“O, Marissa, napadalaw ka? Akala ko nakalimutan mo na kami.” ika ni Vicky sa kaibigang matagal na nilang hindi nakakasama.
“Pwede ba iyon? Eh kayo ang matatalik kong mga kaibigan.” nakangiting sambit naman ni Marissa sa kaibigan.
“Pwede. Nagawa mo na nga eh. Sa oras na kailangan ka naming, wala ka. Nang hiwalayan si Gracia ng nobyo niya, wala ka para damayan siya.” depensa pa ni Vicky dahilan para mapasimangot ang dalaga.
“Diba pinaliwanag ko namang may trabaho ako?” pangangatwiran naman ni Marissa.
“Kahit na, kung mahalaga kami sayo, gagawa ka ng paraan para makamusta lamang kami.” sambit nito sabay padabog na ibinaba ang mga gamit pang linis ng kuko.
Sa pagiging manikurista nabuo ang pagkakaibigan ng tatlong dalaga. Nakilala sila sa galing nila magpinta at maglinis ng kuko dahilan para kumita ng malaki ang pinagtatrabahuhan nilang salon. Ngunit pagkalipas lamang ng dalawang taon, biglang umagsak ang naturang salon dahilan para mapilitang maghanap ng bagong trabaho si Marissa pangtustos sa pang-araw-araw na pagkain ng kanilang pamilya. Habang ang dalawa naman niyang kaibigan na sina Vicky at Gracia pagkat walang pamilyang papakainin, ay nanatili pa rin sa salon, nagbabakasakaling aangat muli ito.
Hindi naman kalaunan, nakakuha na ng trabaho si Marissa sa isang pabrika ng sikat na brand ng damit bilang taga-tahi ng butones. Magaan lamang ang trabaho niya dito at maganda ang pasweldo dahilan para umalwan kahit papaano ang buhay ng kanyang pamilya.
Noong una ay masaya pa si Vicky sa tagumpay ng kaibigan ngunit nang tumagal tila naiingit na siya dito dahilan para tumabang ang pakikitungo nito sa dalaga.
“Punta-punta pa siya dito, para ano? Para ipamukha sa atin na mayaman na siya? Nakapamatapobre!” galit na ika ni Vicky habang nililinisan ang kuko ng isang customer.
“Vicky, hindi naman siguro ganon. Baka naman gusto lamang na mangamusta ni Marisaa. Ikaw talaga, dakilang inggitera!” panunukso naman ni Gracia.
“Hoy mag-ingat ka sa sinasabi mo ha? Baka gusto mo pagbuhulin ko buhok niyong dalawa.” inis na inis na ika ni Vicky saka niya hindi sinasadyang matusok ang kuko ng customer, patago namang tumawa ang kaibigan ng biglang napasigaw ang nililinisan niya ng kuko.
Lumipas ang isang linggo, hindi na muli nagpunta si Marissa sa salon na iyon, naisip niya na baka mapahiya ulit siya sa aastahin ng kaibigan. Kinakamusta niya rin ito gamit ang Facebook at Instagram ngunit panay seen lamang ito sa kanyang message at hindi man lang nito magawang mag-reply.
Tila napuno na nga ng inis at pagkainggit ang puso ni Vicky ngunit bigla naman itong nangamba nang mabalitaang nasusunog ang pabrikang pinagtatrabahuhan ng kaibigan.
Agad silang humangos ni Gracia sa naturang pabrika at kitang-kita nila ang laki ng apoy na tumutupok dito. Nagkalat sa daan ang naglalakihang truck ng bumbero na galing sa iba’t ibang lugar upang apulahin ang apoy.
Nadagdagan ang pangamba ng dalawa ng may mga katawang inilalabas ang mga bumbero na walang malay, ang iba ay sunog na at wala ng buhay habang ang karamihan naman ay sugat-sugat. Sinubukan nilang ipagtanong-tanong ang kaibigan.
“Naku, si Marissa? Huling kita ko sa kanya bago ang sunog pumasok siya sa banyo.” ika ng isang lalaking nakaligtas sa sunog.
Halos mangiyak-ngiyak ang magkaibigan nang marinig ang mga salitang iyon. Wala silang magawa kundi maghintay sa balita kung ano ang nangyari sa kanilang kaibigan. Ngunit maya-maya may biglang may nag-abot sa kanila ng softdrinks at chichirya.
“Mas magandang panuorin ang nasusunog na pabrika kapag may kinakain.” ika ng isang pamilyar na boses dahilan para mapatingala ang magkaibigang nakasalampak sa semento.
“Marissa!” sabay na sambit ng dalawa saka agad na yumakap sa kaibigan.
“Buong akala namin nasa loob ka pa.” hikbi ni Vicky sa kaibigan.
“Diyos ko, hahayaan ko ba ang sarili kong masunog? Baka nakalimutan niyo mabilis akong tumakbo.” pagmamalaki ni Marissa, “Pero teka Vicky, bakit ka andito? Diba hindi mo nirereply-an ang mga message ko?” pabiro namang dagdag nito.
“Naku ewan ko sayo pinakaba mo ako! Halika nga dito!” maluha-luhang ika nito sabay yakap sa kaibigan, “Pagpasensyahan mo na ako ha. Nabalot ng inggit ang puso ko sa tagumpay na meron ka. Sana mabalik natin yung dating pagsasamahan natin.” dagdag pa nito dahilan para maiyak na rin si Marissa.
“Hoy sali ako!” makulit na ika naman ni Gracia at nakisali sa yakapan ng dalawa.
Simula noon tumibay ang pagkakaibigan ng tatlo. Kahit pa nadestino sa ibang lugar si Marissa dahil sa sunog, palagi nila itong kinakamusta at kung minsan ay dinadalaw.
Kadalasan kung sino pa ang mga taong akala mo ay makakaintindi sayo, sila pa yung magbababa sayo. Mahirap man ito at masakit, ang mahalaga ay kung paano niyo maibabalik ang dati niyong pagsasama.