Inday TrendingInday Trending
Protektado Raw Ako ni Tito

Protektado Raw Ako ni Tito

Dahil abala sa negosyong restawran ang mag-asawang si Carmen at Hidalgo, naisipan ni Carmen na ipagkatiwala muna sa kapatid na si Ernesto. Sa tatlong kapatid kasi ni Carmen, tanging si Ernesto lamang ang matindi ang pangangailangan dahil hindi ito makapasok sa mga pinapasukang trabaho. Palibhasa’y delingkwenteng estudyante noong kabataan niya ay hindi na ito nakapagtapos ng pag-aaral.

Kaya naman bilang pinansyal na tulong na rin sa kapatid, naisipan ni Carmen na imbes na kumuha ng yaya ng kanyang anak ay si Ernesto na lamang ang mag-alaga sa bata.

“Anak? Aalis muna kami ni papa ha? Lumalago kasi ang negosyo natin kaya busy kaming dalawa. Si Tito Ernesto muna ang bahala sa iyo ha?” malambing na sabi ni Carmen sa pitong taong gulang na anak na si Lara.

“Pangkin! Akong bahala sa’yo, protektado ka kay tito!” mayabang na sabi pa ni Ernesto habang malaki ang ngiti sa mag-asawa.

Sino ba namang hindi ngingiti ng ganoon kung bente mil sa isang buwan ang ibibigay sa’yo bilang pag-aalaga lang sa pitong taong gulang na bata?

Nagsimula sa paisa-isang araw, hanggang sa tumatagal na ng tatlong araw ang pag-alis ng mag-asawa. Kung minsan nga’y isang linggo silang hindi umuuwi dahil nakaabot na sa iba’t ibang probinsya ang prangkisa ng kanilang noon ay munting kainan lamang.

Isang gabi, nang makauwi ang mag-asawa ay agad silang sinalubong ni Lara.

“Mama, papa! Si tito po, pinalo ako sa pwet kanina,” sumbong ng naluluhang bata.

“E good girl ka ba, anak? Baka naman kasi matigas ang ulo mo kaya’t pinalo ka ni tito!” ani Carmen habang niyayakap ang anak.

“Hindi, mama! Iba po, iba!” hiyaw pang muli ng bata.

“Hay nako, anak! Miss mo lang kami ni papa e. Halika’t magbihis ka. Papasyal tayo sa mall,” sagot ni Carmen.

Hindi ito ang unang beses na nangyari ang pagsusumbong ng bata. Habang tumatagal, iba-ibang bagay na ang sinasabi ni Lara na mga ginagawa sa kanya ng tiyuhin.

Gayunpaman, malakas ang kutob ng mag-asawa na nagpapapansin lang ang bata dahil palagi nga silang wala sa kanilang bahay. Kaya naman patuloy lang din nilang isinawalang bahala ang pagsusumbong ni Lara.

Isang gabi, walang kahit na anong lakad ang mag-asawa kaya naman silang tatlo lamang sa bahay. Nang biglang may isang babae ang kumatok sa kanilang pintuan.

“Mama, si teacher po! Si Teacher Abby!” ani Lara nang makita ang kanyang guro sa eskwela na kumakatok sa kanilang pintuan.

“Ma’am! Kumusta po? Alas otso na ho ah? Bakit ho kayo napadalaw?” tanong ni Hidalgo.

“Maaari ko ho ba kayong makausap? Importanteng-importante lamang ho, tungkol ho ito kay Lara,” ani Teacher Abby.

Pinaakyat muna ng mag-asawa ang bata sa silid nito upang masimulan na ang pribadong pag-uusap.

“Kailan ho ba kayo maniniwala kay Lara? Kayo ho ang magulang! Dapat kayo ang unang makakahalata kung may hindi magandang nangyayari sa anak ninyo!” hindi na naiwasang taasan ni Teacher Abby ang kanyang boses dahil sa matinding galit.

“A- ano ho bang sinasabi niyo?” ani Carmen.

“Ang kapatid niyo ho, si Ernesto! Madalas hong magkwento sa akin si Lara nang mga ginagawa sa kanya ng sarili niyang tiyuhin. Hahayaan niyo pa ho bang umabot sa sukdulan bago kayo umaksyon?!” sagot ni Teacher Abby.

Sa tuwing inihahatid kasi ni Ernesto si Lara sa eskwela, napapansin din daw ni Teacher Abby ang mga malalaswang bagay na ginagawa nito sa bata. Mula sa hindi pangkaraniwang haplos, hanggang sa sapilitang paghalik sa labi!

Nang minsang komprontahin ni Teacher Abby si Ernesto, paliwanag daw nito’y normal lang sa magtiyuhin ang humalik sa labi sa tuwing magpapaalam.

Ang pinakamalala pa, ang kwento raw ni Lara, kung minsan ay sapilitang pinapahawak ni Ernesto ang ari niya sa bata. Kung ano-anong kalaswaan ang itinuturo nito sa inosenteng bata. Mabuti na lamang at matalino itong si Lara kung kaya’t walang kahit na anong kahal*yan ang nangyari.

Napatigil ang pag-uusap nang biglang tumayo ang gigil na gigil na si Hidalgo. Mabilis itong tumakbo papunta sa silid nilang mag-asawa, at nang lumabas ay dala dala na ang kanyang personal na baril!

“Hayop ‘yang kapatid mo! Pupuntahan ko ‘yan, ngayon din! Walang utang na loob!” sigaw ni Hidalgo habang kinukuha ang susi ng kanyang sasakyan.

“Tama na, Hidalgo! Ako nang bahala! Ako na! Idadaan natin ito sa diplomasya!” sigaw ni Carmen sa asawa.

Nang makaramdam ng pagkahilo dahil sa kanyang hypertension, napaupo at napatigil si Hidalgo. Naisip din niyang mas mabuti kung idadaan ang lahat sa tamang proseso.

Ilang araw inasikaso ng mag-asawa, sa tulong ni Teacher Abby, ang paghahain ng reklamo at pagsasampa ng kaso sa walanghiyang si Ernesto. Mabilis umayon sa kanila ang hustiya dahil sa mga nakuhang sapat na ebidensya. Agad na naipakulong si Ernesto, at nahatulan ng panghabambuhay na pagkakabilanggo.

Napakalaki ng pagsisisi ng mag-asawa nang hindi nila paniwalaan ang kanilang anak. Mabuti na lamang at dumating si Teacher Abby kaya’t natauhan na sila sa wakas.

Isinailalim sa mga psychological therapy ang batang si Lara upang makalimot sa mga dinanas sa kanyang tiyuhin. Napakaswerte rin ng mag-asawa dahil ang anak nila’y may angking talino, kung kaya’t sa tuwing sinusubukan ni Ernesto na gahas*in si Lara’y nakakatakas ito.

Makalipas ang ilang buwan, sa tulong na rin ng dasal nila sa Panginoon, ay patuloy na nakalimot ang bata. Ipinangako ng mag-asawa na kailanma’y hinding-hindi na mauulit ang ganoong klase ng pagpapabaya nang dahil lamang mas pinagkatiwalaan pa nila ang ibang tao kaysa sa sinasabi ng sarili nilang anak. Natutunan nila na hindi porke’t bata ay wala nang katotohanan ang sinasabi at dapat nang ipagsawalang-bahala.

Advertisement