Inday TrendingInday Trending
Maghihintay Ako sa Tamang Panahon

Maghihintay Ako sa Tamang Panahon

Si Ali ay nagtataglay ng kaguwapuhan na pinapangarap ng mga kababaihan ngunit tila iba ang takbo ng kanyang kapalaran dahil kung ano ang isinuwerte niya sa mukha ay ikinamalas naman ng kanyang love life. Lagi na lamang siyang sawi pagdating sa pag-ibig. Minsan nga ang sabi niya sa sarili ay kung tulog ba ang taong nakalaan sa kanya nang magpaulan ng pana si Kupido.

“Hay, kay sakit makita ang taong mahal mo na may kasamang iba. Lagi na lang bang ganito? Lagi na lang akong nasasak…” bulong niya sa sarili nang biglang may nagsalita sa harap niya.

“Mr. Corpuz! Kung iyang pagiging tulala mo sa klase ko ang aatupagin mo, pwede ka nang lumabas at doon mo ipagpatuloy iyang pagde-daydream mo!” sigaw ng kanyang guro na sobrang sungit. Dahil doon ay pinagtinginan siya ng mga kaklase niya.

Sa isip niya ay kay aga-aga naman siya nitong nakagalitan. Napaka-malas niya talaga.

“Ma’am ang ganda mo sana kaso pumapangit ka kapag masungit ka,” pabulong niyang sabi ngunit tila narinig yata siya nito.

“May sinasabi ka ba Mr. Corpuz?” wila pa ng kanyang guro na si Ms. Policarpio.

“Wala po ma’am, ang sabi ko po ang ganda niyo po. kaso bingi ka lang,” pabulong niyang hirit sabay labas sa silid aralan.

Pinalabas siya ng kanyang guro dahil sa pagtulala lang niya sa klase nito. Ganoon lagi ang senaryo kapag nakikita siya nitong nakatulala. Para kasi kay Ali ay napaka-boring ng klase ni Ms. Policarpio kaya hindi niya magawang hindi matulala at mag-iisip ng kun anu-ano.

“Naknamputsa, napalabas na naman ako ni Ms. Sungit. Hay, makaupo na nga lang dito,” aniya saka umupo sa lapag.

Habang nakaupo sa labas ng silid aralan ay may natanaw siya, sobrang sakit talaga. Sobrang sakit na makita niya ang taong mahal niya na may kasamang iba. Sa isip niya ay sana siya na lang ang kasama nito. Sana siya na lang ang lalaking mahal nito.

Matagal na niyang crush si Leila, simula pa noong elementarya pa sila. Lagi niya itong sinusundan at kapag malungkot siya ay palagi itong nasa tabi niya at dinadamayan siya. At habang tumatagal, napagtanto niya na unti-unti nang nahuhulog ang loob niya rito. Pero simula nang manligaw kay Leila ang ka-eskwela nilang si Vhon ay hindi na niya nakasama pa ang dalaga. Sinisisi niya ang sarili kung bakit hindi pa niya sinabi ang nararamdaman ngayong may nobyo na ito ay saka siya nagda-drama. Sa sobrang kaka-isip ay hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya habang nakaupo at nakasandal sa pader. Maya-maya ay may gumising sa kanya.

“Hoy Ali! Lunch na, tara na! Nagugutom na ako. Kain na tayo!”

“Ugh! Sino ba ‘to? Ang ingay-ingay naman! Natutulog ang tao e!” inis na bulong ng binata.

“Hoy bestfriend! Gising naaa!” sigaw sabay yugyog nang gumigising sa kanya.

Nang imulat niya ang mga mata ay nakita niya ang bestfriend niya na si Rosel.

“Tara na! Kain na tayo, nqgugutom na ako!” pangungulit nito.

“Shhh! Ang kulit talaga nitong babaeng ‘to! Makakain na nga, nakakagutom na din, e,” wika ni Ali habang kinukusot-kusot pa ang mga mata.

“Nakatulog ka na naman kakaisip sa ultimate crush mo ‘no?” pang-aasar sa kanya ni Rosel.

“Bestie, ‘di ba close naman kayo ni Leila? Tulungan mo naman ako sa kanya. Please?” pagmamakaawa ni Ali sa kaibigan.

“Grabe na ‘to, nagmamaka-awa ang bestfriend ko dahil sa isang babae. Ang suwerte talaga ni Leila,” malungkot na bulong ni Rosel sa sarili.

Ang totoo kasi niyan, may lihim siyang pagtingin sa kanyang bestfriend na si Ali. Mga bata pa lang sila ay may gusto na siya sa kaibigan hanggang habang tumatagal, lumalalim ang nararamdaman niya sa binata. Kaso hindi siya nito mahal bilang gusto niyang mahalin siya nito, mahal lang siya nito bilang isang kaibigan, bestfriend at iyon lang. Masakit sa parte ni Rosel ngunit tanggap naman niya na pagkakaibigan lang ang kaya nitong ibigay sa kanya.

“Sorry, pero hindi kita matutulungan. Abala iyon sa Vhon niya,” tanggi ng dalaga.

“Nandito naman kasi akong nagmamahal sa iyon pero bakit hindi mo ako napapansin? Sana ako na lang,” mahina niyang dugtong sa sinabi.

“Huh?” tanong ni Ali na narinig na may ibinulong siya.

“Wala! Sabi ko huwag ka ng umasa na mapapansin ka niya,” pang-aasar ni Rosel sabay alis sa harap ng binata na may halong pagdaramdam.

“Hey, bestie naman, e. Bakit mo naman ako tinalikuran? Hoy!” pasigaw na tawag sa kanya ni Ali.

Totoong malapit din na magkaibigan sina Rosel at Leila noon, pero simula nang malaman niya na mahal ito ng binatang pinakamamahal niya ay hindi na niya ito nilalapitan at kinakausap. Marahil ay abala na rin kasi ito sa nobyo nito na si Vhon at naiinggit siya rito. Sa isip niya ay sana siya na lang si Leila, sana ay siya na lang ang mahal ng kanyang bestfriend.

Pauwi na si Rosel nang makita niya si Leila na umiiyak at may kasamang lalaki. Si Vhon yata, hindi niya masyadong makilala kasi medyo malayo siya sa puwesto nito. Pero nang malapit na siya ay nakilala rin niya kung sino ang lalaki. Si Ali, ang bestfriend niya. Medyo nakaramdam siya ng kirot sa kanyang puso. Bakit sila magkasama? Bakit umiiyak si Leila sa harap ni Ali?

Ang hindi niya alam ay nagtapat na ng nararamdaman ang kanyang kaibigan kay Leila ngunit gaya ng inasahan ay tinanggihan ito ng dalaga.

“Ali, sorry. Hindi talaga kita mahal. Kahit noon pa ay si Vhon na ang gusto ko. Sorry kung nasaktan kita. Sorry!” umiiyak na sabi ni Leila.

“Okay lang, huwag ka nang umiyak. Naiintindihan ko,” wika ng binata.

“Bakit kasi ako pa? Hindi kita kayang mahalin. Nandyan naman si Rosel,” anito.

“Hala. Bakit ako nasali sa usapan nila?” sabi ni Rosel sa isip nang marinig ang sinabi ng dalaga. Medyo malapit na sa kinatatayuan ng dalawa. Nagtago siya sa likod ng puno para hindi siya makita ng mga ito.

“Ha? Bakit si Rosel? Mag-bestfriend kami,” nagtatakang tanong ni Ali.

“Hindi mo ba napapansin? Mahal ka niya,” wika ni Leila na ikinagulat ng binata.

Aalis na sana siya sa kinatatayuan niya pero may asong gala pala sa tabi niya.

“Diyos ko! Takot po ako sa aso. Bakit ngayon ka pa lumapit? Hindi tuloy ako makagalaw dito sa kinatatayuan ko,” nangangatog na bulong ni Rosel sa sarili. Nang biglang lumapit ito sa kanya at tinahulan siya.

“Aw, aw, aw.”

“Aaahhh!” sigaw ng dalaga. Sa tindi ng takot ay napalabas siya sa pinagtataguang puno.

“Rosel?!” tawag ni Leila sa kanya nang makita siya nito.

“Yari na! Nahuli na ako,” aniya.

“Kanina ka pa ba d’yan?” tanong nito sa kanya.

Hindi niya alam ang isasagot kaya tumango na lang siya.

“Narinig mo ba ang pinag-uusapan namin? Totoo ba Bestie? Mahal mo ako?” sunod-sunod na tanong ni Ali.

Hindi malaman ng dalaga ang gagawin. Kung sasagutin ba niya o hindi ang tanong ng binata. Tahimik lang siya na nakayuko ang ulo.

“Sagutin mo ako! Totoo bang mahal mo ako?!” pasigaw na tanong ng kaibigan.

Wala na siyang magagawa. Oras na para ipagtapat niya rito ang katotohanan.

“Oo Ali, mahal kita. Matagal na kitang mahal!” sigaw niya sa binata.

“Bakit ‘di mo sa akin sinabi?” anito.

“Paano ko sasabihin, e hindi mo nga ako napapansin dahil puro ka Leila! Wala kang ibang napapansin kundi si Leila! Balewala lang sa iyo ang mga ginagawa kong effort para mapansin mo ako,” aniya.

“I’m sorry. Ang g*go ko, ang g*go kong bestfriend mo,” sabi ni Ali habang napapailing.

“It’s okay. Sanay na ako,” tanging nasabi ni Rosel sabay alis sa harap ng dalawa. “Paano na ‘to? Alam na niyang mahal ko siya. Bestfriendship over na rin ba kami?” bulong niya sa sarili.

Pagdating sa bahay ay nagkulong agad siya sa kanyang kwarto. Wala na siyang ibang nagawa kundi ang umiyak. Ayaw niyang mawala ang bestfriend niya, ang kanyang pinakamamahal.

Maya-maya ay narinig niya ang malakas na tawag ng kanyang ina.

“Anak, naghihintay si Ali sa ibaba!” sigaw ng nanay niya. “‘Nak? Papapuntahin ko ba siya dyan sa kwarto mo?” anito.

“Huwag na po, palabas na ako,” aniya at inayos ang sarili bago lumabas ng kwarto. Bumungad sa kanya ang kaibigan na nakaupo sa sofa.

“A-ano pang ginagawa mo rito?” tanong niya rito.

“Bestie, mag-usap tayo,” seryosong sabi ng binata.

“Sige,” seryoso rin niyang sagot.

“Uhm. Sorry nga pala ha? Sorry sa mga nangyari,” wika ni Ali sa kanya.

“Okay lang iyon,” tangi niyang nasabi sa kausap. Iyon na lang ang nasabi niya dahil hindi siya kumportable sa sitwasyon nila ngayon.

“Uhm? Tungkol nga pala kanina totoo bang mahal mo ako?” diretsong tanong nito sa kanya.

Nakapagdesisyon na si Rosel. Sasabihin na niya ang lahat-lahat kay Ali. Ang lahat ng nararamdaman niya.

“Oo. Matagal na, simula noong mga bata pa tayo may gusto na ako sa iyo at habang tumatagal ay lumalalim din ang nararamdaman ko para sa iyo,” paliwanag niya.

“Bakit hindi mo sinabi? Bakit inilihim mo sa akin?”

“Kasi ayaw kong mawala ka sa akin. Natakot akong sabihin kasi baka kapag nalaman mo ay layuan mo ako.”

Napabuntong-hininga si Ali bago muling nagsalita.

Bakit naman kita lalayuan? Di ba magkaibigan tayo, mag-bestfriend. Sorry. Sorry kung hindi ko napapansin ang mga effort mo at hindi ko man lang napansin na mahal mo ako. Sorry,” paumanhin ng binata sa kanya.

“Ayos lang iyon, wala namang may gusto e.”

“Gusto man kitang mahalin pabalik pero hindi ko magawa. Kung maaari lang sanang turuan ang puso.”

“Hayaan mo na! Marami pang magbabago, pwedeng mawala itong nararamdaman ko at pwede ring mahalin mo ako ‘di ba? Hindi natin alam ang mga mangyayari,” ani Rosel.

“Oo nga. Pero bestfriend pa din tayo ha? Kahit anong mangyari, ikaw pa rin ang bestfriend ko,” tugon ng kaibigan.

“Oo naman! Bestfriends forever!”

“Salamat Rosel, salamat sa lahat. Huwag kang mag-alala, nararamdaman ko na mamahalin din kita sa tamang panahon,” seryosong sabi ng binata.

“Hihintayin ko ang araw na iyon, bestie. Hihintayin ko,” nakangiti niyang sagot.

Tanggap na ni Rosel na magkaibigan lang muna sila Ali. Naniniwala siya na may tamang panahon para sa lahat. Nakahanda siyang maghintay na mahalin siya ng lalaking pinakamamahal niya. Alam niya na darating ang araw at matututunan din siya nitong mahalin na hindi lang bilang kaibigan kundi bilang isang babae. Kung hindi man mangyari, wala pa rin siyang pagsisisihan dahil para sa kanya ay nagawa pa rin niyang maghintay para sa taong mahal niya.

Advertisement