Ang Mapanghusgang Tindera
Bilang isang saleslady mapili si Erika sa kanyang aasikasuhin sapagkat nais lamang niyang asistahin ang mga mamimili na sa tingin niya ay may kakayahang magbayad. Sapagkat naghahabol sa komisyon at nais nitong makabenta ng marami ay bakit nga naman niya aaksayahin ang panahon sa mga taong hindi naman kayang bumili ng produkto na kanyang itinitinda.
Alam ng lahat ng kaniyang kasamahan ang ugaling itong ni Erika. Hindi lingid sa kanilang kaalaman na may pagka-arogante talaga ang dalaga. Minsan kung ikaw ay nagtatanong at hindi maayos ang iyong kasuotan ay hindi ka nito masyadong aasikasuhin bagkus ay ipapakita niya sayo na abala siya sa ibang gawain. Ikaw naman bilang isang mamimili ay mawawalan ng gana na ipagpatuloy pa ang pagtatanong. Sa madaling sabi ay ayaw niya ng nagtatanong lamang. Ang nais niya ay yaong mga taong siguradong bibili.
May isang pagkakataon nga na may isang mukhang mayamang lalaki ang nagtatanong sa kanya ukol sa kagandahan ng binebenta nitong TV. Dahil nga sa mukhang mayaman ang lalaki at akmang bibili ay agad itong inasikaso ni Erika. Sa haba ng diskusyon ay nainip na ang dalaga. “Ano ho ba, Ser. Bibili ba kayo?” pagtatanong ng dalaga. “Nag-iisip pa ako, eh,” tugon ng lalaki. Sa sobrang pagkayamot ni Erika sa kanyang narinig ay agad nitong isinara ang pinapakitang telebisyon at sinabihan ang lalaki na bumalik na lamang kung nakapag desisyon na. Mahahalata mo rito ang kanyang inis na may halong pagdadabog at taas ng tono ang kanyang pagsasalita. Ikinagulat naman ng lalaki ang ginawang ito ni Erika kaya umalis na lamang siya.
“Naku, Erika. Hindi ka ba natatakot na pagsungitan ang iyong mga kustomer? Kung magsusumbong sila ay maaaring mawalan ka ng trabaho,” wika ng kasamahan niya. “Eh hindi magsumbong sila. Bakit? Hindi ako mabilis na matatangal sa trabaho ko kasi lagi naman akong nakaka-kota. Kung sasagutin at papaliwanagan ko lahat ng mga nagtatanong sa akin ay aaksayahin ko lamang ang oras ko! Lalo yung mga halata naman sa itsura na walang pambili at may maitanong lamang! Hindi na lamang sila magsiuwi sa kanilang tahanan. Hindi naman sila makakabili ng ganitong kamahal na telebisyon,” nainis na wika ng dalaga. “Inaalala lamang kita. Baka rin kasi makahanap ka ng kaaway o ng katapat mo,” pagpapaalala ng babae kay Erika. Umismid lamang si Erika sa kanyang narinig. Sa loob-loob niya ay imposible naman na tanggalin siya dahil buwan-buwan niyang naaabot ang bentang hinihingi sa kanya.
Isang araw, isang matandang lalaki ang lumapit kay Erika. Hindi naman ito marungis ngunit simple lamang ang itsura nito. Ang polo niya ay parang luma na, pati na ang pantalon na kanyang suot. Ang matandang lalaki ay may bitbit lamang na lumang bag at naka-tsinelas.
“Miss, maaari bang magtanong kung magkano ang TV na ito? Pangarap ko kasi na magkaroon niyan,” wika ng matandang lalaki kay Erika. Tinignan lamang ng dalaga ang matanda at hindi niya ito sinagot. Inulit muli ng matanda ang tanong kay Erika ngunit sa pangalawang pagkakataon ay parang wala itong narinig.
Akma namang may dumating na mag-asawa. Maayos ang kasuotan nito at may magagarang mga cellphone. Maraming suot na alahas ang babae at sa tono ng kaniyang pagsasalita ay halatang mayaman ito. “Magkano itong telebisyon na ito,” pagtatanong ng babae kay Erika. Agad naman sumagot ang dalaga “Tatlumpung libong piso po, Madam! Nais ninyo po bang buksan ko ito nang makita ninyo ang eksakto niyang itsura?”
Habang ipinapaliwang ni Erika sa mag-asawa ang mga features ng telebisyon ay lumapit namang muli ang matandang lalaking unang nagtanong sa kanya.
“Tatlumpung libong piso? Ayon na ba ang pinaka huli niyang presyo? Pagtatanong ng matanda. “Ser, pwede ho bang tumabi muna kayo at nagde-demo ako sa kanila,” wika ni Erika patungkol sa mayamang mag-asawa.
“At saka ho, pinapaalala ko lamang sa inyo na hindi ito palengke. Hindi ho kayo maaring humingi ng tawad dito sa mall. Kung gusto ninyo hong tumawad ay huwag kayo dito bumili,” pagtataboy ng dalaga. Kahit anong pakiusap ng matanda na asistahin siya ni Erika ay wala namang ginawa ang dalaga kundi siya ay baliwalain at iparamdam na dapat na siyang umalis.
Nang matapos siyang mag-demo sa mag-asawa, laking gulat niya na hindi pala bibili ang mga ito. Sa sobrang inis niya, ay napagbalingan niya ang matandang lalaki. “Pahara-hara kasi kayo diyan! Ayan tuloy umalis ang kustomer ko! Siguro mananatili na lamang pangarap iyang paghahangad ninyo na magkaroon ng ganyang uri ng telebisyon. Bumalik na lamang ho siguro kayo kung may pambili na kayo! Kung mangyayare man iyon!,” galit na wika ni Erika.
Hindi nagustuhan ng matanda ang tinuran ng dalaga. Lumapit siya rito at ipinakita ang kanyang dalang lumang bag. Lubhang ikinagulat ni Erika nang makita niya na ang lumang bag palang dala-dala ng matanda ay punung-puno ng pera. “Nais ko sanang bumili at tuparin ang aking pangarap kaso hindi sasapat sa iyo ang aking itsura sa kadahilanang mukha akong mahirap,” wika ng matanda. “Hinusgahan mo na ako kaagad dahil sa panlabas ko na anyo. Kung anu-anong masasakit na salita pa ang sinabi mo sa akin na parang wala akong karapatan na magtanong sa iyo,” dagdag pa niya.
“Ipinaramdam mo sa akin na ayaw mo ng trabaho mo. Kaya ngayon, ibinibigay ko sa iyo ang iyong gusto. Wala ka nang trabaho,” mariing sambit ng matanda. Kumunot ang noo ni Erika sa kanyang narinig. “Hindi mo maaaring gawin iyan sa akin–,” mabilis na sagot ng dalaga. Hindi pa siya tapos sa kanyang sinasabi ng magsalitang muli ang matanda. “Bakit hindi?” wika niya sa dalaga. “Ako nga pala si Ginoong Ramos at ako ang nagmamay-ari ng tindahan na ito. Narito ako upang subukan ang aking mga empleyado,” pag-amin nito.
“Hindi ko kailangan ng mga arogante at matapobre sa aking kumpanya. Hindi ko nanaisin na may manatiling masamang ugali dito dahil ito ay magiging isang lason na sisira sa pundansyon na aking binuo. Ngayon ay makakaalis ka na,” pagtatapos ng matanda.
Sa wakas ay naturuan na rin ng leksyon ang aroganteng sales lady at tuluyan na itong napaalis sa kanyang trabaho. Sa hindi niya inaasahang pangyayari pa niya matututunan na hindi tamang manghusga ng kahit sino lalo na kung ang basehan nito ay panlabas na anyo lamang.