“Naku iha, huwag ka muna pupunta doon sa gubat ha. May bali-balitang engkanto na nagunguha ng mga dayo doon.” pabulong na ika ni Lola Sela.
“Totoo po Lola? Eh hindi naman po ako dayo dito diba? Apat na taon pa lang naman simula nang lumuwas ako ng Maynila.” Sambit naman ni Vanessa habang isinasalansan sa kanyang aparador ang mga damit na dala.
“Kahit na, basta sumunod kana lang sa akin.” sabi ng kanyang Lola, tila puno ito ng takot.
“Sayang naman po, gusto ko pa namang mamitas ng mangga mamayang hapon. Na-miss ko na rin po yung matatamis na prutas doon.” nguso naman ng dalaga.
“Ibibili na lamang kita sa palengke basta huwag kana lang pumunta sa gubat, maliwanag ba?” sambit ng matanda para manahimik na ang makulit na dalaga.
Laki sa probinsyang ito si Vanessa, bata pa lamang siya ay laman na siya ng mga gubat,, talon at ilog na matatagpuan dito. Palagi kasi siyang sinasama ng kanyang Lolo sa panghuhuli nito ng mga hayop. Ngunit bagamat liblib na ang kanilang lugar, walang paaralang pang-kolehiyo ang malapit sa kanila, kaya naman nang makatapos siya ng hayskul, napilitan siyang lumuwas ng bayan para makapag-aral.
Dahil nga apat na taong nangulila ang dalaga sa preskong hangin at magagandang tanawin, pagkatapos niyang mag-ayos ng kanyang mga damit, naglakad-lakad siya upang masilayan muli ang mga ito. Sakto namang napadaan siya sa lagusan kung saan sila madalas magpunta ng kanyang Lolo patungong gubat, dito niya naalala ang bilin ng kanyang Lola na huwag siyang pupunta dito lalo na’t magdidilim na.
“Hindi naman ata totoo yun, bibilisan ko lang, promise. Kukuha lang ako ng isang mangga.” ika ni Vanessa sa sarili saka lumusot sa lagusang kanyang nakita.
Tila napatulala ang dalaga sa ganda ng mga punong hitik sa bunga, mga ibong tila nagsisiawitan at simoy ng hangin na tila amoy basang damo.
“Grabe! Na-miss ko talaga ito!” ika ng dalaga saka tumakbo sa paborito niyang puno ng mangga, paakyat na sana siya ng puno nang biglang may kumaluskos sa kanyang likuran.
“Naku baka ligaw na baboy lamang iyon.” pagpapakalma niya sa sarili, ngunit tila palapit ng palapit ang mga tapak ng paa sa mga tuyong dahon patungo sa kanya dahilan para lumingon siya sa kanyang likuran.
Dito niya nasilayan ang tinutukoy ng kanyang Lola. Halos mag-kulay itim na ang mukha nito, mamula-mula ang kaliwang mata at tila lapnos ang labi ng nasabing nilalang dahilan para mapasigaw ang dalaga at mawalan ng malay.
Pagbukas niya ng kanyang mga mata, nasa isa na siyang barong-barong sa gitna ng kagubatan. Nang mapansin ng nilalang na may malay na siya, agad siya nitong nilapitan, takot na takot naman ang dalaga.
“H-huwag kang lalapit!” ika ng dalaga.
“Huwag kang matakot. Hindi naman ako nangangain.” malumanay na ika ng kanyang kausap saka siya inabutan ng mga prutas.
“Ah-eh a-ano pala ginagawa mo sa mga taong nawawala dito sa kagubatan?” lakas loob namang ika ni Vanessa.
“Aba malay ko. Basta kapag nakikita nila akong namimitas ng prutas bigla na silang nagtatakbuhan tapos ipinagkakalat nilang engkanto ako, kaya ito hindi na ako makaalis dito eh, baka mapatay ako ng taong bayan.” malungkot na ika nito.
“Ibig sabihin tao ka? Eh bakit ganyan ang itsura mo?” pang-uusisa pa ng dalaga.
“Malamang tao ako! Ano kasi eh, may nobya ako dati tapos noong nasasaktan na niya ako ng pisikal pinili ko nang makipaghiwalay, kaso ayaw niyang pumayag kaya ayon itinali niya ako sa puno, sinabuyan ng gas saka sinunog. Buti na lang talaga pagkalipas ng ilang minuto umulan noon kaya nakaligtas ako kaya lang ito na naging itsura ko. Hindi na rin ako nakauwi samin eh, hindi ko na alam kung saan ang daan.” maluha-luhang ika ng lalaki dahilan para maawa naman ang dalaga.
Napagdesisyunan ng dalaga na tulungan ang lalaki na makauwi sa kanila. Palagi siyang pumupuslit sa kanyang Lola para mabisita at madalhan ng damit at mga pagkain ang binata. Masinsin rin niyang sinasaliksik ang mga detalyeng sinasabi ng lalaki upang matagpuan ang bahay nito. Sa kabutihang palad naman, makalipas ang isang linggong mananaliksik, natagpuan niya ang bahay ng binata tatlong bayan mula sa kagubatan.
Agad niya itong pinagbigay alam sa mga magulang ng binata, agad naman niyang nakumbinsing sumama ang mga ito kahit na may kaunting pangamba dahil nga sa usap-usapan ng mga taga-doon. Pumunta nga sila sa gubat na iyon at doon nakita ng mga ito ang kanilang nawawalang anak.
“Diyos ko, ang engkantong tinutukoy pala nila ay ang anak ko!” iyak ng nanay ng binata, labis naman ang kasiyahan ng binata sa ginawang pagtulong ng dalaga.
Pagkatapos nang pangyayaring iyon, hindi na muling naging katatakutan ang gubat na puno ng mga prutas. Namuhay na rin ng normal ang lalaking inakala ng karamihan ay engkanto.
Minsan talaga sa sobrang paniniwala natin sa mga lamang lupa, lahat ng mga bagay o tao na hindi pangkaraniwan ay napagbibintangan nating nababalot ng hiwaga. Mangyari lamang na maging matalino tayo sa pipiliing paniniwalaan dahil hindi biro ang epekto nito sa taong bayan.