“Papa mo ʼyon, Fe?” tila may halong pangungutyang tanong ng kaklase niyang si Sammy sa grade four student na si Fe. Kaaalis lamang ng kaniyang papa matapos siyang ihatid nito sa pagpasok. Babalik na ito ngayon sa pagtitinda ng fishball, kikiam at kwek-kwek sa may plaza, sa bayan. Sakay ito ng isang improvised wheelchair na sila mismo ng kaniyang ama ang nagtulungang gumawa, noong masira ang ginagamit nitong lumang wheelchair. Gawa ito sa kahoy na upuan at lumang bisikleta.
“Oo, bakit?” nakangiti at walang halong pag-aalinlangan namang sagot niya.
“Lumpo pala ang papa mo,” tatawa-tawa pang sabi nito. “Kawawa ka naman!” Bigla itong bumunghalit nang halakhak. “Hindi ka ba nahihiya na hinahatid ka pa niya sa school?”
“Hindi… bakit naman ako mahihiya, e, masipag naman ang papa ko? Walang bisyo at mahal ma mahal ako, kaya walang kaso sa akin ang pagiging lumpo niya,” ang lagi namang isinasagot ni Fe sa mapang-asar na mga kaeskuwela.
Tandang-tanda niyang lagi ang pangaral sa kaniya ng ama simula noon. “Huwag kang panghihinaan ng loob, sa tuwing may mga taong hihila sa ʼyo pababa, ʼNak. Gawin mo iyong inspirasyon para mas patunayan sa kanila na nagkakamali sila ng taong minamaliit. Maging matatag ka, ʼNak, dahil sa ʼyo rin ako humuhugot ng lakas.” Ito ang nagsilbi niyang gabay upang makausad.
Araw-araw siyang inihahatid ng ama sa pagpasok sa school. Sinusundo rin siya tuwing uuwi. Kahit lumpo ang kaniyang papa ay wala itong naging pagkukulang sa kaniya. Busog siya sa mga pangaral, pagmamahal at pag-aaruga, kahit pa nag-iisa lang itong nag-aalaga sa kaniya. Mga bagay na hindi lahat ng magulang ay nagagawa sa mga anak nila. Mga bagay ma talagang ipinagpapasalamat ni Fe na mayroon siya.
Ang kaniyang ama ang inspirasyon niya upang mag-aral nang mabuti. Sa kabila ng mapangmatang pag-uugali ng iba ay proud niyang ipinakita sa lahat kung ano ang kayang gawin ng kaniyang Papa. Grumaduate siya sa highschool na nagkamit ng pinakamataas na parangal. Lahat ng iyon ay itinuturo niyang bunga ng pagsisikap ng kaniyang butihing ama.
Nagkaroon siya ng scholarship sa isang university at dooʼy kumuha ng kursong business management. Pangarap niyang ipagpatayo ng maliit na kainan ang kaniyang Papa, para hindi na ito sa kalye magtitinda.
“Bakit hindi ka na lang kaya agad magtrabaho para hindi na nahihirapan ang papa mo sa pagtitinda? Nag-aaksaya ka lang ng oras at pera sa pag-aaral mo,” minsan ay sabi ng kanilang kapit-bahay kay Fe, pagkauwi niya noon galing eskuwela. Noon pa man kasi ay mainit na ang dugo sa kaniya ni Aling Flor, sa ʼdi malamang dahilan.
“Ito rin naman ho ang gusto ng papa ko. Saka, pagkagraduate ko, sisiguraduhin kong magiging maganda ang buhay namin,” matatag pa ring sagot niya.
“Naku, iyan din ang sabi ng anak ko kaya pinag-aral ko rin iyon ng kolehiyo kahit ayaw ko talaga. Pero anong ginawa? Abaʼy nagpabuntis nang maaga. Sigurado akong ganyan ka rin, Fe. Sa una lang naman magagaling ang mga kabataan ngayon,” sabi pa nito na tila ba sa kaniya ibinubunton ang sama ng loob nito sa anak.
“Hindi ho mangyayari sa akin iyon, Aling Flor. Dahil umpisa pa lang ay suportado na ako ni Papa. Ni minsan ay hindi niya ako pinagdudahan ng ganiyan, ʼdi po ʼtulad nʼyo sa anak nʼyo. Kaya wala rin ho kayong karapatang husgahan kung anoʼng magiging kinabukasan ko.” Sa inis ay hindi na niya napigilang sumagot.
Ininda ni Fe ang pangyayaring ʼyon, ngunit hindi niya iyon tinanggap bilang negatibo. Nag-apply siya ng part time job sa isang printing shop, bilang may alam naman siya sa pag-o-operate niyon. Pagkatapos ay tumulong siya sa gastusin sa kaniyang papa.
Lahat ng naririnig niya sa ibang tao ay ginagamit niya upang magtagumpay at hindi magpakalugmok. Muli, ay grumaduate si Fe ng kolehiyo, na nagkakamit ng pinakamataas na karangalan.
Naibili niya ng bagong wheelchair ang ama. Naipagpatayo niya ito ng maliit na kainan na sa kanilang pagtutulungan ay unti-unting lumago at nakilala.
Ganoon na lang ang pagkabigla ng mga taong nooʼy nanghuhusga sa kanila. Pinatunayan ni Fe at ng kaniyang ama na kaya nilang mabuhay nang maayos at walang tinatapakang ibang tao. Kaya naman, ang datiʼy minamata lang, siya na ngayong tinitingala at hinahangaan.
Lahat ng iyon ay dahil sa kaniyang amang naging napakatatag at itinaguyod siya, kahit nag-iisa.