
Nang Pumunta ang Mag-Anak sa Isang Restaurant ay Hindi Sila Pinagbayad sa Kanilang Kinain; Ikinagulat Nila ang Dahilan
“Papa, gutom na ako!” ingit ng anak ni Paul na si Mean.
“Malapit na tayo sa restaurant, anak. Makakain mo na ang paborito mong fried chicken,” sagot ng lalaki na kinarga na ang bunsong anak.
“Naku, kaya lumalaking spoiled ‘yang batang ‘yan, eh,” sabi naman ng asawang si Roxanne.
“Papa, ako rin po, nagugutom na. Gusto ko na pong kumain ng spaghetti,” hirit ng panganay nilang anak na si Janet.
“Hindi lang spaghetti ang makakain mo, anak. Lahat ng gusto niyong kainin ay puwede. Kaunting tiis na lang at malapit na tayo,” tugon ng lalaki.
Buong araw na namasyal ang mag-anak sa mall kaya nakaramdam na ng gutom ang mga bata. Alas dose na rin kasi ng tanghali kaya oras na para mananghalian sila.
“O, narito na tayo! Sabi ng mga kasamahan ko sa trabaho ay masarap daw ang mga pagkain sa restaurant na ito,” wika ni Paul.
“Ngayon lang ako nakapunta rito, honey. Bagong kainan ba ito rito?” tanong ng asawa.
“Oo raw. Bukod sa mura ay masasarap pa raw ang mga pagkain sa restaurant na ‘yan. Tara na at gutom na rin ako!”
Sabik na umupo ang mag-anak sa bakanteng mesa na nasa unahan ng counter.
“Maganda nga ang ambience dito, honey. At maraming taong kumakain, ibig sabihin ay mabenta talaga ang mga inihahanda nila rito,” sambit ni Roxanne.
“Papa, gusto ko nang kumain ng fried chicken!” sabad ng anak na si Mean.
“Ito na at o-order na ako. Waiter!” aniya sabay tawag sa lalaking waiter.
Sinabi nila ang kani-kanilang order sa waiter at ilang minuto lang ay inihain na sa kanila ang kaniya-kaniya nilang pagkain.
“Wow, amoy pa lang ay nakakagana na!” sabi ni Roxanne.
“Mukhang masarap po itong spaghetti! At itong kaldereta nila, tila may halong gata ,” ani Janet.
“Sabi ko sa inyo, eh, amoy at presentasyon pa lang ay katakam-takam na ang mga pagkain dito. Pati nga boss namin sa opisina ay dito rin kumakain,” sagot ni Paul.
Bago nila sinimulan ang pagkain ay nagdasal muna ang buong mag-anak.
“Bless us, O Lord, and these thy gifts, which we are about to receive, from thy bounty, through Christ, Our Lord, Amen,” sabay-sabay na dasal ng pamilya nina Paul sa malakas na boses.
Pagkatapos na makapagdasal ay pinagsaluhan na nila ang masasarap na pagkaing kanilang inorder.
“Ang sarap nga ng fried chicken nila dito, papa!” tuwang-tuwang sabi ni Mean.
“Oo nga po, papa, sa susunod ay dito po ulit tayo kumain ha?” sabad naman ni Janet.
“Tama ka, honey. Masarap nga ang mga pagkain nila rito. Kahit pa mahal ang hingin nilang bayad ay ayos lang. Deserve na deserve ng restaurant na ito na dayuhin ng mga kustomer,” sambit naman ng asawa.
Matapos nilang kumain ay muli silang nagdasal at nagpasalamat sa kanilang kinain. Maya-maya ay hiningi na ni Paul sa waiter ang kanilang bill ngunit laking gulat niya nang pabulong na sinabi nito na wala na raw silang babayaran.
“Ano? W-wala kaming babayaran sa mga kinain namin?! B-bakit?!” nagtatakang sabi ni Paul sa lalaking waiter.
“Hindi na po pinabayaran sa inyo ng may-ari nitong restaurant ang kinain niyo, sir,” sagot ng lalaki.
“B-bakit hindi niya pinabayaran sa amin?” tanong din ni Roxanne.
“Natuwa po kasi ang may-ari nitong restaurant sa ginawa niyong pagdarasal kanina bago kumain. Ang may-ari po nitong kainan ay isang pari, nakita at narinig niya po kayong sabay-sabay na nagdarasal kanina kaya natuwa po siya sa inyo at hindi na pinabayaran ang inyong mga kinain. Ang sabi po niya ay bihira na siyang makarinig o makakita ng pamilyang sabay-sabay na nagdarasal bago at pagkatapos kumain. Kayo nga lang daw po ang nakita niyang gumawa niyan dito sa restaurant kaya lubos siyang nagagalak sa ginawa ninyo,” hayag ng waiter.
Nag-iwan pa nga ng sulat ang may-ari ng restaurant bago ito umalis. Binasa nila ang nilalaman niyon.
“Thank you for not being ashamed of your faith.”
From Fr. Raymond Ledesma
Hindi makapaniwala ang mag-anak. Nang dahil sa kanilang pagdarasal ay nakalibre pa sila ng pagkain.
“Thank you po, Lord!” masayang sambit nina Janet at Mean na tuwang-tuwa nang malamang libre ang kanilang kinain.
“Lubos naman ang ginawang pasasalamat ng mag-asawang Paul at Roxanne sa paring may-ari ng restaurant sa ginawa nito. Nangako sila na babalik ulit doon para makilala ang mabait na pari.
Ang pamilya nina Paul ang patunay na mayroon pa ring mga tao na alam ang kahalagahan ng pagdarasal bago at pagkatapos kumain na tila nakakalimutan na ng nakararami sa kasalukuyang panahon. Matutong magpasalamat sa biyayang ibinigay sa atin sa araw-araw ng ating Lumikha.