
Idolo ng Babae ang Kaniyang Matapang na Ate; Subalit Maging Idolo Pa Rin Kaya Niya Ito Kung Makikita Niya ang Kahinaan Nito?
Mga bata pa lamang sila, idolo na ni Maan ang kaniyang ateng si Tricia. Isa silang larawan ng masayang pamilya. Simple lamang ang pamumuhay, basta’t magkakasama silang apat, kuntento na sila.
Maagang binawian ng buhay ang kanilang Papa, kaya naman bilang panganay, si Tricia na ang naging katuwang ng kanilang Mama pagdating sa pagtataguyod ng kanilang pamilya. Natatandaan niya noon, elementarya siya at nasa ikaapat na taon naman sa hayskul ang kaniyang ate, wala itong takot na maglalako ng mga panindang puto at kutsinta sa kalye, at hindi iniintindi ang hiya, dahil sa kaniyang pagiging dalagita.
Pagtuntong naman sa kolehiyo, hindi rin tumigil sa pagtatrabaho si Tricia. Pinili nito ang kurso ng isang pagiging isang social worker, dahil nasa puso talaga nito ang pagtulong sa mga nangangailangan. Sa gabi naman, service crew ito sa isang fast food chain na nasa loob ng isang sikat na mall.
“Ate, paano mo nagagawang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho? Ako nga, hirap na hirap akong i-budget ang oras ko sa mga requirements ko sa school,” minsan ay naitanong niya sa kaniyang ate habang sinusuklayan siya nito. Nasa iisang kuwarto lamang kasi sila.
“Alam mo Maan, kapag gusto mo ang ginagawa mo, at kapag ginagawa mo ito para sa mga taong mahal mo, talagang kakayanin mo ang lahat. Saka tamang time management lamang naman. Alam mo iyan. Hindi ako nakakagalaw sa isang araw kapag hindi ako nagsusulat sa to-do list ko,” paliwanag ni Tricia.
Totoo naman. Madali lang regaluhan si Tricia. Bigyan mo lamang siya ng kuwaderno o planner, masaya na siya. Mahilig kasi itong magsulat. Mahilig sa pagsasaayos ng buhay at oras.
Lalong sumidhi ang paghanga ni Maan sa kaniyang ate nang magtapos itong Cum Laude. Siya noon ay nasa ikalawang taon sa kolehiyo. Kumuha siya ng kursong Business Administration at ipinangako niya sa kaniyang sarili na susundan niya ang yapak ng kaniyang Ate Tricia.
Agad na nakapasok sa misang non-government organization ang kaniyang ate, na nakikipaglaban sa karapatan ng kababaihan. Tumutulong sa mga taong nakararanas ng anomang paghihirap mula sa kanilang asawa. Aktibo rin ang kaniyang ate sa mga kilos-protesta hinggil sa mahahalagang isyung panlipunan.
“How to be you po, ate?” iyan ang madalas na sinasabi ni Maan sa kaniyang ate, lalo na’t nakapangasawa ito ng isang lalaking mayaman; may edad na ito at annuled na sa unang asawa, kaya nang inaya itong pakasalan ay pumayag na rin ito. Hanggang sa nagkaroon na rin siya ng mga pamangkin.
Isang araw, naisipan ni Maan na dalawin ang kaniyang ate at mga pamangkin. Sorpresang dalaw lamang. Nagdala pa siya ng isang kahon ng doughnut na paborito nila ni Tricia.
Nagitla siya nang makita sina Tricia at ang kaniyang bayaw na nasa tarangkahan ng kanilang bahay, tila may pinagtatalunan. Kitang-kita niyang sinapok ng kaniyang bayaw ang kaniyang ate, at sinakal pa! Pagkatapos, itinulak nito ang kaniyang ate, na naging dahilan upang mapaupo ito sa sahig.
Sumakay naman ang kaniyang bayaw sa kotse nito at pinaharurot ang sasakyan. Agad na dinaluhan ni Maan ang kaniyang ate. Gulat na gulat ito nang makita siya.
“A-Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Tricia habang sapo ang kaniyang pisngi.
“Ikaw, anong ginagawa mo? Anong nangyayari? Bakit mo hinahayaang saktan ka asawa mo? Nasaan na ang tapang mo, ate? Hindi iyan ang Ate Tricia na nakilala ko.”
Umiiyak na nagpaliwanag si Tricia.
“Maan, oo matapang ako, pero minsan, kailangan ko ring ikonsidera ang ibang mga bagay. D*monyo ang lalaking pinakasalan ko. Tulungan mo ako, Maan. Tulungan mo ako… kahinaan ko ang mga anak ko. Hindi ko kayang mawala sila sa akin…”
Ngayon lamang nakita ni Maan na humihingi ng tulong sa kaniya ang ate. Sanay siyang ito ang tumutulong sa kanila, ngunit sa pagkakataong ito, ito naman ang nangangailangan ng tulong. Isang ironya na ito pa mismo ang nakikipaglaban para sa karapatan ng ibang kababaihan, ngunit ngayon, hindi nito matulungan ang sarili mula sa kumunoy na kaniyang kinasasadlakan.
Ang dahilan?
Pagmamahal para sa pamilya. Pagmamahal para sa mga anak.
At sa palagay niya, ang ate naman niya ang nangangailangan ng tulong. Kaya agad niyang tinulungan ang ate na mag-impake upang makaalis na sa bahay na iyon. Napag-alaman din niyang matagal na palang nagkakaproblema ang mag-asawa, at ang banta nito sa kaniyang ate, ay tuluyang ilalayo ang mga anak mula sa kaniya.
“Nasaan na ngayon ang mga bata?”
“Nasa Mama niya…”
Naging matagumpay naman ang pagtakas. Sinampahan naman ng kaso ni Tricia ang kaniyang asawa at tumayong saksi si Maan sa husgado. Hindi naging madali ang naging salpukan nila dahil makapangyarihan at mayaman ang napangasawa nito.
Sa huli, mismong mga anak ni Tricia ang pumili sa kaniya nang tanungin kung kanino nila gustong manatili. Sa bibig na rin mismo ng mga bata nanggaling na lagi nilang nakikitang sinasaktan ng kanilang Papa ang kanilang Mama. Doon pa lang, malaking puntos na ito sa korte.
At nanalo nga si Tricia sa kaniyang pakikipaglaban. Napunta sa kaniyang kustodiya ang mga anak. Sa huli, sa awa ng Diyos ay pumayag na rin ang asawa nito para sa annulment ng kanilang kasal.
Ipinangako ni Maan sa kaniyang sarili na ito na ang pagkakataon para makabawi sa lahat ng sakripisyo ng kaniyang Ate Tricia para sa kanilang pamilya. Hinding-hindi niya ito iiwanan.

Naiinip na ang Dalaga sa Balak ng Nobyo na Pagpapakasal Nilang Dalawa Dahil ‘Di na Rin Naman Sila Bumabata; Paano Kung Bigla Siyang Alukin ng Kasal ng Ex Niya?
