Limang taong gulang pa lang ang kaniyang panganay na anak ay iniwan na sila ng kaniyang asawa na si Erning. Seaman kasi ito at hindi na umuwi sa hindi niya malamang dahilan. Mula noon ay sinikap ni Thea na buhayin ang tatlong anak ng mag-isa. Kasal sila ni Erning kaya alam niyang balang araw ay sa kaniya ito uuwi.
Lumipas ang dalawang dekada, ang kaniyang panganay na si Troy ay bente singko na. Sa awa ng Diyos ay naitaguyod niya ang kaniyang mga anak ng maayos na walang natatanggap na tulong mula sa kaniyang magaling na asawa. Lahat sila ay nakapagtapos ng kolehiyo.
“Mare, alam mo na ba ang balita sa asawa mong si Erning?” tanong ni Sonia isang araw nung makasalubong niya ito. Seaman din ang asawa ni Sonia at kasamahan ito sa trabaho ng kaniyang asawa kaya ito lagi ang naghahatid ng balita sa kaniya tungkol kay Erning.
“Bakit? Anong nangyari sa magaling kong asawa?” walang kagana-gana niyang tanong. “May pinakasalan na naman ba siyang ibang babae? Sabagay may bago ba doon?” kibit-balikat niyang wika.
“Hindi, Thea, may bagong balita akong hatid sa’yo. Ang magaling mong asawa ay may malubhang sakit at binigyan na siya ng taning ng kaniyang doktor,” ani ni Sonia.
“Talaga? Ano naman daw ang sakit niya?” balik tanong ni Thea.
“K*nser sa baga at mabilis itong kumalat sa katawan niya kaya sabi ng asawa ko ay pinapauwi na daw sa Pinas si Erning. Hindi ko nga lang alam kung sa’yo siya uuwi o sa isa niya pang asawa doon sa Iloilo,” wika ni Sonia.
“Bahala siya kung saan niya nais umuwi ang mahalaga ay kapag nam*tay siya ay maipalibing siya ng maayos. Sa mga nakalipas na taon na pinabayaan niya kami ng mga anak niya ay sanay na rin naman kami na wala siya,” desididong wika ni Thea.
“Sabagay nga ‘noh, Thea.” tugon ni Sonia.
“Kung sa’kin siya uuwi ay tatanggapin ko siya. Asawa ko siya at kasal pa rin kami kahit na may dalawa pa siyang babaeng pinakasalan,” dagdag ni Thea.
Hindi inaasahan ni Thea na sa araw na iyon ay makikita niya si Erning sa labas ng pintuan ng kanilang bahay na may mga dala-dalang mga bagahe.
“O, ngayong may sakit ka na tsaka mo lang naalala na pamilya mo pala kami,” may hinanakit na wika ng babae.
“Thea, patawarin niyo sana ako,” nakayukong sambit ni Erning.
“Ano ba ang magagawa ko kung ‘di ang tanggapin ka kahit na labag iyon sa kalooban ko. Sa dami nang pinakasalan mo Erning ni isa sa kanila ay hindi kita hinadlangan kahit na nasa akin ang lahat ng karapatan. Iniisip kong darating ang araw na kakailanganin mo rin ako, darating ang araw na sa’kin ka rin uuwi dahil ako ang una mong pinakasalan. Pero hindi ko inakalang uuwi ka lang sa’kin kung kailan malapit ka nang mam*tay,” puno ng hinanakit na wika ni Thea.
“Uuwi at uuwi ako sa’yo dahil ikaw ang tunay kong asawa. Ikaw ang unang babaeng sinumpaan ko ng panghabang buhay kaso g*go ako kaya napabayaan ko kayo. Kung mamam*tay man ako nais kong mam*tay sa piling mo,” mahinang sambit ni Erning.
Sa huling sandali ng buhay ni Erning ay nakasama niya ang kaniyang tatlong anak na maliliit pa lamang nung iniwan niya. Nagpapasalamat siya sa una niyang pamilya dahil kahit pinabayaan niya sila noon ay hindi nagkulang ang babae sa pag-aalaga nito sa kaniya at ganun din ang mga anak nila na para bang wala siyang nagawang kasalanan sa kanila.
“Ngayong wala na si Erning ay ibibigay ko na sa’yo ang lahat ng mga iniwan niya,” wika ni Attorney Durano, abogado ng asawa ni Thea.
“Paano naman ang dalawang asawa niya, attorney?” takang tanong ni Thea.
“Kung tutuusin ay wala silang mahahabol kay Erning dahil hindi naman legal ang kasal nila kaso naisip niyang may tig-iisang anak siya sa kanila kaya nag-iwan din siya ng kaunting suportang pinansiyal. Nais pa ngang pumalag ni Bebe, ang pangalawang asawa na pinakasalan ni Erning dahil may hawak din daw siyang marriage certificate, katibayan na legal din siyang asawa. Kaso ayon sa batas ay walang bisa ang kasal nila dahil kasal pa rin si Erning sa una niyang asawa. Sa’yo din siya umuwi bago siya bawian ng buhay. Ang pangatlong asawa naman ay walang sinabi at tinanggap lang kung ano ang ibinigay ni Erning sa kanila. Sa batas kasi, Mrs. Thea, mas pinapanigan ang orihinal na asawa kaya sa laban na ito ikaw ang mananalo kahit anong mangyari,” wika ng abogado.
“Salamat, attorney,” mahinang wika ni Thea.
Hindi man naging mabuting asawa at ama si Erning sa kanila ay bumawi naman ito sa kanilang pamilya bago ito nawala sa mundo. At tama nga si attorney, lamang siya sa dalawang pinakasalan ni Erning dahil siya ang nauna at legal na asawa. Hindi niya alam kung paano nagawa ni Erning ang magpakasal ng tatlong beses pero kailanman ay hindi magiging legal ang isang kasal hangga’t buhay pa ang unang pinakasalan o hindi pa napapawalang bisa ang kanilang kasal. Papanigan at papanigan pa rin siya ng batas.
Marahil kaya tinanggap ni Thea si Erning sa kanilang buhay ay hindi para ipaglaban ang kaniyang karapatan bilang legal na asawa kung hindi para sa huling pagkakataon ay maranasan muli ng kaniyang mga anak na mayroon silang ama, na isa silang buong pamilya bago pa man pumanaw ang kaniyang asawa.
Maaari din namang ito ang paraan ng babae para iparamdam kay Erning na pinapatawad na niya ito hindi para maging masaya ang lalaking sa mga huli nitong sandali kung hindi para sa kaniyang sarili, para sa ikagagaan ng kaniyang kalooban.
Maaari din namang ang nais ng babae ay magkaroon ng malinis na tuldok ang pagsasama nilang mag-asawa para masimulan na niya ang panibagong yugtong ng kaniyang buhay na malaya sa kahit na anumang sakit na dinulot ng pag-ibig.
Ano man ang tunay na dahilan ni Thea ay hindi na ito mahalaga. Ang importante ay nagsisisi si Erning sa kaniyang nagawa at humingi siya ng kapatawaran sa kaniyang pamilya. Sa sandaling panahon ay naramdaman nilang maging isang pamilya muli. At dahil nagawa na ng pamilyang pakawalan ang sakit sa kanilang mga puso ay maaari na silang humarap sa mga darating na araw na magaan ang kanilang mga kalooban at may ngiti sa kanilang mga labi.