Inday TrendingInday Trending
Malignong Mamboboso

Malignong Mamboboso

Mapamahiin at naniniwala sa mga hindi maipaliwanag Na bagay tulad ng multo, engkanto, sumpa at usog ang pamilya ng napangasawa ni Michael. Sa katunayan niyan ay sa tuwing magkakasakit ang kanilang mga anak ay imbis na dalhin sila sa ospital ay kanilang pinapatawas at pinahihilot lamang ang mga ito. Labag man sa kalooban niya ay walang magawa si Michael baka kasi ito ang pagmulan ng away nilang mag-asawa.

Kilala kasing hilot ang nanay ni Lydia, misis ni Michael. Bata pa lamang si Lydia ay ito na ang nadatnan niyang ginagawa ng kanyang ina sa kanilang lugar kaya ganoon na lamang din ang paniniwala ng misis nito. Noong minsan nga ay nagkaroon ng bulutong ang panganay nilang anak. “Ang sabi ng nanay ay kailangan daw nating mag-alay ng manok diyan sa malaking puno na ‘yan. Maaring nagambala daw ng iyong anak ang mga naninirahan d’yan sa puno,” wika ni Lydia.

“Nakita kasi ni nanay na may isang engkanto raw ang lubusang nagalit sa ating panganay na anak kaya niya ito pinarusahan.” Kahit na sa tingin ni Michael na mas dapat nilang dalhin ang anak sa espesiyalista ay nag-alay pa rin siya ng manok sa puno upang tigilan na siya ng asawa.

Isang araw naman ay nawala ang remote control ng kanilang telebisyon. Nang hindi nila ito makita ang sabi ng asawa ay mayroong dwende na naglalaro sa kanila at itinago ito. Muling hinanap ito ni Michael at natagpuan niya ito sa isang sulok at natatakpan lamang ng mga laruan ng kanilang anak. Marahil ang bunso nila ang naglaro nito.

Hindi pa dito natapos ang lahat. Isang araw, isa na naman daw lamang lupa ang naistoro naman ng kanilang pangalawang anak sapagkat nagkaroon ito ng mamaso. Isinisisi rin ni Lydia sa mga multo ang hindi pagkakasarado ng gripo, mga ilaw na naiiwang bukas at kung anu-ano pa. Isinisisi naman din niya ang mga kamalasan sa maling ayos ng mga kagamitan sa bahay, sa pusang itim o kaya sa lugar na kinalalagyan ng mga halaman.

Nahihirapan nang kumilos ang mga tao sa kanilang bahay sapagkat ang daming kailangan ikonsidera patungkol sa mga paniniwalang ito ni Lydia. Minsan, nagpunta ang kapatid ni Michael sa kanilang tahanan at panandaliang nakituloy. “Nakakatakot doon sa banyo ninyo. Noong naliligo ako, pakiwari ko ay may nakatingin sa akin,” sambit ng kapatid ni Michael.

“Naku, ayan na nga ang sinasabi ko. Siguro kasi ay hindi ka nila madalas makita rito at nagpaparamdam sila sa iyo,” wika ni Lydia. Ang tinutukoy niyang “nila” ay ang mga espirito daw na nagbabantay sa kanilang tahanan.

“Hindi eh, parang iba. Parang totoong may nakatingin sa akin mula sa bintana. Hindi ako sigurado baka namamalikmata lamang ako. Pero kung sakaling totoo iyang sinasabi mo, parang nakakatakot naman ata. Ngunit wala naman akong balak na masamang gawin dito sa bahay ninyo,” pagpapatuloy ng hipag nito. “Hindi ka naman nila aanuhin, Reah kaya huwag kang mag-alala.” sambit ni Lydia.

Hindi sang-ayon dito si Michael. Parang may mali nga sa sinabi ng kapatid. “Hindi kaya totoong tao nga ang nararamdaman ni Reah nang maligo siya sa banyo?” wika ni Michael sa asawa nito.

“Ano ka ba! Alam mo namang madalas may nagparamdam dito sa bahay na ‘to. Hindi ka pa nasanay,” sagot ni Lydia. Ngunit hindi parin naging kumbinsido ang mister nito.

Kinabukasan ay sisiyasatin sana ni Michael ang paligid sa labas ng banyo nang biglang dumating ang asawa. “Ano ba ang ginagawa mo riyan,” anito. “Heto at nagdala ako ng bulak at langis. Nilagyan na ito ng orasyon at ipapahid ko na lamang ito kay Reah upang hindi na siya gambalain pa ng espirito na iyon,” wika ng misis niya.

Tingin ni Michael ay tila sumusobra na ang asawa sa kanyang paniniwala. Nang tuluyan na itong umalis papunta sa bayan upang mamalengke ay dali-dali niyang itinuloy ang naudlot nitong pagsisiyasat. Dumungaw siya sa bintana at nang tumingin pababa ay nakita niya ang isang hollow block na nakalagay malapit sa bintana. Wala naman ito noon kaya nag-isip siya ng paraan kung paano malalaman ang dahilan kung bakit nagkaroon ng ganoong bagay malapit sa bintana.

Naghintay siya ng tamang pagkakataon. Habang naghahanda ng hapunan si Lydia ay hindi naman mapakali si Michael. Pagpasok ng kapatid niya sa banyo upang maligo ay agad pumunta si Michael sa kabilang bintana upang tanawin kung ano ang nasa likod ng bintana ng banyo. Nagulat na lamang siya ng makita niya ang kapitbahay na nakatuntong sa hollow block at tangkang panonoorin ang kapatid na si Reah sa kanyang paliligo.

“Hoy! Anong ginagawa mo riyan!” malakas na sigaw ni Michael upang ipaalam sa kapitbahay na alam niya ang masama nitong ginagawa sa kapatid. Akma namang tatakbo na ang lalaki ngunit nakatawag na si Michael sa baranggay upang matulungan siyang mahabol ang mamboboso.

Nagulat na lamang si Lydia sa nangyari. Hindi pala espiritu kundi isang mamboboso ang gumagambala sa nakababatang kapatid ng mister. Kinausap ni Micheal si Lydia tungkol sa mga nangyari at pinakiusapan na bawas-bawasan na ng asawa ang kanyang paniniwala sa mga hindi maipaliwanag. Mula noon ay nagkasundo sila. Hindi man tuluyang matalikuran ni Lydia ang kanyang mga paniniwala ay nangako ito sa kanyang asawa na hindi na niya masyado ito igigiit bagkus ay pagtutulungan nilang mag-asawa na alamin ang tunay na sanhi ng mga pangyayari. Kung hindi kasi sinunod ni Michael ang kanyang kutob ay maaaring mas nalagay pa ang kanyang pamilya sa alanganin.

Advertisement