“Janine, nakita ka raw ng kapatid ko kanina sa mall may kasama ka raw lalaki manuod ng sine.” biglang sambit ni Joel, nobyo ni Janine, habang kumakain sila ng hapunan.
“Ah, oo, hindi ba sinabi ko sayo na manunuod ako noong sikat na pelikula ngayon?” mahinahong sagot naman ng dalaga.
“Pero hindi mo sinabi na may kasama kang lalaki.” ika ng binata, halata na ang inis sa kanyang boses.
“Matalik kong kaibigan yun, si Danjo. Biglaan lang kasi nakasabay ko siya sa bus. Sakto namang manunuod rin daw siya. Saka paano ko sasabihin sayo, eh ayaw mo nga sagutin mga tawag ko?” sagot naman ng dalaga.
“Paano ko sasagutin eh nasa kalagitnaan ako ng meeting tawag ka ng tawag? Hindi ka rin makaintindi eh. Sana tinext mo na lang sakin para alam ko diba?” galit nang sambit nito saka iniwan mag-isa ang nobya sa pagkain.
Simula nang ma-promote sa trabaho si Joel, nagsimula na siyang mawalan ng oras sa kanyang nobya. Kung hindi nga lang sila naninirahan sa iisang bahay, malamang hindi na niya ito tuluyang makausap sa isang araw dahilan para magkimkim ng sama ng loob ang dalaga.
Kung dati lagi niyang niyayakag ang dalaga manuod ng sine kapag may bagong pelikula, lagi na nitong sinasabi sa dalaga ngayon, “Mapapanuod rin naman natin yan sa tv kapag hindi na uso. Hintayin mo na lang at sayang ang pera.” na labis namang ikinakalungkot ng dalaga dahil gustong-gusto nito na manuod sa sinehan, kaya madalas, mag-isa na lamang itong nanunuod.
Labis namang ikinagalit ni Joel ang pagsama ng kanyang nobya sa matalik nitong kaibigan dahil dati pa man, alam niyang may gusto na ito sa dalaga. Pinaliwanagan naman siya maigi ng dalaga na wala siyang ibang ginawa sa loob ng sinehan kundi manuod, ni hindi niya nga raw nagawang kausapin ang lalaki dahil labis siyang nawili sa pelikula dahilan naman para kahit papaano ay makalma siya.
Ngunit isang gabi habang hawak niya ang cellphone ng dalaga, bigla itong tumunog na tila may nagtext. Agad niya itong binuksan at labis na nagalit sa nabasang mensahe, “Janine, panuorin natin yung bagong pelikula ngayon? Tulad ng pangako ko, libre ko na! Sunduin kita sa inyo bukas?”
“Janine! May nagtext sayo o, nuod daw kayo sine. Enjoy kayo ha?” inis na ika ni Joel saka hinagis sa nobya ang cellphone. “Ha? Sino?” pagtataka naman ng dalaga saka sinambot ang cellphone.
“Kunyari kapa! May nalalaman pa kayong pangakong libre? May tinatago ka rin talagang landi eh, ano?” galit nang sambit nito dahilan para magpintig ang tenga ng dalaga.
“Hoy Joel! Maghinay-hinay ka sa sinasabi mo! Alam mo namang matalik na kaibigan ko yan! Ano naman kung manuod kami ng sine? Buti nga siya nayayaya pa ako eh, eh ikaw? Subsob kana nga sa trabaho, ganyan ka pa magsalita sa akin. Kung tingin mo masaya pa ako sa relasyon na ito, nagkakamali kana.” galit na ika ni Janine sabay labas ng kwarto, natahimik naman ang binata sa sinabi ng dalaga.
Noong gabing ring iyon, lumayas ang dalaga sa inuupahan nilang bahay. Buong akala ni Joel na sa sala lamang ito natulog ngunit noong makita niyang limas na ang mga gamit ng dalaga, doon na siya nagsimulang mangamba. Tinawagan niya ang dalaga ngunit nakapatay ang cellphone nito.
Kung saan-saan niya ito hinanap ngunit hindi niya ito makita, halos mabaliw na siya dahil kung ano-ano nang pangyayari ang pumapasok sa isip niya. Bigla namang sumagi sa isip niya na baka nagpunta ito sa bahay ng matalik niyang kaibigan kaya naman agad siyang humangos doon.
“Excuse me po, andyan ba si Danjo?” ika niya sa isang dalagang nagdidilig ng halaman.
Agad namang tinawag ng dalaga ang hinahanap niyang lalaki ngunit nagtaka siya nang bigla itong humalik sa dalaga.
“Nobya mo?” pag-uusisa niya. “Asawa ko. Ayun anak namin, o. Napadaan ka nga pala?” ika ni Danjo.
“May asawa’t anak kana pala eh, bakit niyayaya mo pa mag-sine ang nobya ko?” biglang sambit naman ni Joel dahilan para matawa ang binata.
“Ano ka ba? Hindi mo kasi sinasamahan yung kaibigan ko e kaya naisipan ng asawa ko na yayain. Sa katunayan magkakasama kaming tatlo manuod nang sine noong nakaraan.” sambit ng lalaki dahilan para mapaisip siya na napagbintangan niya lang pala ang kanyang nobya.
Kahit pa nahihiya, humingi siya ng tawad kay Danjo dahil sa kanyang inasta saka humingi ng tulong para hanapin ang kanyang nobya. Agad naman siyang tinulungan nito. May alam raw itong lugar kung saan nagpupunta ang dalaga kapag sobrang lungkot na, kaya agad nila itong pinuntahan.
At doon nga nila natagpuan ang dalaga. Maga ang mata nito, halatang katatapos lamang umiyak. Agad namang niyakap ni Joel ang dalaga.
“Patawarin mo ako kung hindi na ako yung Joel na nakilala mo dahil sa trabaho. Patawarin mo ako sa masasakit na salitang nasabi ko dahil sa selos ko. Bumalik kana satin, please.” hagulgol ng binata sa balikat ng dalaga, noong una ay ayaw na ng dalagang sumama sa kanya, ngunit nangako siya na gagawin ang lahat upang mabalanse ang oras niya sa trabaho at sa kanyang nobya, hindi naman kalaunan, napapayag niya itong umuwi muli.
Ginawa nga ni Joel ang kanyang pangako sa dalaga dahilan para lalong tumibay ang kanilang pagsasamahan. Kitang-kita na sa mata ng dalaga ngayon ang sayang nararamdaman sa piling ng binata.
Tunay nga namang kung mananaig ang selos kaysa sa tiwala, maaaring masira ang isang relasyon.