Inday TrendingInday Trending
Naiinip na ang Dalaga sa Balak ng Nobyo na Pagpapakasal Nilang Dalawa Dahil ‘Di na Rin Naman Sila Bumabata; Paano Kung Bigla Siyang Alukin ng Kasal ng Ex Niya?

Naiinip na ang Dalaga sa Balak ng Nobyo na Pagpapakasal Nilang Dalawa Dahil ‘Di na Rin Naman Sila Bumabata; Paano Kung Bigla Siyang Alukin ng Kasal ng Ex Niya?

Apat na taong nang magkasintahan sina Gelo at Abby ngunit hindi pa nila napag-uusapan ang pagpapakasal. Hindi dahil sa hindi pa sila handa sa kani-kanilang mga emosyon o sa pagiging magulang, kundi dahil wala pang pera si Gelo. Nagtatrabaho ito bilang isang supply officer sa isang shipping company, na hindi naman kalakihan ang suweldo. Siya naman ay isang kahera sa isang convenience store. Hindi rin kalakihan ang suweldo.

Pareho na silang nasa 30 taong gulang. Kung si Abby ang tatanungin, gusto na niyang magpakasal, hindi dahil sa gusto na niyang magpatali kay Gelo, kundi hinahabol niya ang pagkakaroon ng anak. Hindi na siya bumabata. Inaalala niya, baka mahirapan na siyang manganak kapag matagalan pa sila sa pagpapakasal.

Minsan, binuksan niya ang ganoong usapan nang magkita sila ni Gelo.

“Alam mo namang hindi pa ako handa sa aspetong pinansyal, babe. Hindi naman ganoon kalakihan ang suweldo ko bilang isang supply officer. Nagbabayad pa rin ako ng bahay natin. Iyon muna kasi ang gusto kong unahin, para kapag kasal na tayo, may tiyak na tayong tutuluyan. Ayoko kasing makipisan sa mga magulang, ko at ayoko ring mangupahan,” paliwanag ni Gelo.

“Ganoon ba? Ang punto ko naman kasi babe, kuwan… hindi na ako bumabata. Baka mahirapan na ako sa panganganak kapag more than 30s na ‘ko nagbuntis,” katwiran naman ni Abby.

Makahulugan ang ngiti ni Gelo. Bumulong ito sa kaniya.

“Eh puwede naman tayong gumawa ngayon kung gusto mo eh…”

Iwinasiwas ni Abby ang kaniyang mga kamay sa mukha ni Gelo.

“Malinaw naman ang sinabi ko sa iyo hindi ba? No license, no entry. Hangga’t hindi tayo kasal, hindi puwede iyan,” paalala ni Abby. Napakamot naman sa kaniyang ulo si Gelo.

Buo na sa isipan ni Abby na wala pang malinaw na plano si Gelo para sa kanilang dalawa. Nadismaya siya.

Isang gabi, papatulog na sana si Abby nang biglang may mag-chat sa kaniya. Nagulat siya. Si Enzo, ang kaniyang dating kasintahan, na ngayon ay nasa Malaysia na. Maganda na ang buhay bilang isang OFW. Hiniwalayan niya ito dahil sa pagiging babaero. Ang totoo niyan, matagal na itong nangungumusta sa kaniya, subalit pinipili niyang huwag itong pansinin.

Subalit dahil sa nararamdamang pagkadismaya kay Gelo, nagreply siya.

Kumustahan. Napag-alaman niyang hiwalay na pala ito sa dating asawa sa pamamagitan ng annulment. Hindi pa rin pala nagbabago ang mokong. Babaero pa rin, na naging dahilan ng kanilang hiwalayan noon. Pero sabi nito, tila kinarma siya, dahil natuklasan niyang may kinakasamang iba ang kaniyang misis.

Simula noon, lagi na ulit magkausap sa video calls tuwing gabi sina Enzo at Abby, na lingid sa kaalaman ni Gelo. Isinalaysay ni Abby kay Enzo ang mga pagkabigo niya sa relasyon nila ng nobyo. Hanggang sa magtapat ng kaniyang nararamdaman si Enzo kay Abby. Mahal pa raw niya ang dalaga.

“Abby, give me a chance. Sumunod ka na sa akin dito sa Malaysia. Ako nang bahala sa lahat. Balikan mo ako at pakakasalan kita. Babawi ako sa mga naging pagkukulang ko sa iyo. Bubuo tayo ng isang pamilya.”

“P-Paano si Gelo?”

“Malaki na siya. Kaya na niya iyan. Saka bakit ka papatali sa isang taong walang malinaw na plano para sa ‘yo?”

Gustong pakagalitan ni Abby ang kaniyang sarili kung bakit siya naguguluhan. Sa oras na naguguluhan siya, may problema. Kung talagang nakikita niya si Gelo na siyang lalaking mapapangasawa niya at magiging tatay ng kaniyang mga magiging anak, hindi siya magdadalawang-loob ngayon na ikonsidera ang alok ni Enzo sa kaniya.

“Panginoon… ano po ba ang dapat kong gawin? Bakit naguguluhan ako? Mahal ko po si Gelo… pero bakit may bumubulong sa pagkatao ko na kagatin ang alok ni Enzo?”

Ikinonsulta niya ito sa kaniyang kaibigang si Melanie na siyang nakasaksi kung paano siya umiyak nang balde-baldeng luha nang malaman niya ang panloloko sa kaniya ni Enzo noon.

“Girl, ganito lang kasimple ‘yan: kaya rin ni Gelo na ibigay ang mga gusto mo. Anong sabi ni Gelo? Hindi pa handa dahil nag-iipon pa. Nag-iipon. Ibig sabihin, may plano. Hindi ibig sabihin na hindi siya nagsabi ng plano ngayon, eh wala na talaga siyang balak na iharap ka sa dambana. Pustahan tayo: iyang si Enzo, hindi pa nagbabago ‘yan.”

Tila binuhusan ng malamig na tubig si Abby. Tama si Melanie.

Kaya nang sinabi ni Abby kay Enzo na hindi siya pumapayag sa alok nito, nagalit pa ito sa kaniya. Siya na nga lang daw ang ginagawan ng pabor sa pagka-desperada niya, eh nagmamataas pa siya.

Makalipas ang tatlong araw, nakita na lamang ni Abby sa mga status ni Enzo na may bago na itong kasintahan. Napangiti si Abby. Tama si Melanie. Tama ang desisyon niya. Bin-lock na kaagad niya si Enzo sa kaniyang social media account.

Ipinangako niya sa kaniyang sarili na hihintayin niya ang pagiging handa ni Gelo sa mga pangarap nilang bumuo ng sariling pamilya. Bukod sa paghihintay, kailangan din sigurong tumulong siya. Para sa kanilang dalawa. At mangyayari din ang lahat sa takdang panahon. Salamat sa kaibigan niya at nakapili siya nang tama, na piliin ang kasalukuyan kaysa sa nagbabalik na nakaraan na dati na siyang sinaktan.

Advertisement