
Hindi Itinataboy ng Matandang Dalaga ang Babaeng Gusgusin Kapag Nagtutungo Ito sa Kaniyang Karinderya Upang Humingi ng Makakain; Ano Kayang Biyaya ang Maisusukli Nito sa Kaniya?
“Alis! Alis! Mamalasin ang paninda namin! Alis!”
Narinig ni Thelma, 42 taong gulang na isang matandang dalaga, ang kaniyang kasambahay na si Osang, 18 taong gulang, na muling itinataboy ang babaeng gusgusing madalas na tumatambay sa kanilang karinderya. Madalas kasi itong tumatambay sa harapan, humihingi ng pagkain. Naiilang naman ang mga kumakain lalo’t masangsang ang amoy ng babae.
“Osang, ako nang bahala… huwag mo siyang paalisin,” utos ni Thelma sa kaniyang kasambahay na galing sa Iloilo.
Nilapitan ni Thelma ang babaeng gusgusin na tila may sira sa pag-iisip. Iniabot ni Thelma ang isang supot na punumpuno ng mga pagkain. Ngumiti naman nang pagkaluwang-luwang ang babae na kilala sa tawag na “Ula” halaw sa pelikula noong araw. Saka ito nagtatatakbong paalis.
“Hay naku Ate, buti napagtitiyagaan ninyo ang babaeng iyon na bigyan-bigyan ng pagkain,” saad ni Osang sa kaniyang amo.
“Oo naman, tao rin ‘yan, ano ka ba. Hindi dapat nating ituring na iba. Kung may pera lang sana ako, alam mo, ipagagamot ko siya…” malungkot na saad ni Thelma. Nakita niyang sumalampak na ito sa semento at nagsimulang kumain.
Bagama’t walang nakaaalam kung saang bayan nagmula si Ula, matagal na itong pagala-gala sa kanilang lugar, at madalas ay nangangalkal ng mga basura, namimitas ng mga bulaklak, o kaya naman minsan ay maingay ito at tila ba may hinahanap. Walang makapagsabi kung bakit nawala sa katinuan si Ula, subalit hindi naman ito nananakit.
Isa si Thelma sa mga nananaway sa mga batang pinaglalaruan at pinagtatawanan si Ula. Minsan, binubuhusan ito ng mga bata ng tubig para raw maligo. Kaya naman, tila malapit ang loob ni Ula kay Thelma; sa tuwing makikita siya, ngumingiti ito nang ubod-luwang, litaw ang madidilaw at sira-sirang ngipin.
Minsan, tinangka niyang tanungin si Ula kung ano ang tunay na pangalan nito at kung saan ito nakatira. Tumuro lamang sa langit si Ula at nagtawa nang nagtawa.
“Basta Ula, bibigyan kita ng pagkain subalit huwag kang manggugulo sa karinderya ko ha, lalo na ang mga kumakain,” laging pinapaalala ni Rowena sa babae. Tila naunawaan naman ito ni Ula kaya tuwing umaga, dumaraan ito sa karinderya. Si Thelma naman, naghahanda na ng plastik na naglalaman ng iba’t ibang mga pagkain, na sasapat sa magdamag ng kaawa-awang babae.
Hanggang isang araw, hindi nagpunta si Ula sa kaniyang karinderya. Dumaan ang limang araw, isang linggo, dalawa hanggang isang buwan, subalit walang Ulang nagtutungo sa kaniya upang humingi ng pagkain.
“Ano kayang nangyari sa babaeng iyon?” nag-aalalang tanong ni Thelma.
“Baka dinala na sa mental hospital Ma’am,” sagot naman ni Osang habang naghahanda ito para sa kanilang mga paninda.
Mas mainam kung gayon dahil tiyak na maaalagaan, mababantayan, at baka mapagaling pa si Ula. Sana nga ay ganoon.
Makalipas ang siyam na buwan at hindi na nga nagparamdam si Ula. Ngunit isang gabi, habang nagsasarado ng karinderya si Thelma, biglang natawag ang kanilang pansin ng isang babaeng gusgusing umiiyak, na tila ba nasasaktan. Si Ula! Subalit napadako ang kanilang pansin sa malaking tiyan nito.
“Buntis? Naku, at mukhang manganganak na Ma’am!”
Tiyak na napagkatuwaan ito ng kung sinumang mga hayok na lalaki sa kalsada, at heto na nga, nagdalantao ang kaawa-awang si Ula. Subalit pumutok na ang panubigan ni Ula at humandusay na ito sa labis na sakit na nararamdaman. Nataranta si Thelma. Inutusan niya si Osang na tumawag ng tulong.
Maya-maya, lumabas na ang sanggol sa sinapupunan ng kaawa-awang babaeng wala sa katinuan. Kagaya ng madalas nitong ginagawa, ngumiti ito nang ubod-tamis kay Thelma nang masilayan siya, hanggang sa panawan na ito ng ulirat. Saka dumating ang ambulansya at dinala si Ula sa pagamutan, subalit huli na ang lahat. Binawian ito ng buhay.
Samantala, ang sanggol naman ni Ula ay naiwan sa pangangalaga ni Thelma. Wala namang kamag-anak si Ula dahil nga sa kalagayan nito, at imposibleng may nobyo ito na siyang ama ng anak nito. Mahirap namang tukuyin kung sino ang ama ng bata, lalo na kung pinagsamantalahan lamang si Ula.
Ipinasya na lamang ni Thelma na kupkupin ang bata at ituring na tila isang tunay na anak, lalo’t wala naman siyang sariling asawa at mga anak, bagay na pinili rin niyang mangyari matapos ang isang matinding heartbreak na idinulot sa kaniya ng dating karelasyon.
Nagpapasalamat sa Diyos si Thelma dahil napagtanto na niya ngayon kung bakit nilingap nitong magkakilala sila ni Ula. May layunin pala ang lahat. Ipinangako niya kay Ula na mamahalin niya ang anak nito bilang sarili niyang dugo at laman.