Inday TrendingInday Trending
Huwag Kang Iibig, Huwag!

Huwag Kang Iibig, Huwag!

Mula nang pumanaw ang ina ay ang mag-amang sina Mang Emil at Jomari na ang magkasama sa buhay. Si Mang Emil ay isang mapagmahal at mapag-arugang ama sa kanyang nag-iisang anak. Sa mga taong lumipas ay napagtanto niya na hindi siya nagkamali sa desisyon niya dahil lumaking mabait at matalino si Jomari.

Isang umaga ay maagang nagising si Jomari dahil naalimpungatan niya ang kaluskos sa kusina. Alam niyang gumagawa na sa kusina ang ama.

“Magandang umaga, itay! Dapat ginising niyo po ako para natulungan ko kayo sa paghahanda ng almusal,” aniya habang naabutan na nagluluto ang ama.

“Naku, anak pabayaan mo na ako rito. Ako dapat ang gumagawa nito para sa iyo dahil papasok ka pa sa trabaho. Anupa’t naging retirado na ako at wala nang mapagkakaabalahan kundi ang asikasuhin ka. Hayaan mong mapagsilbihan ko ang pinakamamahal kong anak,” sabi nito sa kanya.

Gustong maluha ni Jomari sa sinabing iyon ng ama. Napagtanto niya na mahal na mahal talaga siya nito, pero malungkot siya at kinakabahan dahil may inililihim siya sa kanyang ama, na hindi niya kayang masabi at ipagtapat rito. Akala nga niya noon ay mabibisto na siya, nagpasalamat na lang siya dahil hindi ito naniwala sa mga sabi-sabi ng mga kapitbahay nila.

Nagpaalam na siya kay Mang Emil na papasok na siya sa trabaho. Pagkatapos na humalik sa pisngi ng ama ay dumiretso na siya sa opisinang pinapasukan ngunit may kakambal itong inis dahil nakita na naman niya si Nikka. Ito ang magandang intern nila sa opisina na palaging nagpapapansin sa kanya.

“Good morning, Sir Jomari! Nga po pala may regalo po pala ako sa inyo. Sana naman po ay tanggapin niyo,” anito sabay abot sa kanya ng regalo.

Napakunot ang kanyang noo ngunit napansin niya na pinagtitinginan sila ng ibang mga empleyadong naroon. Ayaw naman niyang mapahiya ito kapag hindi niya tinanggap kaya wala siyang nagawa kundi kunin ang regalong ibinigay nito.

“S-salamat. Bakit ka ba nagbigay ng regalo, hindi ko naman birthday ‘di ba?” aniya.

“Wala lang. Gusto lang kitang bigyan,” kinikilig na wika ng dalaga.

Matapos tanggapin ang regalo ay nagpaalam na si Jomari na magtatrabaho na siya. Tumango naman si Nikka na hindi pa rin naaalis sa mukha ang kilig at tuwa.

Habang nakapuwesto na sa kanyang mesa ay naaalala pa rin niya si Nikka.

“Tama ba ang ginawa ko? Nakakaasar!” bulong ni Jomari sa sarili.

Naiinis siya kung bakit ba niya kinuha ang regalo, baka isipin pa ng dalaga na interesado pa siya rito. Kahit ganoon ang nangyari ay natawa na lang siya sa ginawa niya.

Mabilis na natapos ang buong araw at ngayon ay pauwi na siya sa kanilang bahay. Napag-isip-isip niya na kung aminin na kaya niya sa ama ang kanyang tunay na pagkatao. Ngunit may takot na namumuo sa kanya kapag naiisip niya na baka hindi siya matanggap ng sariling ama. Pero kung hindi naman niya ito sasabihin ay parang nagsisinungaling na siya rito at nagtatago ng lihim. Kaya namuo ang kanyang desisyon na aminin na ito sa kanyang pag-uwi. Tatanggapin niya ang kahit na anong salitang manggagaling rito.

“Bahala na. Nahihirapan na rin akong itago kay itay ang totoo,” sabi niya sa sarili.

Sa pagpasok ni Jomari sa kanilang bahay ay labis na kaba at pamamawis ng kamay ang kanyang nararamdaman. Nagulat siya ng biglang lumitaw ang kanyang ama galing sa kusina na may dala-dalang ulam para sa kanilang hapunan. Sa sobrang kaba napayuko na lamang siya at nagmano sa ama.

“I-itay, m-magandang gabi po,” nauutal niyang bati.

“O, narito ka na pala. Mabuti naman, nakaluto na ako ng hapunan natin at kakain na tayo. P-pero anak, m-masama ba ang pakiramdam mo? Bakit namumutla ka yata?” tanong nito sa kanya.

“I-itay ano kasi e, ano kuwan…”

Walang pagsidlan ang kaba sa dibdib ni Jomari habang kaharap ang ama. Ang hindi niya alam ay may kutob na ito sa mangyayaring pag-amin niya. Alam na rin nito kung ano ang gusto niyang aminin dahil bilang isang magulang nararamdaman nito kung ano ang ikinikilos niya noong bata pa lamang siya na hanggang sa kasalukuyan ay nararamdaman nito ang pagkalambot-lambot niyang pagkatao. Wala ring kaalam-alam si Jomari na tanggap naman siya ng ama pero ang hindi nito matatanggap ay ang mga maaaring manukso sa kanya, dahil lamang sa isa siyang binabae.

Magasasalita na sana si Jomari ngunit bago pa man niya maibuka ang kanyang bibig ay niyakap na siya nang mahigpit ni Mang Emil.

“Tanggap kita kahit hindi mo na sabihin. Alam ko at ramdam ko bilang magulang mo noon pa, hinihintay lang kitang umamin sa akin, anak,” wika ng lalaki sa anak.

Napaluha si Jomari sa sinabing iyon ng ama. Hindi siya makapaniwala na tanggap nito ang kanyang pagkatao.

“Itay, salamat po,” tangi niyang nasabi.

“Pero, anak huwag kang iibig sa kahit sinong babae o lalaki man iyan, huwag,” anito.

Ngunit kahit naguguluhan ay napatango na lamang si Jomari.

Dumaan ang mga araw at buwan matapos ang naging pag-amin niya ay walang nagbago sa samahan nilang ng kanyang ama. Mas naging malapit pa nga silang dalawa ngunit kay Jomari ay may pagbabago. Kung dati ay naiinis siya kapag lapit ng lapit sa kanya si Nikka kapag nasa opisina sila, ngayon ay unti-unti siyang nagkakaroon ng kasiyahan kapag kasama ang dalaga. Naguguluhan siya sa nararamdaman niya. Alam niya sa sarili na isa siyang binabae ngunit nagkakagusto na yata siya sa isang babae.

“Diyos ko, nababaliw na ba ako? Magugunaw na ba ang mundo?” bulong niya sa sarili.

Ngunit kahit pigilan niya ay kusang lumalabas iyon. Sa tuwing magkasama sila ng dalaga ay kay gaan ng kanyang pakiramdam. Sa araw-araw na sila ay magkasama ay mas lalo pa silang nahuhulog sa isa’t-isa. Bukod kasi sa napakabait ay napaka-tiyaga ni Nikka. Matiyaga dahil ito na nga ang nanliligaw sa kanya, siya lang ang pakipot. Ang pagiging malapit nila ay humatong na sa pag-ibig. Kahit kakaiba para kay Jomari ay niligawan niya si Nikka at dahil mahal na mahal siya nito ay agad siya nitong sinagot. Ipinagtapat rin niya sa nobya ang tungkol sa kanyang pagkatao at dahil sobra siyang mahal ni Nikka ay tanggap siya nito.

“Ang akala ko ay hindi na matutupad ang pangarap ko na mahalin mo, Jomari. Mula ng maging intern ako sa opisina niyo ay minahal na kita kaya hindi ako makapaniwala na tayo na nga,” tuwang-tuwang sabi ni Nikka.

“Ako rin. Hindi ko inakala na iibig ako sa isang babae samantalang ako ay may puso ring babae,” hayag niya sa nobya.

Maya-maya ay bigla niyang naalala ang sinabi ng kanyang ama na huwag siyang iibig sa babae o lalaki. Agad siyang kinabahan at nag-alala ngunit saglit lang iyon. Plano niyang sabihin kay Mang Emil ang tungkol sa kanila ni Nikka kaya isang araw ay napagdesisyunan niyang ipagtapat na rito ang totoo at ipakilala ang nobya. Baka sakaling kapag nakita nito na masaya siya sa piling ng dalaga ay pumayag ito sa kanilang relasyon ngunit pagdating nila sa bahay ay wala roon si Mang Emil. Sa isip niya ay baka may pinuntahan sa labas ang ama at wala rin siyang ideya kung kailan ito babalik. Niyaya niya sa kusina si Nikka, ipapakita niya sa nobya ang galing niya sa pagluluto.

“Ows, magaling kang magluto? Sige nga, ipagluto mo nga ako,” natatawang hamon sa kanya ng dalaga.

“Wala ka bang tiwala sa akin? Puwes, papakitaan kita ng husay ko,” aniya.

Habang gumagawa sa kusina ay hindi maiwasan ang kanilang kulitan habang nagluluto. Kulitan dito, kulitan doon nang biglang natigil ang kanilang pagkukulitan nang marinig ang pamilyar na boses.

“Anak!”

Nagulat silang dalawa nang makita ang ama na seryoso ang mukha at ang mga titig nito sa kanila. Babatiin at magmamano na siya ngunit ito ay umiwas, nagtaka siya kung bakit ganoon ang ikinilos ni Mang Emil. Magsisimula na sana siyang magsalita upang ipagtapat ang kanilang relasyon ng biglang magsalita ang kanyang ama sa mataas na boses at pagalit ang tono nito.

“Hindi ba’t sinabi ko sa iyo na huwag kang iibig sa kahit sinong babae o lalaki man iyan, huwag!” madiing sabi ni Mang Emil.

“Akala ko ba itay tanggap mo ako bilang ako bakit hindi mo kayang maging masaya sa relasyon namin ni Nikka? Alam kong binabae ako, itay pero di ko naiwasang magmahal ng isang babae. Di ba dapat ay mas masaya kayo dahil babae ang inibig ko?” aniya sa ama.

“Tanggap kita anak ngunit ayaw kong maranasan mo ang naranasan ko,” sabi nito.

“Ano pong ibig niyong sabihin?” tanong niya.

“Kailangan mo na sigurong malaman ang lahat, anak. Ito ay tungkol sa totoo kong pagkatao. Kagaya mo ay isa rin akong binabae ngunit umibig sa isang babae, ang iyong ina. Akala ko ay tanggap niya ako ng buong-buo pero hindi pala, iniwan rin niya ako at ipinagpalit sa straight na lalaki. Mula noon ay ako na ang mag-isang bumuhay sa iyo. Tuluyan na niya tayong kinalimutan. Sinabi ko na lang sa iyo na pumanaw na siya para hindi ka masyadong masaktan. Patawarin mo ako kung inilihim ko sa iyo ang tungkol sa akin at sa iyong ina. Kaya ayokong umibig ka ay dahil ayokong dumating ang panahon na maranasan mo rin ang naranasan ko na iniwan at niloko ng taong minahal mo. Natatakot rin ako na iwan mo ako na mag-isa,” bunyag ni Mang Emil na hindi na napigilang mapahagulgol.

Napaiyak na rin si Jomari sa mga ipinagtapat ng ama. Hindi niya akalain na isa ring binabae ang kanyang ama at iniwan pala sila ng kanyang ina at sumama sa ibang lalaki. Sa labis na pagkaawa ay niyakap niya nang mahigpit ang ama.

“Sorry, itay. Hindi ko po alam. Wala po kayong dapat alalahanin dahil hindi ko po kayo kailanman iiwan. Magkaroon man ako ng sariling pamilya ay sinisigurado ko na magkasama pa rin tayo,” sabi niya rito.

Nang biglang magsalita si Nikka sa harap ng mag-ama.

“Huwag po kayong mag-alala, mahal na mahal ko po ang anak niyo. Hinding-hindi ko po siya iiwan. Pangako po iyan,” anito na nangingilid na rin ang luha.

“Patawarin niyo ako. Natakot lang talaga ako. Hindi ko gustong hadlangan ang kaligayahan niyo, ang kaligayahan ng anak ko,” anito.

Dahil napanatag na ang kalooban ay ibinigay na ni Mang Emil ang kanyang basbas sa relasyon nina Jomari at Nikka. Hindi nagtagal ay namanhikan na sila sa pamilya ng nobya at makalipas ang ilang buwan ay ikinasal na ang dalawa. Ang inisip ni Mang Emil noon na baka maulit sa anak ang nangyari sa kanya ay hindi nangyari sa halip ay mas tumagal at tumibay pa ang relasyon ng dalawa bilang mag-asawa kasama ang mga naging supling ng mga ito.

Advertisement