Inday TrendingInday Trending
Tagalinis Ng Nitso, Binigyan Ng Numero

Tagalinis Ng Nitso, Binigyan Ng Numero

Tubong probinsya ang pamilya ni Mang Romy at Aling Ising. Dahil mahirap ang buhay doon ay mas minabuti nila ang makipagsapalaran sa Maynila. Kasama ang kanilang dalawang anak ay lumuwas pa-Maynila ang mag-anak upang subukan ang kanilang swerte.

Hindi nila alam na mas mahirap ang buhay na naghihintay sa kanila dito. Pumasok bilang tagapangalaga ng nitso at musuleo si Mang Romy. Si Aling Ising naman ay taga-gupit ng damo at taga linis ng lapida sa isang sementeryo. Hindi kalakihan ang kanilang sweldo. Pagod na at babad pa sa init ng araw ay kailangan nilang pag-igihan ang trabaho. Kung dadating kasi ang kanilang amo at madadatnan nilang hindi maayos ang pagkakalinis sa mga ito ay maaaring mawalan sila ng trabaho.

Isinasama rin minsan nina Mang Romy at Aling Ising ang kanilang dalawang anak. Dahil walo at anim na taong gulang lamang ang mga ito, dapat sana ay nag-aaral na sila. Ngunit dahil kapos sila sa panggastos ay mas minabuti na lamang ng mag-asawa na pahintuin muna ang dalawa sa pag-aaral. “Marahil ay sa susunod na taon ay makakapasok na kayo mga anak. Konting tiis na lamang,” sambit ni Mang Romy sa dalawa nitong anak. Naiintindihan naman ito ng mga bata sapagkat nakikita naman nila ang mga magulang na sadyang nagsisikap.

Nakatira sila sa isang barung-barong malapit sa sementeryo. Sa loob ng halos isang taon ay ito ang nagsilbi nilang silong. Nahihirapan sila sa tuwing umuulan kaya minsan ay napipilitan silang makisilong sa mga musuleo na inaalagaan ni Mang Romy. Natatakot man ang dalawang bata ay hindi na nila inaalintana ito pagkat hindi rin naman nila kakayanin ang lamig at pagpatak ng ulan sa kanilang tahanan.

Patuloy ang mag-asawa sa pagtatrabaho at pagtataguyod sa kanilang mag-anak. Isang araw, hindi inaasahan na nagkasakit ang kanilang bunsong anak. Halos tumirik na ang mga mata ng bata sa taas ng lagnat nito. Dali-daling isinugod ni Mang Romy ang bata sa ospital kahit na alam niyang wala siyang ibabayad. Ang kakarampot na naipon niya ay hindi pa rin sasapat sa kanilang gagastusin sa ospital ngunit hindi na ito inisip ng mag-asawa pagkat mas impotante ang buhay ng kanilang anak.

Sunud-sunod ang pagsubok sa kanilang buhay. Nang sumunud na buwan naman ay nadulas si Aling Ising at mali ang pagkakabagsak kaya nabalian ito ng braso. Kailangan itong ipasemento. Dahil sa kalagayan niya ay hindi na makapagtrabaho ang misis ni Mang Romy. Mula noon ay solong katawan na lamang niya ang kumakayod para sa pamilya.

Akala nila ay tapos na ang mga ganitong pangyayari sa kanilang buhay ngunit nagkasakit naman din ang kanyang panganay na anak. Kailangan naman masalinan agad ang bata ng dugo. Sa sunud-sunod na pagsubok na ito sa kanilang buhay at dahil hindi rin naman maganda ang kanilang kalagayan at tinitirhan, nagdesisyon na lamang siya na sa paggaling ng kanyang panganay na anak ay babalik na lamang sila sa probinsya. “Kahit na mahirap ang buhay natin doon ay nakakakain naman tayo palagi dahil sa ating mga tanim. Hindi man kalakihan ang ating kubo ay mas mainam pa iyon kaysa sa ating tinitirhan ngayon. Kaya napagpasyahan ko na babalik na lamang tayo sa ating probinsya,” wika niya.

Kinagabihan ay nakatulog na sa pagod si Mang Romy at doon ay napanaginipan niya ang matandang nakalibing sa musuleo na kanyang binabantayan at nililinis. Sa kanyang panaginip ay soot ng matandang lalaking instik ang itim nitong kasootan na nasa larawang nakapatong sa puntod nito.

“Huwag ka nang umalis,” wika ng matandang lalaking intsik kay Mang Romy sa panaginip niya. “Huwag ka nang umalis at ako ang bahala sa iyo,” dagdag pa nito. Nagising si Mang Romy sa gitna ng kanyang panaginip. Kinilabutan siya nang maalala ang sambit ng matandang lalaking intsik. Kinabukasan habang naglilinis si Mang Romy ay lubusan pa rin niyang iniisip ang nangyari sa kanya kagabi. Akma namang dumating ang anak ng nakalibing sa musuleo. “Mang Romy,” tawag ng anak ng matandang intsik. “Nakakatuwa naman ang linis nitong pinaglalagakan ng aking ama. Siya nga pala, nagdala ho ako ng pagkain. Maraming salamat po sa pag-aasikaso ninyo rito,” wika ng babae.

Tamang-tama naman dahil kanina pa kumakalam ang sikmura ng kaniyang mag-anak. Iniuwi niya agad ang mga ibinigay sa kanyang pagkain pagkatapos ng kanyang gawain. Sama-sama nila itong pinagsaluhan. Nang kinagabihan ay patuloy ang pag-iisip ni Mang Romy. Alam niyang wala nang kahihinatnan pa ang pamamalagi nila sa Maynila kaya kailangan na nitong ituloy ang paglikas. Nang siya ay makatulog ay napanaginipan na naman niya ang matandang intsik at nagwika muli ito na siya ang bahala kay Mang Romy. Kasunod nito ay nagbigay siya ng mga numero.

“5, 12, 21, 36, 40, 41”

Biglang nagising si Mang Romy at pilit inalala ang mga numero. Isinulat agad niya ito at nang mapansin na anim ang mga numero ay naisip niyang tayaan ito sa sweepstakes. Kahit na nangangamba siya na baka matalo ito at maging kabawasan lamang sa kanilang panggastos sa araw na iyon ay nagpunta pa rin siya sa tayaan ng sweepstakes at doon nagbakasakali.

Kinabukasan ng lumabas resulta, laking gulat niya nang makita na tumama ang kanyang mga numero. Nagtatalon siya nang malamang isa siya sa tatlong tumama ng jackpot. “Mayaman na tayo! Mayaman na tayo!” napatalon sa galak si Mang Romy. Nakakuha siya ng 30 milyon mula sa kanyang tinamaang numero.

Nang dahil sa pera na iyon nakabili siya ng lupa. Ang iba naman niyang pera ay inilaan upang makapagsimula ng grocery store. Pinag-aral din niya ang kanyang mga anak sa mga mamahaling mga unibersidad sa bansa. Dahil sa pag-ahon sa buhay ay tuloy-tuloy narin ang paggaling ng kanyang asawa. Lubusan ang naging pasasalamat ni Mang Romy sa matandang lalaking intsik. Magpahanggang ngayon ay pinangangalagaan pa rin ni Mang Romy ang musuleo ng matanda. Kahit matiwasay at marangya na ang kanilang pamumuhay, hindi niya ito iniwan at hindi na sila muling bumalik pa sa probinsya.

Advertisement