
Sa Tatlong Taong Pagsasama sa Iisang Bubong ay Natuklasan ng Babae ang Pagiging Batugan ng Nobyo; Ito Ba ang Magiging Dahilan ng Kanilang Paghihiwalay?
“Athan, puwede bang pakitulungan ako sa pagsasampay?”
Walang reaksyon. Patuloy lamang sa pagdutdot sa kaniyang cellphone si Athan, naglalaro ng mobile games. Nakasalpak sa mga tenga nito ang malaking headset. Napabuntung-hininga na lamang si Rowena. Nilapitan niya ang live-in partner at tinanggal ang malaking bagay na nakasalpak sa mga tenga nito.
“Hoy… may sinasabi ako sa iyo…”
Napabalikwas naman si Athan at buong ngiting hinarap si Rowena. “Yes dear?”
“Yes dear, yes dear ka diyan! Sabi ko, tulungan mo muna akong magsampay ng mga nilabhan ko! O ikaw na kaya magsampay! Puwede magpahinga muna ko?”
Sumaludo si Athan, inilapag ang cellphone, at saka nagtungo sa laundry area upang sundin ang kaniyang “hilaw” na kumander.
Sa loob ng tatlong taon, laging ganito ang sitwasyon nina Athan at Rowena. Kung susumahin, limang taon na silang magkarelasyon. sa ikatlong taon, pinili na nilang magsama. 29 na taong gulang si Rowena at 26 naman si Athan. Pareho silang may trabaho, subalit mas malaki ang suweldo ni Rowena. 90% ng mga dates nila noon, siya ang gumagastos, kaya kinasanayan na ito ni Athan, hanggang sa sila ay magsama.
Kahit na ganoon, sinasarili na lamang ni Rowena ang mga hinanakit niya kay Athan. Sadya ngang malalaman mo ang tunay na katangian ng isang tao kapag nakasama mo na siya sa iisang bubong. Napansin niyang batugan si Athan pagdating sa mga gawaing-bahay, at halos lahat ay nakaasa lamang sa kaniya. Mahilig itong maglaro ng mobile games na laging pinagmumulan ng kanilang pag-aaway.
Kahit na ganito si Athan, hindi naman siya nito pinagbuhatan ng mga kamay. Susunod naman lalo na kapag umuusok na ang ilong ni Rowena sa inis. Malambing din naman ito kahit paano, kaya naman tumitiklop din si Rowena sa simpleng karinyo nito. Mahal niya ang kaniyang nobyo kahit na may pagkapasaway pagdating sa kasipagan sa mga gawaing-bahay.
Ngunit sa madalas na pagkakataon, napapaisip din si Rowena. Tama pa ba ito? Kadalasan kasi, siya talaga ang gumagastos sa bahay (siya na nga sa mga gawaing-bahay, hindi ba?) pagdating sa grocery at pagbabayad ng utility bills. Katwiran ni Athan, nagpapadala ito ng pera sa kaniyang mga magulang. Ngunit sa loob-loob naman ni Rowena, kahit hindi naman sila kasal ni Athan, may karapatan naman siguro siyang mag-demand dito na hatian siya sa gastos sa bahay, dahil live-in partner nga sila.
Lalong nagngitngit ang kalooban ni Rowena nang bumili ng motorsiklo si Athan, at nakiusap itong hatian siya sa paghuhulog buwan-buwan.
“Grabe ka naman sa akin! Ikaw naman ang bumili niyan bakit hindi ikaw ang magbayad nang buo? Alam mo namang ako ang gumagastos dito sa bahay,” himutok ni Rowena.
Alam mo namang ako lang din ang inaasahan nina Mama at Papa. Yung suweldo ko sa kanila rin napupunta. Ikaw eh, wala ka namang binibigyan,” saad ni Athan.
Hindi na nakapagtimpi pa si Rowena.
“Alam mo Athan, kung ganiyan lang din ang magiging buhay ko sa iyo, mas mabuti pa maghiwalay na lang tayo! Hindi pa man tayo mag-asawa ganiyan na ang ginagawa mo. Tutal naman, hindi ka pa rin makaalis sa anino ng pamilya mo, eh ‘di bumalik ka na sa kanila!” galit na sabi ni Rowena.
“Ang sakit mo naman magsalita! Mapanumbat ka na ngayon? Mayabang ka kasi ikaw ang gumagastos dito sa bahay?” galit na sabi ni Athan.
Nabigla si Rowena. Hindi niya inasahang sasagot nang ganoon si Athan.
“Ang hirap kasi sa iyo, masyado kang bilib sa sarili mo! Una pa lang ipinaramdam mo na sa akin na ikaw ang may kontrol sa relasyon natin. Hindi ba nga’t ikaw ang sumasagot sa mga dates natin dati, dahil katwiran mo mas malaki ang suweldo mo kaysa sa akin? Ipinaramdam mo sa akin noon pa lang na wala akong kuwenta! Hindi mo ipinararamdam sa akin na ako ang lalaki, at ako ang dapat na maging lider ng bahay na ‘to!”
Natigilan si Rowena sa mga rebelasyon ni Athan.
“Sa tuwing nagbibigay naman ako rito sa bahay, sasabihin mo sa akin na huwag na at baka kulang pa sa akin, o baka hindi ako makapagbigay kina Mama at Papa. Mabuti pa nga sila eh, mabait at responsableng anak ang tingin nila sa akin. Eh ikaw? Pati mga libangan ko pinapakialaman mo. Pero ako ba, hinayaan mong pakialaman ka? Lagi mo namang sinasabing kaya mo. Hindi mo ko binibigyan ng pagkakataong tulungan ka.”
At tuluyan na ngang nag-impake si Athan at bumalik sa kaniyang mga magulang. Inisip din ni Rowena ang mga sinabi ni Athan, kung totoo nga bang naiparamdam niya sa live-in partner ang mga kakulangan nito bilang isang lalaki. Nasuri niya sa kaniyang sarili na may punto naman ito.
Subalit masisisi ba niya ang kaniyang sarili kung nababagalan siya sa mga aksyon nito? Na parang walang planong matino? Ni hindi nga niya alam kung may balak ba itong iharap siya sa dambana.
Kinabukasan, bumalik si Athan.
“Patawarin mo ako sa mga nasabi ko, Rowena. Totoo naman ang mga sinabi mo. Wala akong kuwentang lalaki. Hindi ako kagaya ng iba, na alam at may plano na para sa kanilang magiging kinabukasan. Pero sana payagan mo akong makabawi sa iyo. Mahal na mahal kita.”
Napaiyak si Rowena. Naramdaman niyang handa niyang bigyan ng pagkakataon si Athan upang patunayan ang sarili nito sa kaniya.
“Patawarin mo rin ako kung naipaparamdam ko sa iyo ang mga kakulangan mo. Lalaban tayo at sabay nating aayusin ang mga kakulangan natin sa isa’t isa.”
At iyon na nga ang simula nang pagkakaayos ng relasyon nina Rowena at Athan. Napagtanto nilang sa isang relasyon, hindi lamang sapat na laging magkasama, kundi kailangang magkaroon ng malinaw at bukas na pakikipag-ugnayan sa isa’t isa.

Hindi Itinataboy ng Matandang Dalaga ang Babaeng Gusgusin Kapag Nagtutungo Ito sa Kaniyang Karinderya Upang Humingi ng Makakain; Ano Kayang Biyaya ang Maisusukli Nito sa Kaniya?
