Inday TrendingInday Trending
Kuntentong Pagmamahal

Kuntentong Pagmamahal

“Lexi, gusto ko rin naman kasing maging isang ama! Gusto ko maramdaman yung pakiramadam na may bata akong kinakarga, na may batang umiiyak sa madaling araw, kaso hindi mo ako mabigyan!” inis na ika ni Harold nang minsan silang magtalo ulit ng asawa.

“Kaya nga mag-aampon tayo diba? Yun naman talaga yung balak natin dati diba?” maluha-luha nang sambit ni Lexi, ramdam niya ang galit ng asawa.

“Oo pero dati yun! Iba na ngayon! Napagtanto kong mas mainam na kadugo ko ang bata.” bigla namang humina ang boses ng lalaki.

“A-Anong ibig mong sabihin?” kinakabahang sabi ng babae.

“Tutal hindi mo ako kayang bigyan ng anak, maghiwalay na siguro tayo. Kung mahal mo talaga ako, hahayaan mo akong matupad ang pangarap kong maging isang ama.” tapat na ika ni Harold dahilan para humagulgol sa harapan niya ang asawa.

Apat na taon nang kasal ang mag-asawa. Dahil nga sa kalagayan ng babae, napagdesisyunan nila noon na mag-ampon na lamang sila. Ngunit tila nag-iba ang ihip ng utak ng lalaki na labis namang ikinadurog ng kanyang asawa.

“O, pirmahan mo ito, patunay na gusto mo na tapusin ang relasyon natin.” ika ni Harold saka ibinaba sa harapan ng babae ang mga dokumento.

“Pero Harold, ayoko. Gusto ko ikaw pa rin makasama ko hanggang dulo, akala ko ba mahal mo ako na hindi natin kailangang magkaanak para sumaya.” iyak ni Lexi saka pilit niyakap ang lalaki.

“Dati nga lang yun! Hindi mo ba naiintindihan yung gusto kong mangyari? Gusto ko lang maging isang normal na lalaking may sariling anak na hinding-hindi mangyayari kung ikaw ang makakasama ko.” sigaw ng lalaki habang pilit inaalis ang pagkakayakap ni Lexi, wala namang nagawa ang dalaga kundi mapilitang pirmahan ang mga ito.

Natuloy nga ang pawawalang-bisa ng kasal ng dalawa. Labis ang kalungkutan na naradama ni Lexi kaya naman agad niyang tinawagan ang kanyang mga kaibigan at nagyayang mag-inuman.

“Siguro kung kaya ko lang bigyan ng anak yun si Harold, hindi niya ako iiwan eh. Kaso wala eh, napakawalang kwenta ng katawan ko! Bata lang hindi mabuo! Paslangin niyo na lang kaya ako ngayon?” ika ng lasing na si Lexi habang naglalabas ng sama ng loob sa mga kaibigan.

“Shhh tama na yan. Tanggapin mo na lang na hindi ka niya mahal, kasi kung mahal ka niya kahit anong bagay na hindi mo maibigay, matatanggap niya. Huwag mong sisihin ang sarili mo.” pagpapakalma ng isa sa mga kaibigan niyang si Andrew, napaisip naman ang babae sa sinabi ng kaibigan.

Simula noong araw na yun, dumalas na ang laging pagkikita ng dalawa, yung iba kasi nilang kaibigan ay may sari-sarili nang pamilya kaya minsan na lang makasama at doon na nga nagsimulang mabuo ang pagtitinginan ng dalawa.

Pagkalipas ng isang taong pagpapakiramdaman, napagdesisyunan na ni Andrew na ligawan ang kaibigan, agad naman itong pumayag at hindi kalaunan pumayag na ito sa kanilang relasyon.

“Sigurado ka bang mahal mo ako? Baka nakakalimutan mo, hindi ako pwede mabuntis.” pabirong ika ni Lexi nang minsan silang kumain sa kanilang paboritong tambayan noong kabataan.

“Sigurado pa sa sigurado. Hindi ko kailangan ng baby dahil ikaw ang baby ko habang buhay.” matamis na sambit ni Andrew dahilan para kiligin at mahampas siya ng nobya sa balikat.

Nagdaan ang mga taon at tila lalo pang tumitibay ang pagsasamahan ng dalawa. Natabunan na rin ang kirot na nararamdaman ni Lexi noon ng maigting na pagmamahal na pinaparamdam sa kanya ngayon ni Andrew kaya naman nang tanungin siya ng lalaki kung gusto niyang magpakasal dito, agad siyang sumang-ayon.

Dumating na nga ang araw ng kanilang kasal. Maayos naman nilang nairaos ang misa sa simbahan ngunit noong nasa kainan na sila, bigla na lang sumulpot ang dati niyang asawang si Harold, gulo-gulo ang buhok nito, umiiyak at tila nakainom.

“Lexi, sa akin kana lang ulit? Tayo na lang ulit? Yung asawa ko kasi ngayon, nabigyan nga ako ng anak sobra naman manakit. Pakiramdam ko katulong ako sa bahay namin. Hindi siya katulad mo mag-alaga na gigising ako may almusal na ako. Uuwi ako galing trabaho may hapunan na ako. Sa kanya hindi, galit pa yun kapag hindi ako nakapagluto agad pag-uwi ko. Balik kana sakin, parang-awa mo na.” ika ni Harold habang nakaluhod sa harapan ni Lexi, agad siyang pinatayo at inilabas ng mga guwardya dahil nga sa nakainom ito, naiwan naman tulala ang babae sa mga narinig mula sa dating asawa.

Agad naman siyang niyakap ng kanyang bagong asawa. Napaiyak na lamang ang dalaga ngunit hindi dahil sa mahal niya pa ang dating asawa ngunit dahil lubos siyang naaawa dito. Masama man ang kanyang loob sa dating asawa, minabuti nila itong tulungan ni Andrew.

Kada linggo patago silang nag-iiwan ng kaunting grocery sa tapat ng bahay nila Harold saka sila magtatago at hihintaying makuha ng lalaki ang mga supot. Kitang-kita nila ang saya sa mukha nito. Habang silang mag-asawa naman ay nagdesisyon nang mag-ampon ng baby mula sa bahay ampunan at pinangalanan nila itong “Hope”.

Simula noon naging payapa na ang loob ng babae, hindi na niya alintana ang kanyang karamdaman dahil mayroon na silang munting anghel na nagbibigay sigla sa bawat mapapait nilang araw.

Tunay nga namang makakatagpo ka ng taong tanggap ka, taong kuntento sayo at taong tunay na magbibigay saya sa puso. Marapat lamang na maghintay ka, at kung madarapa man, huwag paubusan ng pag-asa, may darating pang saya.

Advertisement