may iiwan akong titingin muna sa iyo pansamantala. Be a good girl, ha? Huwag mong pasakitin ang ulo niya.”

Nagulat si Dianne sa sinabi ng doktor. “Sino naman ʼyon, Doc?”

“Pamangkin ko. Heʼs not a doctor, pero may background siya ng medicine dahil ito ang kinuha niyang kurso noong college siya, so I can relly on him. Isa pa, matalino ang batang iyon. Basta, makipag tulungan ka lang sa kaniya,” sagot naman ng doktor. “And please, Diane… no extreme emotions, okay?”

Napatango-tango na lang si Dianne.

Hanggang sa magpaalam na ang doktor na sumadya pa sa kanilang tahanan upang matingnan siya. Paulit-ulit ang mga bilin nito. Alam niya naman kung bakit. Malala na ang sakit niya sa puso. Anumang oras ay maaari na iyong huminto sa pagtibok.

Hindi siya puwedeng sumaya ng sobra, o maging malungkot. Hindi siya puwedeng mag-overthink, kiligin, magalit, kabahan o matakot ng matindi. Lahat iyon, maaaring makasama sa kaniya kung hindi siya mag-iingat. At dahil nga gusto niya pang mag-stay nang mas matagal dito sa mundo ay sinusunod niya ang lahat ng bilin ni Dr. Valdez.

Ngunit lahat ng iyon ay nagbago nang tuluyan nang umalis ang kaniyang doktor at naiwan siya sa pangangalaga ng pamangkin nitong nagpakilalang si Kyle…

Si Kyle na sa unang pagkikita pa lang nilaʼy agad nang bumihag sa puso ng dalaga.

Malaki ang naging paghanga ni Diane kay Kyle. Bukod kasi sa guwapo ang lalaki ay napakabait, napakatalino at napaka-gentleman pa nito sa kaniya, habang may pagkasuplado naman ito sa iba. Hindi tuloy maiwasan ni Diane na mag-assume na baka sakaling may gusto rin ito sa kaniya.

Ang totoo ay oo, may gusto nga rin talaga si Kyle sa dalaga. Noon pa man ay kilala na ni Kyle si Diane, dahil na rin sa mga kuwento ng kaniyang Uncle na siyang doktor nito. Buhat noon ay lumago ng lumago ang paghanga niya sa dalaga, at kung minsan pa ngaʼy minamasdan niya ito sa malayuan. Kaya nga kahit hindi niya gusto ang kursong tinapos niya noong kolehiyo ay nagpumilit siyang maging temporary bantay ni Dianne nang magkaroon ng urgent business ang kaniyang uncle sa ibang lugar at kailangan nitong iwan si Diane.

Ngunit alam ni Kyle na limitado lang ang maaari niyang iparamdam sa dalaga. Batid niya na hindi ito pupuwedeng magmahal, dahil sa kalagayan nito, kayaʼt mas pinipili niyang huwag na lang iparamdam dito ang pagkagusto niya.

Ngunit tila hindi na kaya pang pigilan ang nararamdaman ng dalawa. Tatlong buwan na ang nakalipas at mas lalo silang napalapit sa isaʼt isa laloʼt halos araw-araw na dumadalaw si Kyle kina Diane.

“Diane, para sa ʼyo.” Iniabot ng binata ang isang bungkos ng mga rosas kay Diane, nang umagang iyon.

Nagulat naman ang dalaga. Binalot ng kaba at kilig ang kaniyang dibdib, ngunit hindi niya iyon ipinahalata. “Wow, flowers!” sabi niya.

Minabuting tumalikod agad ni Diane upang hindi rin ipahalata ang biglaang pagsikip ng kaniyang dibdib.

“Diane… i love you—pwede ba akong manligaw?” tila wala sa loob na nasambit ng binata na muling nakapagpaharap sa dalaga.

“K-Kyle…” Hindi pa man natatapos ni Diane ang sasabihin ay halos manlabo na ang kaniyang paningin dahil sa mga luhang nag-unahang umalpas mula sa kaniyang mga mata. Patindi nang patindi ang pagsikip ng kaniyang dibdib na ngayon ay sapu-sapo na niya.

“D-Diane? Diane!” dinig niyang tawag ni Kyle sa kaniyang pangalan habang bumabagsak siya sa sahig.

“Kyle… I love you,” ang huling mga salitang binitiwan ng kaniyang isip na ni hindi niya alam kung naisatinig pa ba niya, bago siya tuluyang mawalan ng malay.

Nagising si Diane sa tunog ng aparatong nakakabit sa kaniyang pulso. Namulatan niya ang kaniyang inang natutulog nang nakaupo sa kaniyang gilid, habang ang kaniyang ama naman ay nakatalikod sa kanila. Nakatayo ito at may kung anong ginagawa sa maliit na mesang naroon sa putim-puting kwartong iyon.

“P-Papa…” Tinawag niya ito.

Halos manlaki naman ang mga mata ng kaniyang ama nang siyaʼy lingunin nito.

“Anak, gising ka na!” tarantang anito bago tinawag ang mga doktor.

Masaya ang lahat sa naging resulta ng heart transplant kay Diane, kahit pa inabot pa siya ng ilang buwan bago naka-recover. Maaliwalas na ang mukha ng kaniyang mga magulang at malawak naman ang ngiti sa kaniya ng mga doktor.

Ngunit may ilang tao na hinahanap ng kaniyang mga mata.

“M-Mama, si Doc Valdez po?” naitanong niya sa ina.

“Umalis siyang muli ng bansa, Hija, matapos ang operasyon mo,” agad namang sagot nito.

Takang napatanga si Diane. Hindi naman kasi ganito ang doktor niya. Katunayan ay ito pa nga ang nag-iinsist na bantayan siya palagi at hindi nito ugaling iwan siya lalo na sa mga ganoong pagkakataon.

“E, Mama… s-si Kyle po?”

Ang tanong na iyon ang nakapagpatigil naman sa lahat. Tila walang gustong sumagot. Tila isa iyong paksa na walang gustong magbukas.

Ilang sandali pa ay napabuntong hininga ang ama ni Diane. Lumapit ito sa kaniya at iniabot ang isang sulat. Galing iyon kay Doctor Valdez…

Binasa niya ang nakapaloob sa sulat at halos ikabigla ni Diane ang nakasaad doon…

Si Kyle… si Kyle ang may-ari ng bago niyang puso!

Nang araw na isinugod si Diane sa ospital ay sinisi ni Kyle ang sarili. Alalang-alala ang binata na halos hindi na ito mapagkatulog dahil sa nangyari. Ilang araw nang walang malay ang minamahal na dalaga, nang nagmadaling umuwi si Doctor Valdez mula sa ibang bansa. Nagpakalango naman si Kyle sa alak.

Lasing na lasing ang binata nang magmaneho ito ng motorsiklo papunta sa ospital, hanggang sa naaksidente ito. Halos wala nang buhay si Kyle nang makarating sa ospital, ngunit nagawa niya pang magpakatatag upang panatilihing tumitibok ang kaniyang puso… para kay Diane.

Ang huling mga salita ni Kyle ay inilaan nito sa isang habilin.

“Uncle, please, iligtas mo si Diane. Iligtas mo siya, gamit ang aking puso.”

Kasabay ng pag-agos ng mga luha ni Diane ay ang pagsapo niya sa kaniyang dibdib, upang pakiramdaman ang pagtibok ng puso ni Kyle doon. Umiiyak niyang dinama ang pagmamahal ng binatang maging ang sariling buhay ay inialay sa kaniya.

“I love you too, Kyle,” maya-mayaʼy nakangiti nang aniya bago nagpasyang pahirin ang kaniyang mga luha. Sa pagkakataong iyon ay nagpasiya si Diane. Kailangan niyang mas alagaan ang sarili ngayon. Iyon na lang ang tanging maigaganti niya sa sakripisyo ng minamahal niyang si Kyle.

Hindi man ngayon, alam niyang magkikita silang muli, pagdating ng panahon. Ngayon ay kailangan niya munang tapusin ang misyon niya sa mundo, at iyon ay ang maging masaya sa bagong buhay na ibinigay sa kaniya.

Advertisement