“Hoy Daisy! May assignment kana ba sa Math? Wala pa ako eh, hindi ko talaga maintindihan gagawin don. Magdamag ko lang pinagmasdan ang papel ko.” naiinis na ika ni Remi.
“Hay naku, ako pa ang tinanong mo. Alam mo namang row four ako sa lahat ng subject. Noong bumuhos ata ang katalinuhan sa mundo, tinago ako maigi ng nanay ko sa baul.” pabiro namang sambit ni Daisy.
Kasalukuyang grade 12 students ang dalawang magkaibigan. Palibhasa’y laging tulog o kung minsan ay nakikipagchikahan sa likod, parehas silang walang alam sa klase lalo na kapag subject na Math ang pinag-uusapan.
“Friendship, baka pwede mo naman kami turuan doon sa assignment namin. Mabubungangaan na naman kami ni Ma’am Dragon mamaya eh.” sambit ni Remi sa pinakamatalino sa kanilang klase.
“Naku, bahala kayo. Wala kayong ginawa kundi magdaldalan sa likod tapos ngayon iistorbohin niyo ako?” mataray na ika nito, todo nakataas pa ang kilay.
“Pigilan mo ko Daisy, uupakan ko ito!” bulong ni Remi sa kaibigan, akma namang niyang susuntukin ang kakalse ngunit agad naman siyang inawat ni Daisy.
Ngunit tila napaisip ang magkaibigan nang mapansin ang nakatumpok nilang mga kaklase sa harapan ng banyo, agad nila itong pinuntahan at inusisa. Ngunit bago pa sila makapunta sa tumpok ng estudyante, nakasalubong nila ang grupo ng mga lalaki sa kanilang klase kaya ang mga ito muna ang tinanong nila.
“Mga pare, anong mayroon doon? Nanunuod kayo ng bastos no?” malokong sambit ni Daisy.
“Sira, nagpaturo kami ng assignment kay Kuya Eric! Ayun dalian niyo magpaturo rin kayo!” ika ng isa nilang kamag-aral.
“O, talaga? Si Kuya Eric yung janitor?” gulat na sambit ni Remi.
“Oo! Ang galing niya nga magturo eh. Yung hindi ko maintindihan kay Ma’am Dragon, siya lang pala ang makakalutas!” ika pa ng isang lalaki dahilan para tumakbo ang magkaibigan sa tumpok ng mag-aaral. Pilit nilang pinagsiksikan ang sarili sa mga kamag-aral at nagpaturo sa janitor ng kanilang paaralan.
“Hay! Salamat Kuya! Ganito lang pala iyon? Hanep halos mabaliw na ako kagabi dito!” tuwang-tuwang ika ni Daisy, habang winawagaygay pa ang sagutang papel.
“Ako rin eh, Kuya paano mo ito nalaman?” pag-uusisa naman ni Remi, dahilan para magkwento ang lalaki.
“Alam niyo kasi, nasa mataas akong klase noong nasa hayskul ako katulad niyo. Grumaduate nga ako bilang isang valedictorian eh. Kaso alam niyo naman ang buhay, hindi laging saya ang binibigay. Pagkatapos ng gradtuation ko, nabangga ng isang truck yung sasakyan naming dahilan para bawian ng buhay ang mga magulang ko. Kaya ayun, naghanap na agad ako ng trabaho, kaso hindi ako nakapagkolehiyo diba, kaya walang kumukuha sakin. Buti nga natanggap ako bilang janitor dito.” mangiyak-ngiyak na ika ni Kuya Eric, tinapik-tapik naman ng mag-kaibigan ang likod nito para bahagyang kumalma.
“Hoy! Andyan na si Ma’am Dragon!” biglang sigaw naman ng isang kaklase nila Daisy, dahilan para magpaalam muna sila sa lalaki at tumakbo papuntang silid.
Simula noon, kada may assignment sila sa Math, kaagad silang nagpapaturo sa kanilang Kuya Eric. Naisipan naman itong pagkakitaan nila Daisy para pandagdag sa kita ng lalaki. Pinaliwanag naman nilang mabuti sa kanilang mga kaklase kung bakit nila gagawin yun at sa kabutihang palad nagkaisa silang tulungan ang lalaking palaging andyan para turuan sila.
Kada assignment, naniningil ang magkaibigan ng tig-lilimangpung piso sa kung sino ang nagpapaturo ngunit hindi nila ito pinapaalam sa lalaki. Mas lalong lumaki ang naipon nilang pera noong malapit na ang pagsusulit sa Math dahil naniningil sila ng limangpung piso sa kada kaklase nilang magpapaturo sa lalaki. Lahat ng naipon nilang pera ay napagdesisyunan nilang ibili ng grocery at sapatos nito. Napansin kasi nilang sira-sira na ito.
Lumabas na ang resulta ng mga pagsusulit ng klase nila Daisy at lahat sila ay pasado sa pinaka-kinakatakutang subject at ito ay dahil sa masugid na pagtuturo ng janitor na tuwang-tuwang pinagmamasdan ang nagdiriwang na mag-aaral.
“Kuya Eric! Na-perfect ko yung test!”
“Hulog ka talaga ng langit Kuya Eric!”
“Wala kang katulad Kuya!”
Ilan lamang ito sa mga sinisigaw na mga salita ng mga estudyante habang patakbo silang papunta sa lugar kung saan naglilinis si Kuya Eric.
“Masaya akong makatulong sa inyo.” ika nito sabay bow sa mga bata, ngunit pagtayo niyang muli, labis siyang napaluha sa mga nakita.
Nagsulat sa manila paper ang mga estudyante na may malaking nakalagay, “Thank you, Kuya Eric!” saka sabay sabay nila itong sinabi. Agad namang lumitaw sila Remi at Daisy upang ibigay ang kanilang pinag-ipunang grocery items at sapatos para sa kanya.
“Para sa akin talaga ang lahat ng ito?” maluha-luhang ika ni Kuya Eric habang pinagmamasdan ang m ga bigay ng mga estudyante.
“Oo kuya! Kulang pa yan sa mga naitulong mo samin! Sukat mo na yung sapatos!” ika naman ni Remi.
Dahil sa pangyayaring iyon, nakilala si Kuya Eric sa buong paaralan. Binahagi niya ang kanyang natatanging kwento na talaga nga namang nakapukaw ng atesyon ng mga nakakataas kaya binigyan siya ng mga ito ng scholarship upang makapag-aral sa kolehiyo.
Bawat tao ay may tinatagong pait ng kahapon, mangyari lamang na maging sensitibo ka at ituring ang lahat ng nasa paligid na espesyal.