
Dalawang Linggo Lamang Daw ang Itinatagal ng mga Naitatalagang Doktor sa Health Center ng Isang Liblib na Lugar; Makatagal Kaya ang Binatang Doktor na Ito?
“Dok Henry, wala na po tayong suplay ng mga alcohol…”
Nahinto sa pagsusulat si Henry sa sinabi ng nurse na si Angela. Nag-iimbentaryo ito ng mga medical supplies nila sa health center kung saan sila nakatalaga, sa isang napakaliblib na barrio sa isang lalawigan.
Hindi nag-atubili si Dok Henry. Inilabas niya ang pitaka. Humugot ng isang libong piso.
“Heto, bili na lang kayo kapag nasa bayan kayo.”
“Dok, grabe ka talaga. Abono na naman? Ikaw na talaga dok, Idol! Ibang klase ka po talaga,” maiiyak na sabi ni Angela. “Kayo lang talaga ang doktor na may malasakit sa mga tao rito sa barrio. Isa po kayong bayani.”
Napangiti lamang si Henry sa tinuran ng nurse. Bumalik na siya sa pagsusulat.
Galit na galit ang kaniyang ina nang malamang pumayag siyang magpatalaga sa Barrio Sapang Alat, sa pinakadulong baryo ng isang lalawigan. Hindi raw siya pinagdoktor para lamang magkawanggawa. Katwiran naman ni Henry, ang pagiging isang doktor ay isang bokasyon, higit pa sa pagiging isang propesyunal, na tanging pera lamang ang hangad.
“Huwag mong sabihin sa aking hindi kita binalaan, Henry. Mahihirapan ka sa gagawin mo. Alam mo namang imbes na kumita ang mga doktor na naitatalaga sa mga liblib na lugar, sila pa ang madalas na nag-aabono sa mga kagamitan at kailangan nila. Gugustuhin mo ba ‘yon?”
“‘Ma, bahagi po ito ng trabaho ko. Saka gusto ko naman po ang pagtulong sa aking kapwa, kaya wala tayong dapat na ipag-alala.”
Nang una niyang tapag sa maliit na health center ng naturang liblib na pook, hindi niya maiwasang hindi makaramdam ng panggigipuspos: kulang na kulang talaga sa mga pangunahing kagamitan gaya ng simpleng mga alcohol na lamang. Kuwento ng mga nurse at health workers na naroon, marami na raw sa mga doktor ang umalis na roon at hindi nakakatagal ng dalawang linggo.
Lumipas ang isang buwan. May mga sandaling nais na ring sumuko si Henry, subalit sa tuwing nakikita niya ang mga taong may matatamis na ngiti sa kanilang mga labi matapos ang konsultasyon sa kaniya, naiibasan ang mga kalungkutan at agam-agam na nararamdaman at pumupuno sa kaniyang puso. Pinipili niyang manatili.
“Dok, masanay ka na rito sa Sapang-Alat. Alat na alat tayo sa pera dito. Delay ang pagdating ng suweldo at pati na supplies. Saka yung mga pasyente natin, karamihan sa kanila walang kakayahang magbayad ng pera.”
Napatunayan naman ni Henry. Karamihan sa mga ibinabayad sa kaniya ng mga nagpapakonsulta sa kaniya ay iba’t ibang mga produktong agrikultural gaya ng isda, alimango, alimasag, mais, bigas, kamote, itlog, at maski inahing manok.
Wala namang problema kay Henry iyon. Ang mahalaga, nakakatulong siya.
Isang araw, isang matandang lalaki ang nagkosulta kay Henry. Sumasakit kasi ang kaniyang mga kasu-kasuan at daliri sa paa. Gout ang findings dito ni Henry. Niresetahan niya ang matanda ng mga gamot. Tila hiyang-hiya naman ang matanda.
“Dok Henry, wala po akong maipambibili ng gamot eh, titiisin ko na lamang po. Saka wala po akong pambayad sa inyo kundi ang aking kalabaw na ginagamit ko sa pagsasaka. Dala-dala ko po siya riyan sa labas. Maglalakad na lamang po ako pauwi,” sinserong pag-amin ng matandang lalaki.
“Naku ‘Tay, huwag na po ninyong intindihin ang bayad. Okay na po ‘yan. Baka lalo pa pong lumala ang gout ninyo kapag naglakad lang kayo. Heto po…” at dumukot si Henry ng limandaang piso. “Para po sa gamot ninyo.”
Hindi mapaglagyan ang kaligayahan at pasasalamat ng matanda kay Henry dahil sa kabutihang kaniyang ginawa para sa kaniya. Nasaksihan iyon ng kaniyang mga kasamahang nurses at health workers.
“Alam ninyo dok, akala namin, mga dalawang linggo lang din ang itatagal ninyo rito sa health center, kaya hindi kami makapaniwala na tatagal kayo ng isang buwan, at mukhang tatagal pa. Maraming salamat po dok sa pagdadala ng inspirasyon sa amin,” saad ni Angela.
Nangiti lamang si Henry, ngunit ang totoo, nalulungkot din siya sa kaniyang paglisan. Marami siyang natutuhan sa pamamalagi niya sa naturang health center.
Kaya naman lungkot na lungkot ang mga nurses at health workers sa paglisan ni Henry bilang doktor: itatalaga na kasi siya sa pinaka-ospital sa bayan. Dumagsa rin ang mga pasyenteng natulungan niya, na pinasalubungan siya ng kung ano-anong mga gulay, prutas, at pagkain. Kinailangan niyang umupa ng pampasaherong jeepney upang maiuwi ang lahat ng ito. Mangiyak-ngiyak sila dahil mawawalan na naman sila ng isang butihin at mapagmalasakit na doktor.
Tiyak na matutuwa ang kaniyang Mama kapag nakita ang kaniyang mga pasalubong sa kaniya.