
Pinagtatabuyan ang Matandang Palaboy sa Harap ng Restawran; Isang Babae ang Babalik at Magbabago ng Kaniyang Buhay
“Mang Horhe, baka pwedeng umalis na po muna kayo sa kinauupuan nyo. Kanina pa po nagrereklamo kasi ‘yung manager ng restawran. Marami daw kostumer na ayaw pumasok dahil naiilang sa inyo,” magalang na pakiusap ng pulis na si Lito sa matanda.
“Naiilang o nandidiri. Bakit? Pati ba itong lugar na ito’y nabili na rin nila? Hindi na pwedeng umupo ang isang matandang kagaya ko dito?” naiinis na sambit ni Mang Horhe habang pilit na itinatayo ang sarili sa pagkakasalampak sa sahig malapit sa nasabing restawran.
“Sige na po, Mang Horhe. Bawal din naman po ang mga istambay dito sa sidewalk. Pagbigyan nyo na ang manager ng restawran,” wika pa ng pulis.
“Kay yayabang ng mga iyan! Kala mo kung sino! Oo na! Aalis na ako! Hindi nyo na ako kailangan pang ipagtabuyan!” wika pa ng matandang pulubi.
Kilala na si Mang Horhe sa lugar na iyon dahil ilang dekada na ata siyang palaboy-laboy. Pilay din ang isang paa nito kaya iika-ika siyang maglakad. Dahil sa lansangan na nga nakatira ang matanda ay hindi na nito nagawa pang maglinis ng katawan.
Isa pa sa mga ugaling iniilagan ng mga tao ay lagi itong masungit. Tila lagi itong may ipinaglalaban. Kahit na palaboy ay mataas ang pride nito. Hindi ito basta na lamang humihingi ng tulong kung kani-kanino.
Ang alam ng mga nakakakilala kay Mang Horhe ay dati daw itong waiter at kusinero sa naturang restawran. Ngunit isang araw ay nadisgrasya ito. Ngunit imbis na tulungan siya ng pamunuan ng kaniyang pinagtatrabahuhan ay tinanggalan pa siya ng hanapbuhay.
Dahil may kapansanan na ay naging mahirap kay Mang Horhe na humanap pa ng trabaho. Hindi na rin siya nagkaroon pa ng sariling pamilya dahil ikinahihiya niya ang kaniyang kalagayan.
Palagi siyang bumabalik sa restawran na iyon upang hingin ang danyos na matagal na sanang ibinigay sa kaniya.
Lumayo ng bahagya si Mang Horhe sa restawran upang hindi na masita. Ngunit dahil hirap nga sa paglalakad at pagtindig ay umupo muli siya sa bangketa. Isang babae ang lumapit sa kaniya at siya ay kinausap.
“Nagugutom ka na ba, Mang Horhe? Gusto mo ay kumain tayo sa restawran na iyon?” tanong ng babaeng naka pormal na suot sabay turo sa restawran kung saan siya pinaalis.
Hindi umimik si Mang Horhe at tila walang narinig.
“Tara na, Mang Horhe. Alam kong hindi pa po kayo kumakain. Pumunta na tayo sa restawran na iyon para makakain ka na,” giit pa ng ginang.
“Tigilan mo nga ako! Ayaw ko ng kausap! Hindi ko alam kung wala ka lang talaga sa katinuan o kinukutya mo lang ang kalagayan ko! Tingin mo ba, papapasukin nila ang isang gaya ko sa ganyang klaseng lugar? Araw-araw nga akong pinapalayas ng mga ‘yan!” naiinis na sambit ni Mang Horhe.
“Ako ang bahala sa inyo, Mang Horhe. Tara na po at tutulungan ko na kayong tumayo. Kahit anong i-order nyong pagkain ay ayos lamang sa akin!” wika pa ng ale.
Ngunit mariing tumanggi si Mang Horhe at pilit na pinapaalis ang babae.
Nang mapansin ng pulis na si Lito ang nangyayari ay agad niyang nilapitan ang dalawa.
“May problema ba tayo dito?” tanong ng pulis.
“Wala naman po. Inaanyayahan ko lang si Mang Horhe na kumain sa restawran na iyon ngunit hindi niya nais. Wala pong ginagawang masama sa akin si Mang Horhe,” paliwanag ng babae.
“Inaanyayahan na pala kayo, Mang Horhe. Bakit hindi na kayo sumama at nang makakain na kayo ngayong araw? Pagkakataon nyo na itong makapasok muli sa restawran na iyon!” tila pangungutyang sambit ni Lito.
“Gusto nyo lang mapahiya akong muli kaya pinipilit nyo ako! Alam ko naman ang kalagayan ko at hindi nyo na kailangan pang ipamukha!” wika pa ng matanda.
“Mang Horhe, alam kong hindi nyo na ako naaalala. Pero talagang kayo po ang sinadya ko dito sa lugar na ito. Nang mabalitaan ko ang nangyari sa inyo’y nagtungo talaga ako rito. Nalulungkot ako sa mapait na sinapit nyong ito. Ngunit narito na ako para tulungan kayo,’ pahayag pa ng ginang.
Napatigil sa pagbubugnot ang matanda at nag-isip sandali. Pilit niyang inaalala ang hitsura nang babaeng iyon.
“Ako po si Sally. Natatandaan po ba ninyo noong nagtatrabaho pa kayo bilang kusinero sa restawran na iyan?” tanong pa ng babae.
“Malakas ang bugso ng ulan noon. Walang-wala akong matuluyan dahil pinalayas na ako sa tinitirhan kong boarding house. Ilang araw na rin akong hindi kumakain ng mga panahon na iyon. Kumakalam na talaga ang sikmura ko nang bigla nyo po akong inayang kumain sa restawran.
Malaki ang pagtutol ng manager noon dahil basang basa ako ng ulan at nanlilimahid sa dumi. Pinapalabas niya ako dahil wala akong pambayad pero iginiit mong manatili ako.
Ilang sandali lang ay inilabas mo ang pagkain at ibinigay mo ito sa akin ng may ngiti. Alam kong hindi iyon libre dahil nakita kong binayaran mo ang kinain ko. Lumuluha ako noong araw na iyon dahil hindi ko akalain na sa posisyon ko ay may nagtangka pang tumulong sa akin. Hindi ko nakalimutan ang kabutihang iyon, Mang Horhe,” kwento ni Sally.
Maging ang pulis ay naantig sa kinuwento ng ginang. Hindi din niya akalain na ang masungit na si Mang Horhe ay mabuti ang kalooban.
“Ibinigay ko ang lahat ng oras ko sa restawran na iyon. Marami akong mga recipe ng pagkain na ako ang talagang gumawa at ninakaw nila sa akin. Nang hindi na nila ako mapakinabangan ay bigla na lang nila akong tinanggalan ng trabaho at ng lahat ng benepisyo. Ilang taon akong nagtiis sa lansangan,” naiiyak na wika ni Mang Horhe.
“Tutulungan ko po kayo, Mang Horhe. Hindi nyo po naitatanong, isa na akong hukom ngayon. Ilalaban natin ang kaso nyo sa restawran na iyan. Sa ngayon ay paunlakan nyo muna ang paanyaya ko na kumain tayong dalawa. Marami tayong pag-uusapan,” pahayag pa ni Sally.
Sa puntong ito ay pumayag na rin si Mang Horhe sa kagustuhan ng ginang. Nang tangka silang harangin papasok ng restawran ay nagpakilala si Sally at agad silang pinaglingkuran ng mga ito sa kabila ng hitsura ni Mang Horhe.
Tinulungan ni Sally si Mang Horhe upang makabawi sa buhay. Inilaban nila ang kaso ng matanda laban sa restawran at nanalo ito. Bukod sa perang matatanggap ni Mang Horhe sa pamunuan ng restawran ay binigyan din ni Sally ang matanda ng masisilungan.
Lahat ng ito ay bilang ganti sa munting kabutihan ni Mang Horhe noon kay Sally. Tinatanaw niya itong malaking utang na loob dahil mula nang araw na tinulungan siya ni Mang Horhe ay nagkaroon siya ng bagong pag-asa na hindi sumuko sa laban ng buhay.