
Ibinulong ng Babae ang Kaniyang Kahilingan sa Yumaong Kapitbahay; ‘Di Siya Makapaniwala na Agad Itong Matutupad
“Talaga ba? P*tay na si Mang Binoy?!” gulat na tanong ni Aira.
“Totoo nga, ateng. Binangungot daw sabi ng mga kapitbahay,” sagot naman ng kaibigang si Debbie.
“Ha? Ang akala ko’y ang sakit niyang diabetes ang dahilan kung bakit siya binawian ng buhay. Baka naman natulog siya nang busog kaya binangungot? Kawawa naman ‘yung matanda, mabait pa naman ‘yon.”
“Aba, malay ko ‘no! P-pero teka, ‘di ba matagal mo nang hinihintay na may mategi para maisakatuparan mo na ang iyong plano?” tanong pa ng makulit na kaibigan.
“Psst, huwag kang maingay baka may makarinig sa iyo! Susubukan ko lang naman, eh, wala namang mawawala,” wika ni Aira.
Agad silang nakibalita sa mga kapitbahay kung saan at kailan ibuburol ang yumaong si Mang Binoy. Napag-alaman nila na ilalagak ang labi nito sa sariling bahay at doon paglalamayan.
Nang nagsimula na ang lamay ay pinuntahan ng magkaibigan ang bahay ni Mang Binoy. Pagdating nila roon ay bumungad sa kanila ang pamilya, mga kamag-anak, at malalapit na kaibigan ng matandang lalaki.
“Nakikiramay po kami, Aling Azon,” sabi nina Aira at Debbie sa maybahay ni Mang Binoy.
“Salamat mga ineng. Tuloy kayo! Maupo muna kayong dalawa at magkape,” tugon ng matandang babae.
Pinili ni Aira na sa harap mismo ng kabaong ng yumao sila umupo ni Debbie. Maya-maya ay inalok din sila ni Aling Azon ng tinapay at biskwit.
Luminga-linga muna si Aira sa paligid bago isakatuparan ang balak niya. Nang mapansing abala ang mga nakikipaglamay sa pakikipag-usap sa pamilya ng yumao ay tumayo na siya sa kinauupuan at nilapitan ang kabaong. Sinilip niya iyon at nakita niya si Mang Binoy na payapa nang nagpapahinga. Hindi naman siya nakaramdam ng takot dahil kitang-kita niya na maaliwalas ang mukha ng matanda. Huminga muna siya nang malalim bago ipinikit ang mga mata.
“Ikinalulungkot ko po ang inyong pagpanaw, Mang Binoy. Hangad ko po ang inyong payapang paglalakbay patungo sa inyong paroroonan ngunit nais ko lamang pong isama niyo ang aking kahilingan sa pagtawid niyo sa kabilang buhay. Sana po ay magkaroon na ako ng trabahong may malaking sahod para malaki rin po ang maipadala kong pera sa pamilya ko sa probinsya,” sabi ni Aira sa harap ng labi ni Mang Binoy.
Nang biglang…
“Hoy, ateng! Tapos ka na ba? Umupo ka na rito at marami pang gustong sumilip kay Mang Binoy!” mahinang sambit ni Debbie.
Napasimangot si Aira sa sinabi ng kaibigan, ang lakas kasi ng boses nito ngunit dahil dumarami na rin ang mga taong nakikiramay sa burol ay napilitan na siyang umupo.
“O, ano, naibulong mo na ba ang hiling mo?” urirat pa ng kasama.
“Tapos na kaya halika na, alis na tayo! Dumarami na ang mga tao,” yaya niya.
Matapos nilang magpaalam sa pamilya ni Mang Binoy ay nagmamadali na silang bumalik sa tinutuluyan nilang apartment.
Kinagabihan, panatag na si Aira na natupad na ang matagal na niyang plano na ibulong sa taong namayapa ang personal niyang kahilingan. Naniniwala kasi siya na isinasama ng yumao sa kabilang buhay ang anumang hilingin sa pamamagitan ng pagbulong at ito’y nagkakatotoo.
“Wala namang masama sa ginawa ko. Kung magkatotoo man o hindi ay okay lang, basta natupad ko na ang gusto kong gawin. Para naman iyon sa pamilya ko,” wika ni Aira sa sarili habang nakahiga sa kaniyang kama.
Nang sumunod na araw, isang tawag ang natanggap niya.
“Hello?” aniya nang sagutin niya ang tawag sa cell phone.
“Ito po ba si Ms. Aira Velasco?” tanong ng boses ng isang babae sa kabilang linya.
“Ako nga po. Sino po sila?”
“Ako si Betty Real from LDC Marketing. Inaanyayahan kita para sa isang interview bukas ng umaga. Ito ay para sa Executive Assistant position na inaplayan mo sa kumpanya namin,” sagot ng kausap.
Napamulagat si Aira dahil tinawagan siya ng isa sa mga kumpanyang inaplayan niya. Sinabi niya na pupuntahan niya ang interview. Nag-apply siya sa kumpanyang iyon dahil malaki ang sahod. Malaki ang maitutulong niyon kung sakaling matanggap siya sa trabaho. Makakapagpadala na siya ng malaking pera sa mga magulang niya at mga kapatid sa probinsya. Nagkasakit kasi ang kaniyang ama at hindi na nakakapagtrabaho, mahina na rin ang katawan ng nanay niya kaya hindi na makapaghanapbuhay. Ang mga kapatid naman niya ay mga bata pa at nag-aaral kaya pursigido siyang kumita ng malaki para sa mga ito.
Nang puntahan niya ang opisina sa Makati para sa interview ay hindi niya akalaing mabilis siyang makakapasa sa interview at matatanggap sa posisyong inaplayan niya. Agad siyang pinapirma ng kontrata at nagsimula na sa trabaho kinabukasan.
Laking pagtataka rin niya na bukod sa malaking sahod sa kumpanyang pinapasukan ay mababait din ang mga kasama niya sa trabaho lalung-lalo na ang boss niyang si Mr. Anthony Ramiro na bukod sa mabait na ay guwapo pa.
Ikinuwento niya sa kaibigang si Debbie ang mga magagandang nangyayari sa kaniya.
“Nagkatotoo na ang hiling ko, Debbie. Sadyang tunay nga na tinutupad ang anumang kahilingan kapag bumulong sa p*tay!” tuwang-tuwang sabi niya.
“Talaga? Naku, magpasalamat ka kay Mang Binoy, kung hindi dahil sa kaniya ay hindi matutupad ang hiling mo,” tugon ng kaibigan.
Sa labis na pasasalamat sa yumaong matanda ay araw-araw niyang inaalayan ng bulaklak ang puntod nito sa sementeryo. ‘Di niya akalain na magkakaroon agad ng katuparan ang hiling niya.
“Maraming salamat, Mang Binoy. Utang ko sa iyo ang lahat ng nangyayari ngayon sa buhay ko. Promise, araw-araw ko kayong hahandugan ng mga bulakalak,” aniya.
Ngunit isang araw, sa pagdalaw niya sa puntod ng matanda ay may nakita siyang sobre at ikinagulat niya kung kanino nakapangalan iyon.
“Ha? Para sa akin?!”
Nakasulat kasi ang pangalan niya sa sobre at nang buksan niya iyon ay mas lalo niyang ikinagimbal ang nabasa niya.
“Kung gusto mong malaman ang totoong nangyayari sa buhay mo ay magkita tayo sa harap ng plaza sa likod ng sementeryo.”
“Diyos ko, kanino galing ang sulat na ito?!”
Biglang kinilabutan si Aira sa nabasa niya ngunit dahil sa kuryosidad ay lakas-loob niyang pinuntahan ang lugar na sinabi sa sulat. Gusto niyang malaman kung ano ang ibig sabihin na malalaman niya ang katotohanan sa mga nangyayari sa kaniya.
Alas siyete ng gabi nang makarating siya sa tagpuan. Maya-maya ay dumating na ang taong ‘di niya inasahan.
“S-sir Anthony?!” gulat niyang sabi nang makita ang kaniyang boss.
“Ako nga, Aira. Ako ang nagpapunta sa iyo rito at ako ang sumulat ng liham sa iyo,” wika ng binata.
“T-teka, sir, hindi ko po maintindihan. Ano po ang ibig niyong sabihin sa sulat? At bakit niyo iyon iniwan sa puntod ni Mang Binoy?” sunud-sunud niyang tanong.
“Dapat mo nang malaman ang katotohanan, Aira. Hindi totoo na natupad ang hiling mo sa ginawa mong pagbulong kay Mang Binoy, ang totoo ay naroon ako nang gabing iyon. Matagal ko nang kaibigan ang anak ni Mang Binoy na si Brix. Nang pumunta ka sa lamay kasama ang kaibigan mo ay napukaw mo na agad ang puso ko. Hindi mo napansin na may lalaking nakaupo sa gilid ng kabaong ni Mang Binoy at narinig niya ang kahilingan mo. Ako ang lalaking iyon na hindi nawala ang pagkakatitig sa iyo dahil nang gabing iyon ay tumibok ang puso ko sa pinakamagandang babae sa burol na iyon,” bunyag ng lalaki.
“N-naroon ka? N-narinig mong lahat ang sinabi ko?!” gulat na tanong ni Aira na napatakip pa sa kaniyang bibig.
“Oo. Dinig na dinig ko dahil hindi ka naman bumulong, eh, ang lakas nga ng boses mo. Mabuti na lang at abala ang mga taong naroon sa pakikipagkwentuhan kundi ay narinig din ng ilan sa kanila ang sinabi mo kay Mang Binoy,” natatawang sagot ni Anthony.
“I-Ibig mong sabihin…”
“Laking gulat ko rin nang malaman kong nag-apply ka pala sa kumpanya ko bilang Executive Assistant. Nang dahil doon ay hindi na ako nag-aksaya pa ng pagkakataon na tanggapin ka sa trabaho at alukin ng malaking sahod gaya ng hiling mo. Ginawa ko iyon ‘di lang dahil sa gusto kong tuparin ang hiling mo, ginawa ko ‘yon para mapalapit sa iyo. Hindi ko na kayang ilihim pa sa iyo kaya naisip kong ipagtapat na sa iyo ang totoo,” hayag pa ng binata.
Hindi makapaniwala si Aira sa mga nalaman niya. Hindi pala totoong natupad ang hiling niya sa pagbulong sa taong namayapa na, kundi dahil tinupad iyon ng taong may lihim na pagtingin sa kaniya.
Dahil nakita ni Aira na malinis talaga ang hangarin ni Anthony sa kaniya ay pumayag siyang ligawan siya ng binata hanggang sa nahulog na rin ang loob niya rito at sila ay tuluyang naging magkasintahan. Malaki ang pasasalamat niya sa lalaki dahil bukod sa pagmamahal nito ay tinulungan siya nitong mabigyan ng maayos na buhay ang pamilya niya dahil sa pagbibigay nito ng trabaho at malaking sahod na sinuklian naman niya ng kahusayan at katapatan. Kahit pa nalaman na niya ang totoo ay hindi rin niya itinigil ang paghahandog ng mga bulaklak sa puntod ni Mang Binoy, pasasalamat din niya iyon sa matanda dahil ito rin ang naging daan para makilala niya ang lalaking nakalaan para sa kaniya.