Sabay na lumaki sa bahay ampunan sina Andre at Kiara kaya hindi na nakakapagtaka na maging malapit sila sa isa’t-isa. Pero nagkahiwalay ang magkaibigan nung inampon na sila. Mayamang pamilya ang umampon kay Andre at dinala ito sa ibang bansa samantalang katamtaman lang ang ikinabubuhay ng mga umampon kay Kiara. Gayunpaman ay umaasa ang babae na muling pagtatagpuin ang kanilang mga landas kaya matiyaga niyang hinintay ang pagbabalik ng kaniyang kaibigan.
Kaya noong nalaman ni Kiara na umuwi ang lalaki sa Pinas upang hanapin siya ay labis ang tuwang kaniyang nadama at hindi siya nagdalawang isip na makipagkita rito.
“Kiara!” masayang sambit ni Andre sa pangalan ng kaibigan.
“Ikaw na ba iyan, Andre?” ani ng babae. Niyakap naman siya ng mahigpit ng lalaki na halos ikaputol na ng kaniyang hininga. Ang laki na nga ng ipinagbago ni Andre. Hindi na ito ang sipunin at mukhang yagit na bata noon dahil gwapo at lalaking-lalaki na ito ngayon.
“Kiara, ikaw nga. Namiss kita ng sobra,” ani ni Andre.
Nagkamustahan silang dalawa at panay ang kwento sa mga nangyari sa kani-kanilang mga buhay.
Matapos ang araw na iyon ay naging madalas na ang pagkikita ng dalawa. Palaging sinusundo ni Andre si Kiara sa trabaho at pagkatapos ay kumakain sila sa labas. Bumibisita din ito sa bahay ng babae tuwing may libre itong oras. Hindi sinabi ni Andre na nanliligaw siya kaya ayaw lagyan ng kulay ni Kiara ang mga ginagawa ng kaibigan pero aminado siyang unti-unti nang nahuhulog ang loob niya dito.
“Kiara, may gusto pala akong ipakilala sa’yo,” wika ni Andre. “Sino?” tanong ng babae. “Si Sandy, ang girlfriend ko,” nakangiting wika ng lalaki nung ipinakilala niya sa kaibigan ang kaniyang nobya.
Nais umiyak ni Kiara dahil sa kaniyang nalaman. Ang tagal niyang hinintay na bumalik ang lalaki at umasa siyang may pag-asa ang lumalalim niyang damdamin para sa binata pero hindi niya akalaing may iba na pa lang nilalaman ang puso ng kaibigan.
Pero kahit ganun ay agad naman niyang tinanggap na hindi para sa kaniya ang lalaki. Kahit nasasaktan siya kapag nakikitang sobrang lambing ng dalawa ay wala siyang magawa kung ‘di ang ngumiti kahit ang katotohanan ay unti-unting siyang namam*tay sa sobrang sakit. Nagseselos siya pero hindi niya kayang sabihin kay Andre.
“O, may problema ka ba? Bakit ka na naman umiinom?” tanong ni Kiara sa kaibigan. Kapag kasi ganito si Andre ay alam na niya ang dahilan, nag-away na naman ang magkasintahan. “Naiinis kasi ako kay Sandy,” ani ng lalaki.
Kinabukasan ang misyon na naman ni Kiara ay ang pagbatiin ang dalawa. Mahal niya si Andre kaya wala siyang ibang gusto kung ‘di ang maging maligaya ang kaibigan kahit pa nasasaktan ang kaniyang puso.
“Kiara!” agad siyang napalingon sa boses ng isang lalaking tumatawag sa kaniya. “Ako ‘to si Dave. Hindi mo na ba ako naaalala?”
“Dave? Grabe ang pogi mo na samantalang noon dugyutin ka pa,” masayang wika ni Kiara nang makilala ang lalaki. Kapitbahay nila ito noon.
“Kumusta ka na? Ang ganda mo na rin, ah, samantalang noon sipunin ka,” ani ng lalaki dahilan upang magtawanan silang dalawa.
Mula noon ay lagi nang pumupunta si Dave sa bahay ni Kiara. Masaya ang babae tuwing kasama niya ang lalaki kaysa sa kaibigan niyang si Andre dahil wala siyang ibang ginawa kung ‘di ang ayusin ang buhay pag-ibig nito. Kaya nung humingi ng pahintulot ang binata na ligawan siya ay binagyan niya ito ng pagkakataon ng mapaibig siya na labis namang tinutulan ni Andre.
“Bakit naman ayaw mong sagutin ko si Dave? Sa tingin ko naman ay ayos lang iyon kasi pareho naman kaming single,” ani ni Kiara. “Hindi ko nakikita sa kaniya ang posibilidad na maging mabuting nobyo,” sagot naman ni Andre.
“Ano? Pwede ba naman iyon? Paano mo naman makikita iyon, e, hindi naman ikaw ang nililigawan niya,” balik tanong ng babae. “Hindi ko siya gusto para sa’yo, Kiara,” pag-aamin ng lalaki.
“Grabe naman, Andre. Ikaw lang ba ang gustong magkaroon ng love life? Paano naman ako?” dismayadong wika ni Kiara.
Sa inis ay ilang araw na hindi nagpakita si Kiara kay Andre. Lagi na nga lang siyang third wheel nito ayaw pa nitong magkaroon siya ng sariling love life. Paano siya makaka-move on sa lalaki kung lagi lang siyang nakaabang rito?
Isang araw ay nagulat na lang si Kiara nang biglang bumisita si Andre sa bahay nila at may dala-dalang pa itong pagkain at mga bulaklak.
“Ano ‘to peace offering?” tanong ng babae. “Parang ganun na nga tsaka bukod dun ay gusto rin kitang ligawan, Kiara,” ani ng lalaki dahilan upang lumaki ang mga mata niya sa pagkagulat.
“Na-realize kong hindi ko pala kayang mawala ka. Nagseselos ako kapag nakikita kitang masaya sa piling ng iba. Naiinis ako kapag may nag-aalaga sa’yong ibang lalaki kasi mula noon hanggang ngayon ay gusto kong ako lang ang nag-aalaga sa’yo. Alam kong sumama ang loob mo sa’kin kasi pakiramdam mo pinagbabawalan kita at wala ako sa lugar para gawin iyon pero ayokong nakikita kang may minamahal na iba, Kiara,” patuloy nito sa pag-amin.
“Bakit mahal ba kita?” pakipot ng babae. “Oo. Ramdam na ramdam ko mula noong muli tayong nagkita,” sagot ni Andre. “Ayoko lang pansinin kasi natatakot akong baka nagkamali lang ako nang hinala pero noong nabasa ko sa diary mo na mahal mo ako doon ko nakumpirma na tama ang kutob ko,” nakangising wika ni Andre.
“Pakialamero ka din, noh?” reklamo ni Kiara. “Sorry naman pero naiintriga kasi ako sa diary mo,” nakangising wika ng lalaki. “Ano? Sasagutin mo na ba ako?” tanong ni Andre.
“Panaginip lang ba ito o totoo na?” ani ng babae. Hindi din kasi siya sigurado kung totoo ba ang nangyayari o imahinasiyon niya lamang.
Nagulat si Kiara nang bigla na lang siyang hinalikan ng mabilis ni Andre sa kaniyang mga labi.
“Ngayon sigurado ka na bang hindi ka nananaginip?” tanong ng lalaki. “Totoo nga ang nangyayari,” wika ng babae at agad itong lumapit sa lalaki upang yakapin ito ng mahigpit.
Madalas ay isinasantabi natin ang ating mga kutob at hinala dahil takot tayong malaman ang katotohanan na nagkamali tayo ng interpretasyon sa ipinararamdam sa atin ng iba kaya sa halip na sumugal ay lilingon tayo sa iba. Pero kapag may kaagaw na tayo sa kanila o ‘di kaya ay may iba ng nagpapasaya sa kanila ay tsaka lang tayo matatauhan at magkakaroon ng lakas ng loob na harapin ang ating mga takot. Kaya hangga’t hindi pa huli ang lahat ay buong tapang mong ipaalam sa taong nagpapatibok ng iyong puso na mahal mo sila kung hindi ay siguradong pagsisisihan mo kung pinalampas mo ang pagkakataon na maramdamang mahal ka rin niya.