Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Mag-Lola ang Isang Batang Batak sa Trabaho; Ilang Taon ang Nakalipas ay Gaganti ang Binata

Tinulungan ng Mag-Lola ang Isang Batang Batak sa Trabaho; Ilang Taon ang Nakalipas ay Gaganti ang Binata

“Ano pa ang tinutunganga mo riyan, Allan. Aabutin na naman tayo ng gabi kapag hindi mo bilisan ang trabaho mo! Buhatin mo na ang mga sako at isalansan mo na dito para mabayaran na tayo!” sigaw ni Mang Dindo sa kaniyang pamangkin na panandaliang huminto sa trabaho dahil sa sobrang pagod.

“Opo, tiyo. Uhaw na uhaw na po kasi ako. Baka po pwedeng makabili muna ng malamig na ice tubig,” pakiusap ng batang si Allan.

“Tigilan mo nga iyan. Bakit kasi hindi ka nagbaon ng tubig. Gusto mo pang bawasan ang kakarampot na kikitain natin para lang sa tubig mo! Hala, sige na at magsimula ka nang magbuhat muli.” utos pa ng tiyuhin.

Wala nang nagawa pa si Allan kung hindi ang sumunod.

Tirik na tirik ang araw at kumakalam na ang sikmura ng batang si Allan dahil mula umaga ay wala pa siyang kinakain. Ngunit wala siyang patid sa pagtulong sa kaniyang tiyuhin sa pagbubuhat ng mabibigat na sako ng kalakal na kanilang naipon ng umagang iyon.

Ang batang dapat sana’y nasa eskwelahan ay laman ng kalsada upang magbanat ng buto.

Maagang namulat sa hirap ng buhay itong si Allan. Simula kasi nang yumao ang kaniyang mga magulang ay naiwan na siya sa pangangalaga ng kaniyang tiyo. Hindi naman din maganda ang trato sa kaniya nito dahil para kay Mang Dindo, pabigat itong si Allan.

Matalino sana ngunit hindi na naipagpatuloy pa ni Allan ang kaniyang pag-aaral sa kagustuhan na rin ni Mang Dindo.

Ilang sandali, pagkatapos isalansan ni Allan ang mga sako upang tuluyang maitimbang sa junk shop ay umupo muna siya sa gilid ng isang tindahan upang makapagpahinga.

Napatingin siya sa mga pagkain at inumin sa naturang tindahan at pakiwari ay lumalasap.

Maya-maya ay may tinig ng matanda siyang narinig. Hanggang sa may isang dalaga na dumungaw sa labas ng tindahan upang siya ay tanungin.

“Ano daw ang gusto mo sabi ng lola ko?” tanong ng dalagang si Myra kay Allan.

“W-wala po. Pasensya na at nakiupo po ako dito,” tugon naman ng bata.

“Naku, sige na at pumili ka na sabi ng lola ko. Gusto mo ba nitong mamon? Mayroon din kaming juice. Gusto mo ba?” tanong muli ng dalaga.

“Gustuhin ko man po ay wala kasi akong pambili. Sa susunod na lang po,” muling sagot ni Allan.

“Huwag ka nang mag-alala kasi hindi naman daw pababayaran ni lola sa’yo kaya mamili ka na. Sige ka, baka magbago pa ang isip ng lola ko,” wika pa ni Myra.

Nahihiya man ay labis na ang pagkauhaw ni Allan. Nanginginig na din ang kaniyang mga katawan dahil sa gutom. Binigyan siya ng dalaga ng mamon at juice.

“Kainin mo na kaagad ‘yan habang abala ‘yung tiyuhin mo. Madalas kasi naming mapansin ng lola ko na parang hindi maganda ang trato niya sa’yo. Nananghalian ka na ba?” pagtataka ni Myra.

Umiling lamang si Allan habang mabilis na kinakain ang ibinigay na pagkain ng mag-lola.

“Hayaan mo kapag pupunta kayo sa junk shop, punta ka ulit dito sa amin ng lola ko at kami na ang bahala sa’yo. Bibilisan mo lang kasi baka mahuli ka ng tiyuhin mo at mapagalitan ka,” dagdag pa ng dalaga.

Pagkatapos kumain ay labis ang pasasalamat ni Allan sa maglola na nasa tindahan. Dali-dali siyang bumalik sa junk shop at doon nga ay galit na galit na ang kaniyang tiyuhing kanina pa naghahanap sa kaniya.

Hindi mawala sa isipan ng batang si Allan ang kabutihang nagawa ni Myra at ng kaniyang lola.

Araw-araw sa tuwing nagbebenta sa naturang junk shop ang magtiyuhin ay palihim na dumadaan ng tindahan itong si Allan upang kuhain ang tinapay at juice na ibinibigay ng maglola.

Hanggang sa isang araw ay may isang kamag-anak ang nabalitaan ang pagmamalupit na ginagawa ni Mang Dindo sa kaawa-awang si Allan.

“Hindi ka na kailangan pang mangamba ngayon, Allan. Kami na ng Tito Jaime mo ang balaha sa’yo. Kung maaga lang namin nalaman ang kalagayan mo ay hindi na sana nangyari pa ito,” saad ni Celia na kapatid ng ina ng bata.

Kinupkop at kinalinga ng mag-asawang Jaime at Celia ang batang si Allan. Pinag-aral din nila ito at tinuring na tunay na anak. Bilang kapalit naman sa kabutihan ng mag-asawa ay pinagbuti ni Allan ang kaniyang pag-aaral hanggang sa makatapos siya.

Samantala, sa paglipas naman ng panahon, dahil sa katandaan ay iginupo ng karamdaman ang matandang may ari ng tindahan. Ang pamangkin naman niyang si Myra ay hindi naman umalis sa kaniyang tabi.

Nang ma-stroke ang matanda ay agad niya itong dinala sa ospital. Ginawa ni Myra ang lahat upang mailigtas sa kapahamakan ang kaniyang lola. Ngunit nabaon naman siya sa utang. Wala na rin ni isang laman ang kanilang tindahan na tumataguyod sa kanila.

Batid ni Mya na malaki ang babayaran niya sa ospital. Ngunit laking gulat niya nang ibigay sa kanila ang bill ay ni piso’y wala na silang kailangan pang ilabas.

“Ngunit paano po ito nangyari?” tanong ni Myra sa mga nars.

“Sinagot po ng doktor na nag-opera sa inyong lola ang lahat ng gastusin dito sa ospital,” tugon ng nars.

Lubos na nagulat si Myra sa kaniyang narinig.

“Hindi ko lubusang maintindihan ang sinabi mo. B-bakit gagawin ng doktor na iyon ang kabutihang ito sa amin ng lola ko?” naiiyak na sambit ni Myra.

“Mabait po talaga ang doktor na ‘yun,” wika ng nars.

“Pero parating na rin po si Dok. Pwede pong sa kaniya nyo na itanong ang lahat ng iyan upang maliwanagan kayo,” saad pa nito.

Nang dumating ang doktor ay agad na nagpasalamat si Myra sa kabutihang ginawa nito.

“Walang wala na po talaga kami ng lola ko. Maraming salamat po sa inyo! Malaki po ang utang na loob namin sa inyo. Hayaan nyo isang araw ay makakabayad din kami,” wika ni Myra sa doktor.

Ngunit nabigla siya sa itinugon ng doktor.

“Wala kayong kailangan pang bayaran sa akin. Bayad na ang lahat ng iyan dahil sa mamon at juice na naitutulong nyong maglola sa akin noon,” wika ng doktor.

Biglang bumalik sa alaala ni Myra ang lahat. Hindi niya akalain na ang kaharap at kausap niya ngayong doktor ay ang batang si Allan na tinulungan nilang maglola.

“Napakabuti nyo sa aking maglola. Noong panahon na ako ang nangangailangan ay hindi kayo nagdalawang isip na tulungan ako. Kaya ngayon ay ako naman ang magbabalik sa inyo ng kabutihang itinanim nyo sa aking puso,” wika pa ni Dok Allan.

Napuno ng luha ang mga sandaling iyon. Luha ng kaligayahan sa muli nilang pagkikita-kita. Labis ang pasasalamat nila Myra at ng kaniyang lola kay Allan. Nunit para kay Allan, higit pa rin ang tulong na nagawa ng maglola sa kaniya. Habang buhay niyang tatanawin ang kadalisayan ng puso ng mga ito.

Advertisement