
Tinulungan na nga ng Matandang Babae ang Dalawang Lalaki ay Siya pa ang Ninakawan ng mga Ito; Matinding Parusa Pala ang Kanilang Sasapitin
Alas sais na ng umaga kaya nagmamadali nang bumangon si Manang Goreng sa higaan. Magtitinda pa siya ng mais at mani na kaniyang inilalako sa pamamagitan ng kariton.
“Goreng, narito ang baon mong tubig at pagkain para hindi ka magutom at mauhaw sa daan,” sabi ng asawang si Mang Selmo.
Mula nang maaksidente sa pinagtatrabahuhang construction site ang mister at hindi na nakalakad ay nasa bahay na lang ito at binabantayan ang kanilang munting tindahan ng kakanin at palamig. Hindi rin sila biniyayaan ng anak kaya silang dalawa na lang ang magkasama. Dahil sa hindi sapat ang kinikita nila roon para sa pang-araw-araw nilang pamumuhay ay naisip ni Manang Goreng na umekstra sa paglalako ng mais at mani.
“Salamat, mahal ko. Tutuloy na ako para maaga akong makauwi,” tugon ng matandang babae saka itinulak ang dalang kariton.
Mainit ang panahon ngunit hindi iyon alintana ni Manang Goreng. Ang mahalaga ay ang kumita ng pera kaya kahit tagaktak na ang pawis ay tuloy pa rin siya sa paglalako.
“Sana naman ay maagang maubos ang mga paninda ko, para maaga akong makabalik sa bahay,” bulong ni Manang Goreng sa sarili.
Apat na oras na siyang naglalako sa kalsada at naging maganda naman ang kita niya. Maraming bumili sa mga paninda niya at malaki-laki ang kinita niya.
“Diyos ko, salamat po sa biyayang ito. Sana ay araw-araw na ganito kalakas ang benta ko,” aniya sa isip.
Maya-maya ay may nakasalubong siyang dalawang lalaki. Ang isa ay may katangkaran at may bigote sa mukha samantalang mataba at maitim naman ang isang lalaki. Bigla siyang tinawag ng mga ito.
“Ale, ale, halika rito!”
Huminto sa paglalakad ang matanda at nagtanong din.
“Bakit mga hijo? Bibili ba kayo ng paninda ko?”
“Oho. Pagbilhan niyo nga kami ng dalawang nilagang mais at dalawang supot ng ginisang mani,” wika ng matabang lalaki.
Natuwa si Manang Goreng dahil dagdag na naman iyon sa kikitain niya.
“Sige, teka lang at ibabalot ko sa plastik ang mais at mani na binili ninyo.”
Habang nagtatakal ng mani ay laking gulat niya nang biglang nawalan ng malay ang isang lalaking may katangkaran.
“Larry, Larry, anong nangyari sa iyo, pare?!” natatarantang sabi ng matabang lalaki sa kasama.
“Diyos ko, ano bang nangyari sa kaniya?” tanong ni Manang Goreng at nilapitan ang dalawang lalaki.
“Hindi ko rin po alam kung bakit siya nawalan ng malay,” tugon ng lalaki.
“Ipinaypay ng matanda ang hawak na karton sa hinim*tay na lalaki.
“Pakikuha mo nga hijo ‘yung dala kong tubigan sa aking kariton. Subukan kong painumin nang tubig itong kasama mo baka bumalik sa ulirat,” aniya sa kasama nito.
Agad namang sumunod ang lalaki at kinuha sa kariton ang lalagyan ng tubig.
Akmang ipapainom na niya ang laman niyon ay biglang nagising ang matangkad na lalaki.
“A-anong nangyari sa akin?” tanong nito na pupungas-pungas pa.
Laking tuwa naman ng kasama nitong lalaki.
“Mabuti naman pare at nagising ka na. Nawalan ka ng malay kanina, eh.”
“G-ganoon ba, Pareng Ernie? S-siguro ay nahilo lang ako sa matinding gutom. Hindi kasi ako kumain nang almusal kanina,” sambit ng lalaki.
“Salamat naman at maayos na ang lagay mo, hijo. Sa susunod ay huwag kang magpapalipas ng gutom. Sigurado ka bang ayos na ang pakiramdam mo? Gusto mong dalhin ka namin sa ospital?” tanong ni Manang Goreng.
“Naku, huwag na po, maayos na po ang lagay ko. Nahilo lang po talaga ako,” pagtanggi ng lalaki.
“Ang mabuti pa ay mauna na tayo, pare. Maraming salamat po, ale, sa tulong,” wika naman ng isa pang lalaki.
“Teka, ‘yung binili niyong mais at mani, kukunin ko!” sabi ni Manang Goreng.
“Hindi na po pala kami bibili. Nakalimutan po kasi naming magdala ng pera. Pasensiya na po, sa susunod na lang ulit.”
“Huwag niyo nang bayaran. Bigay ko na ‘yan sa inyo. Tanggapin niyo na,” sambit ng matanda habang iniabot sa dalawang lalaki ang plastik na may lamang mais at mani.
Nagpasalamat muli ang mga ito sa kaniya at dali-dali nang umalis.
Naalala ni Manang Goreng na naiwan niya sa kariton ang maliit niyang bag na naglalaman ng mga kinita niya sa araw na iyon at nang silipin niya ay nabigla siya nang makitang wala na roon ang halos dalawang libong pisong kinita niya.
“N-nawawala ang mga perang kinita ko? N-ninakawan ako!” wika niya sa sarili.
Halos mapaiyak siya sa sama ng loob dahil alam niya kung sino ang may kagagawan sa pagkawala ng mga kinita niya.
“Ako na nga ang nagmagandang loob, ako pa ang ninakawan,” hagulgol ng matanda.
Sa ‘di kalayuan ay walang paglagyan ang katuwaan ng magkaibigang Larry at Ernie dahil may nabiktima na naman sila.
“Paniwalang-paniwala naman ‘yung g*gang matanda. Ang akala niya ay totoong nawalan ka nang malay,” bungisngis ni Ernie.
“Ang hindi niya alam ay nahulog siya sa pain natin. Dalawang libo rin itong nakuha natin sa aleng ‘yon,” tugon naman ni Larry.
“Dami talagang uto-uto sa mundo,” sabad pa ng kaibigan at sabay silang nagtawanan.
Mga beteranong magnanakaw pala ang dalawa. Nagkukunwari silang nawawalan nang malay para pakagatin ang kanilang biktima pagkatapos ay pagnanakawan. Malas lang si Manang Goreng dahil ito ang nabiktima nila.
Sa sobrang kagalakan ng dalawang buhong ay hindi nila namalayan na natapakan nila ang live wire na nakaharang sa kanilang daraanan at sila ay nakuryente. Kung mabilis ang dating sa kanila ng pera dahil sa kasamaang ginawa nila ay gayon din kabilis ang singil ng karma na naghatid sa kanilang katapusan. Kapwa de@d on arrival sa ospital sina Ernie at Larry.
Samantala, habang lulugu-lugo si Manang Goreng habang pauwi sa kanilang bahay at mugto ang mga mata ay may napansin siyang maliit na supot na nakalagay sa kaniyang kariton.
“Aba, hindi naman sa akin ito, ah! Kanino kaya ito?”
Nang buklatin niya ang supot ay laking gulat niya dahil ang laman niyon ay dalawang pares ng antigong hikaw.
“Diyos ko, kanino kaya ang mga ito? Bakit ito napunta sa kariton ko? Siguradong mahal ang mga hikaw na ito dahil antigo,” sambit niya sa sarili.
Dahil sa hindi naman niya ugaling angkinin ang hindi sa kaniya ay minabuti niyang isauli iyon sa malapit na istasyon ng pulis.
Nang dinala niya roon ang nakuha niyang mga hikaw ay ‘di niya inasahan na naroon din ang may-ari ng mga iyon na sinabing ninakaw ang mga antigong hikaw ng dalawang lalaki. May ipinakitang mga litrato ang mga pulis at nang mamukhaan ng mayamang babae ang mga nagnakaw ng hikaw niya ay ikinagulat din ni Manang Goreng kung sino ang mga ito. Ang dalawang lalaki sa litrato ang magkaibigang sina Ernie at Larry na nagnakaw din sa kaniyang mga kinita sa paglalako. Ang hindi alam ng matanda ay nahulog sa bulsa ni Ernie ang supot na naglalaman ng ninakaw nitong antigong hikaw sa mayamang babae na naunang nabiktima ng mga ito nang ilagay ng lalaki sa bulsa ang perang ninakaw sa kaniya. Walang kamalay-malay ang dalawang buhong na napunta sa kariton niya ang mga hikaw.
Nalaman na rin nila na pumanaw na ang dalawang magnanakaw dahil sa aksidenteng nakuryente ang mga ito sa naapakang live wire. Napanatag na si Manang Goreng at ang babae dahil nakamtan din nila ang hustisya sa ginawa ng mga ito sa kanila.
Dahil naman sa ginawa ni Manang Goreng na pagsasauli ng antigong hikaw ay binigyan siya ng mayamang babae ng pabuya. Ibinalik nito ang perang nawala sa kaniya, tripleng halaga pa ang ibinigay nito sa kaniya kapalit ng pagmamagandang loob niya.
Palaging tatandaan na ang paggawa ng hindi tama ay may kapalit na parusa at ang paggawa ng kabutihan ay may kapalit na biyaya.