
Yumaman Lang ang Ginoo’y Iniwan na Niya ang Kaniyang Mag-Ina; Sa Pagbabalik Nya’y Hindi Siya Tanggap ng Anak
“Ma, tumigil na lang kaya ako ng pag-aaral? Mukhang hindi na kasi natin kakayanin pa kapag nagpatuloy ako. Mapuputulan na rin tayo ng kuryente at mapapalayas na tayo dito sa bahay,” saad ni Jake sa kaniyang inang si Leny.
“Hindi, anak. Hindi ka titigil ng pag-aaral. Mas lalong kailangan mong makapagtapos dahil sa sitwasyon natin sa buhay. Kapag may pinag-aralan ka ay mas madali kang makakaalis sa ganitong sitwasyon,” sambit naman ng ina sa binata.
“Kasalanan kasi ito ni papa. Kung hindi sana niya tayo iniwan ay hindi natin daranasin ang ganitong uri ng kahirapan!” wika pa ni Jake.
“Ni huwag mo nang mabanggit-banggit pa iyang ama mo sa pamamahay na ito. Makakaraos tayo sa buhay, anak. Gagawa ako ng paraan upang makaahon tayo at hindi ka matigil sa pag-aaral mo,” saad pa ni Leny.
Apat na taon na rin ang nakalipas nang tuluyang talikuran ng kanilang padre de pamilyang si Ramon ang mag-inang sina Leny at Jake.
Simple lamang ang pamumuhay noon ng mag-anak hanggang sinuwerte sa negosyo si Ramon. Ngunit sa pag-angat niya sa buhay ay kabalikat nito ang ilang bisyo — babae, sugal, alak. At ang malala pa roon ay tuluyan na niyang ipinagpalit ang kaniyang pamilya na wala man lamang napala sa kaniyang yaman.
Naiwan ang mag-ina sa hirap at dusa. Ngunit kahit ganito ay pilit na ibinabangon ni Leny ang buhay nila ng anak. Habang si Jake naman ay lubusan ang ginawang pagsisikap sa pag-aaral.
Ngunit sa kasamaang palad ay nagkaroon ng sakit si Leny at tuluyan nang binawian ng buhay. Lalong sumama ang loob ni Jake sa kaniyang ama dahil sa pagpapabaya sa kanila.
Nagsumikap si Jake na magpatuloy sa pag-aaral. Nagtatrabaho siya upang suportahan ang kaniyang sarili. Kahit hirap na hirap ay hindi kailanman humingi ng tulong si Jake sa kaniyang ama. Hanggang sa nakapagtapos na nga siyang pag-aaral at tuluyang naging isang mahusay na inhinyero.
Hindi nga naglaon ay umunlad na ang buhay ni Jake. Namayagpag ito sa kaniyang propesyon hanggang sa nakapag-asawa na at nagkaroon na ng sariling pamilya.
Isang araw ay may nakarating sa kaniyang balita buhat sa kaniyang kaibigan. Unti-unti na raw ang paglubong ng kaniyang ama at naghihirap na ito.
“Paano kung isang araw ay pumunta dito ang papa mo? Tatanggapin mo pa ba siya?” tanong ng kaibigan.
“Wala akong pakialam sa kaniya! Matagal na akong walang ama! Kahit na sa lansangan pa siya pulutin, wala akong pakialam! Hindi rin naman niya kami itinuring na pamilya!
Noong nasa itaas siya ay hindi man lamang niya kami naalala ng mama ko. Nagkasakit ang mama ko at tuluyang sumakabilang buhay ngunit wala man lamang akong narinig mula sa kaniya!” sambit ni Jake sa kaibigan.
Puno pa rin ng galit ang puso ni Jake sa kaniyang ama. Hindi niya makalimutan ang ginawang pagtalikod nito sa responsibilidad sa kanila. Lalo pa kapag naaalala niya na kinam@tayan na ng kaniyang ina ang sama ng loob sa kaniyang amang si Ramon.
Hanggang isang araw ay may isang pamilyar na mukha ang kaniyang nakita sa labas ng kaniyang tahanan. Walang itong iba kung hindi ang kaniyang ama. Nang matanaw ni Ramon na papalapit si Jake sa kaniya ay sinalubong niya ito ng matamis na ngiti.
Ngunit mapait ang bati sa kaniya ng anak.
“Ano ang ginagawa mo dito? Wala kang bilang dito sa bahay ko!” bungad ni Jake sa ama.
“G-gusto ko lang makita ang anak ko. Nais lamang kitang makita at kumustahin,” tugon naman ni Ramon.
“Ang lakas din ng apog mong magpakita dito matapos ang lahat. Ngayong naghihirap ka na sa buhay ay saka ka babalik? Matagal na akong walang ama kaya lumayas ka na dito!” pagtataboy ni Jake sa ginoo.
“Jake, gusto lang kitang makausap, anak! Pakinggan mo naman ako kahit sandali lang,” giit ng ama.
Ngunit hindi na ito muli pang nilingon ni Jake at tuluyan na siyang pumasok sa kaniyang tahanan.
Lumipas ang mga araw at pabalik-balik si Ramon sa bahay ni Jake upang pakiusapan itong makipag-usap sa kaniya. Ngunit labis ang pagtanggi ng anak. Hanggang ngayon kasi ay kinasusuklaman niya ang kaniyang ama.
Upang iiwas ang kaniyang sarili sa inis sa kaniyang ama ay nagpakasubsob sa trabaho si Jake at laging naglalasing.
“Baka naman makasama sa kalusugan mo ang ginagawa mong iyan, Jake. Mas mainam ata kaysa umiwas ka sa papa mo ay kausapin mo siya. Para tigilan ka na rin niya,” pag-aalala ng misis niyang si Jenny.
“Hindi karapat-dapat sa kahit isang segundo lang ng panahon ko ang lalaking iyon. Iniwan nya kami ng mama ko na walang-wala kahit ano. Nagsumikap ako para marating ang kinalalagyan ko ngayon tapos ay bigla na lamang siyang darating dahil may kailangan siya. Hindi ako makakapayag na pumasok siyang muli sa buhay ko!” galit na sambit ng ginoo.
Ilang sandali pa matapos maglabas ng galit si Jake ay biglang nanikip ang kaniyang dibdib. Hawak-hawak niya ang kaniyang dibdib nang bigla siyang tuluyang intake sa puso at nawalan ng malay.
Dali-dali naman siyang dinala sa ospital ng kaniyang asawa.
Hindi naging mabuti ang kalagayan ni Jake. Makalipas pa ng ilang araw ay muli siyang inatake sa puso habang siya ay natutulog.
“Hindi na maganda ang lagay ng puso ng asawa mo, ginang. Kailangan na niyang operahan para mapalitan ang kaniyang puso. Ngunit kailangan pa nating maghanap ng magbibigay sa kaniya nito,” wika ng doktor.
Labis ang pangamba ni Jenny dahil kung hindi magagawa kaagad ang operasyon ay maaari itong sumakabilang buhay. Napaluha na lamang siya habang tinitignan ang kawawang kalagayan ng kaniyang asawa.
Ngunit nagbigay ng liwanag at pag-asa ang mga doktor nang sabihing nakakuha na sila ng mag-dodonate ng puso. Agad na ginawa ang operasyon upang isalba ang buhay ni Jake.
Ilang araw matapos ang operasyon ay nagkaroon na rin ng malay si Jake. Labis ang tuwa ng kaniyang asawa dahil sa wakas ay ligtas na ang buhay nito. Nang bumuti na ang kalagayan ni Jake ay saka inilahad ni Jenny ang lahat ng nangyari.
“Ang papa mo, Jake –,” sambit ni Jenny. Hindi pa man nakakatapos ng kaniyang sasabihin ay agad itong pinutol ng kaniyang mister.
“Huwag na huwag mo siyang palalapitin man lang kahit sa pintuan ng kwartong ito, Jenny. Hindi ko alam ang magagawa ko sa kaniya kapag nakita ko siya! Gusto ko na siyang ibaon sa limot! Ayaw ko na siyang makita pa kahit kailan,” sambit ni Jake na pinipigilan ang kaniyang galit.
“Jake, hindi mo na kailanman talaga makikita pa ang papa mo. Nang malaman niya ang nangyari sa iyo ay labis ang kaniyang pangamba. Kinuha niya ang sarili niyang buhay upang maibigay sa’yo ang puso niya.
Wala na siya, Jake. Wala na ang papa mo. Kaya sana ay mapatawad mo na siya. Kalimutan mo na ang lahat ng sama ng loob at galit mo sa papa mo,” lumuluhang sambit ni Jenny.
Labis na nagulat si Jake sa sinabing ito ng kaniyang asawa. Hindi siya lubusang makapaniwala.
Isang liham ang inabot ni Jenny sa kaniyang mister. Dahan-dahan itong binuksan ni Jake at saka niya binasa.
Anak, hindi ako naging mabuting ama sa’yo. Hindi mo lang alam kung gaano ko nais na makabawi sa lahat ng pagkukulang ko. Hindi ko habol ang yaman mo, anak. Ang nais ko ay magpaka-ama sa iyo. At ngayon ay nakakuha na ako ng pagkakataon. Nawa’y sa bawat tibok ng bago mong puso ay maalala mo ako. Patawarin mo ako, anak. Patawarin rin sana ako ng mama mo. Mahal na mahal kita, anak. Hanggang sa muli.
Hindi na napigilan pa ni Jake ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Hindi rin niya maintindihan kung bakit labis na lungkot ang kaniyang naramdaman nang malaman niyang tuluyan nang nawala ang ama.
Labis ang pagtangis ni Jake habang tangan ang liham ng ama. Inilagay niya ang kaniyang palad sa kaniyang dibdib at unti-unti niyang dinama ang tibok ng kaniyang puso.
“Patawarin mo rin ako, papa. Patawarin mo ako dahil hindi na kita nabigyan pa ng pagkakataon na ituring kong ama,” tanging nasambit na lamang ni Jake.