Inday TrendingInday Trending
Labis ang Pagkasubsob ng Ginoong Matayog ang Pangarap; Bandang Huli’y Hindi rin Pala Niya Malalasap ang Pinaghirapan

Labis ang Pagkasubsob ng Ginoong Matayog ang Pangarap; Bandang Huli’y Hindi rin Pala Niya Malalasap ang Pinaghirapan

“Stanley, baka naman pwedeng ‘wag ka munang pumasok sa trabaho. Si Kyle kasi humihiling na sana sa kaarawan nya ay imbis na maghanda siya ay umalis na lang daw tayo. Magbakasyon tayo kahit isang araw lang,” sambit ni Maureen sa kaniyang asawa.

“Alam mo naman kung gaano ako kaabala sa trabaho ngayon. Sa katapusan na ng buwan malalaman kung sino ang ipo-promote ni boss. Kapag ako ang nakakuha ng posisyon ay malaking luwag nito sa buhay natin,” tugon naman ni Stanley.

“Nagbabakasakali lang ako dahil nga lagi kang wala at nami-miss ka na rin ng mga bata. Nauunawaan ko naman pero huwag mo ring kalimutan na kailangan ka namin ng mga anak mo,” saad pa ng ginang.

“Saka na lang ang balak ninyong bakasyon. Ipinapangako ko na kapag nakaluwag na tayo ay higit pa sa isang araw ang ilalaan natin para sa bakasyon na ‘yan. Saka sa mas magandang lugar pa,” wika muli ng mister.

Noon pa man ay mataas na ang pangarap ni Stanley sa kaniyang pamilya. Hindi mo naman siya masisisi dahil galing din siya sa hirap. Ang tanging nais lamang niya ay mabigyan ng maginhawang buhay ang kaniyang mag-iina. Kaya ganoon na lamang ang pagkatutok niya sa trabaho.

Kailangan niyang ma-promote dahil hindi biro ang gastusin lalo na sa pag-aaral ng kaniyang tatlong anak.

Dumating ang kaarawan ng panganay na anak na si Kyle. Lahat ng kanilang mga kamag-anak ay nagsipagdalo. Marami mang handa at regalo ay mababanaag mo sa mukha ng bata ang kalungkutan.

“Bakit ganiyan ang itsura mo, Kyle? Hindi ka ba masaya?” tanong ni Maureen sa kaniyang anak.

“Masaya naman po, mama. Kaso nasaan po si papa? Ang sabi po niya ay uuwi siya agad para makasama natin. Pero maggagabi na po, wala pa siya,” nagtatampong sambit ng bata.

“Intindihin mo na lang ang papa mo, anak. Ginagawa niya ang lahat ng iyan para tulad ngayon ay makapaghanda ka. Para sa ating lahat din naman ang ginagawa niya,” pahayag pa ng ina.

Pilit mang ipinauunawa ni Maureen sa kaniyang anak ang sitwasyon ay alam niyang nakakalungkot pa ring isipin na wala ang padre de pamilya sa mahalagang okasyon na ito.

Ilang araw pa ang nakalipas at masayang ibinalita ni Stanley na siya ang napili ng kanilang boss para i-promote.

“Baka naman pwede nating i-celebrate ang mahalagang araw na ito. Kahit pumunta lang tayong pamilya sa Baguio,” paanyaya ni Maureen.

“Hahanapan ko ng panahon ‘yan, mahal. Alam mo namang dahil mas mataas na ang posisyon ko ngayon ay lalo akong kailangang magpasikat sa trabaho. Malay mo may bago ulit promotion at ako ang mapili,” saad naman ni Stanley.

“Gusto ko ring makaipon kasi upang palakihan itong bahay at makabili na tayo ng sarili nating sasakyan. Konting panahon na lang at hindi lang Baguio ang pupuntahan natin. Kahit sa ibang bansa pa yan!” dagdag pa ng ginoo.

Napapailing na lamang si Maureen sa sinabing ito ng kaniyang asawa.

Lalo ngang naging abala pa itong si Stanley dahil nais niyang maipaayos ang kanilang bahay at makabili ng sariling sasakyan. Nakalimutan na niya ang kaniyang pamilya na laging naghihintay sa kaniya.

Ngunit umaasa pa rin ang kaniyang asawa at anak na isang araw ay mabibigyan din sila ng panahon ng kanilang padre de pamilya.

“Malaki na ang bahay at nakabili na rin tayo ng sasakyan, Stanley. Baka naman mapagbigyan mo na ang kahilingan ng anak mo. Kahit hindi na sa Baguio. Kahit sa mas malapit na lang. Sa Batangas kaya o sa Tagaytay. Basta, makasama ka lang namin ng walang iniintinding trabaho kahit isang araw lang,” pakiusap muli ni Maureen.

“Kukunin ko na lang ang isang promotion na nag-iintay sa akin, mahal. Kapag mas mataas na ang posisyon ko ay mas pwede na akong lumiban dahil magrereport na lamang sila sa akin. Kaunting pag-unawa na lang ang hinihiling ko, Maureen. Suportahan ninyo na lang ako dahil para sa atin din naman ang ginagawa kong pagsisikap,” sambit pa ni Stanley.

“Sa iyong palagay ba ay hindi ka pa namin sinusuportahan sa lagay na ito? Lumalaki na ang mga anak mo, Stanley. Unti-unti na nga silang nasasanay sa buhay na lagi kang wala dito sa bahay at laging abala sa trabaho. Nauunawaan ko na ginagawa mo ang lahat ng ito para sa amin ngunit hindi lang naman ito ang responsibilidad mo. Kailan mo ba bibigyan ng panahon ang pamilya mo,” wika ng ginang.

“Sa tingin mo ba ay madali para sa akin ito? Kailangan kong magsakripisyo para lang mabigyan kayo ng magandang buhay! Hindi pa ba sapat ang ginagawa ko para maging isang mabuting asawa at ama. Kung iba ang padre de pamilya ng pamilya na ito ay maibibigay ba niya ang buhay na kaya kong ibigay?” pahayag muli ng mister.

“Ako ang hindi mo nauunawaan, Stanley. Sana’y dumating pa rin ang panahon na mapagbigyan mo kami,” saad ni Maureen sabay alis sa harapan ng asawa.

Imbis na pagtuunan ang pagtatalong ito ng kaniyang asawa ay muling nagpakasubsob sa trabaho itong si Stanley. Sa pagkakataong ito ay dahil sa pagnanais niyang makuha ang pinakamataas na posisyon.

At hindi siya nabigo dahil ang lahat ng pagod at oras na inilaan niya sa trabaho ay naging maganda ang kapalit. Muli siyang na-promote sa kaniyang nais.

“Ngayon ay kaya ko nang tuparin ang pangako ko sa inyo ng mga anak natin. Hindi lang basta sa Baguio o Tagaytay ang punta natin kung hindi sa ibang bansa. Bumili ako ng tiket patungong Japan. Isang linggo tayo do’n kaya maghanda na kayo,” masayang ibinalita ni Stanley sa kaniyang asawa.

Hindi na makapaghintay ang kaniyang mag-iina dahil sa wakas ay mabibigyan na sila ng panahon nito. Agad nilang inasikaso ang lahat ng papeles na kanilang kailangan. Ilang araw bago ang kanilang alis ay kanya-kanya na rin ang paghahanda nila ng gamit.

“Sabik na kaming makasama ka sa isang bakasyon. Sa wakas ay matutupad na ang matagal na hiling ng mga anak mo,” nakangiting sambit ni Maureen sa kaniyang mister.

Paglingon niya dito ay nakita niyang tila masakit ang ulo nito.

“Ayos ka lang ba, mahal?” pag-aalala ng ginang.

“Ayos lang naman ako. Medyo masakit lang ang ulo ko. Marahil ay dahil ito sa trabaho ko kanina. Ipapahinga ko lang ito para pagdating natin sa Japan bukas ay wala akong iniinda,” tugon naman ng ginoo. Sinabayan na niya ito ng tulog upang makapagpahinga.

Kinabukasan ay maagang ginising ni Maureen ang kaniyang asawa.

“Stanley, gising na at kanina pa nagmamadali ang mga anak natin. Hindi na sila makapaghintay pang bumiyahe tayo,” wika ng misis nito.

“Stanley, gising na. Stanley?” pilit na ginigising ni Maureen ang asawa.

Ngunit sa kasamaang palad ay wala na itong hininga. Binawian na ito ng buhay sa kaniyang pagtulog.

Nanlambot ang mga tuhod ni Maureen sa nangyaring ito. Hindi niya lubos maisip na mangyayari sa kanila ang ganitong bagay. Tiningnan niya ang lahat ng naipundar ng kaniyang asawa at labis siyang napaluha.

“Aanhin namin ang lahat ng bagay na ito kung hindi ka rin namin kasama. Kung alam ko lang na mangyayari ito ay ginawa ko ang lahat para pigilan ka sa pagtatrabaho at makasama ka na lang namin,” umiiyak na wika ng ginang.

Sa huling sandali ay hindi rin nalasap ni Stanley ang kaniyang pinakaaasam-asam. Ang masayang bakasyon sana ng pamilya ay nauwi sa isang malungkot na pangyayari dahil sa kaniyang tuluyang pagkawala.

Advertisement