Inday TrendingInday Trending
Pagod na ang Sikat na Artista sa Kaniyang Katayuan; Tinalikuran Niya ang Lahat para sa Kaligayahan

Pagod na ang Sikat na Artista sa Kaniyang Katayuan; Tinalikuran Niya ang Lahat para sa Kaligayahan

“Ano ‘tong sinabi ng manager mo, Britney, na nagkansela ka daw ng shooting ngayon? Ano ba ang nangyayari sa’yo? Gusto mo bang mawala na lang ang lahat ng ito. Bumangon ka diyan at sumipot ka sa lahat ng naka-iskedyul sa iyo ngayon!” sambit ng inang si Patrice sa kaniyang artistang anak.

“Humingi lang naman po ako, ma, ng kahit dalawang araw na pahinga. Dere-deretso na po akong nagtatrabaho. Napapagod din naman ako!” tugon naman ni Britney.

“Huwag kang umarte dyan at baka tuluyan ka na nilang palitan! Huwag mong sayangin ang lahat ng pinaghirapan natin, Britney, dahil lang sa katamaran mo! Bumangon ka na at magpakita ka sa shooting. Humingi ka rin ng tawad sa lahat ng naroon!” giit pa ng ina.

Tila paglusot kasi sa karayom kung ilarawan ni Britney ang kailangan niyang pagdaanan para lang maabot niya ang kinaroroonan niya ngayon. Bago kasi siya nakilala at naging isang sikat na artista ay kung ano-anong pagsubok ang kanyang pinagdaanan.

Gusto rin naman ni Britney ang kaniyang trabaho ngunit sa totoo lamang ay ito talaga ang pangarap ng kanyang inang si Patrice. Kaya kahit pagod na ang dalaga ay patuloy pa rin siya sa pagsunod sa kaniyang ina. Ayaw rin naman kasi niyang magbalik sila sa hirap.

Ngunit sa tagal na ng kaniyang pagtatrabaho ay nakakaramdam na rin siya ng pananawa. Maraming bagay kasi ang hindi niya magawa tulad na lamang ng paglabas kasama ang mga kaibigan, pagkain ng mga pagkaing nais niya at higit sa lahat ay bawal siyang umibig.

Kaya ganoon na lamang pagnanais ni Britney na makawala kahit panandalian lamang sa mundong kaniyang ginagalawan.

“Bakit kasi hindi mo aminin sa mama mo na hindi ka na masaya sa ginagawa mo?” tanong ni Alice, matalik na kaibigan ni Britney.

“Para ano? Hindi rin niya naman ako maiintindihan. Paulit-ulit na lang niyang sasabihin na sinasayang ko lang ang lahat ng ito. Ang gusto ko lang naman, bes, ‘yung maramdaman kahit isang saglit na normal din ako. Na kaya kong gawin ang mga bagay na ginagawa ng isang normal na babae. Nasasakal na kasi ako. Minsan gusto ko na lang magtago sa kanilang lahat,” tugon naman ng dalaga.

“Ano na ang balak mong gawin? Hindi naman pwedeng hindi ka na lang basta magpakita. Magiging laman ka lalo ng balita, Britney. Sa tingin ko ay kausapin mo na lang ang manager mo at ang mama mo ng maayos at ipaliwanag sa kanila ang balak mo. Kahit saglit na bakasyon lamang ang hingin mo,” wika pa ni Alice.

Ngunit wala sa opsyon ni Britney ang magpaalam sa kaniyang ina o sa kaniyang manager. Nagplano siya na isang araw ay bigla na lamang siyang aalis patungong ibang bansa upang makapagbakasyon at pagnilayan ang kaniyang buhay. Nang sa gayon ay makahinga naman siya mula sa masikip niyang mundo.

Isang linggo ang nakalipas ay tinupad ni Britney ang kaniyang plano. Lumipad siya patungong Canada. Doon ay alam niyang kahit paano ay makakapamuhay siya ng normal.

Hindi nagkamali si Alice dahil unang araw pa lamang ng kaniyang paglisan ay agad na siyang naging laman ng balita. Ngunit hindi na ito ininda pa ng dalaga at patuloy niyang tinamasa ang kalayaang kaniyang nararamdaman.

Kung saan-saang lugar siya nagpunta. Ginawa ang mga bagay na hindi niya magawa sa Pilipinas. Hanggang sa may nakilala niya ang lalaking si Edward. Nahulog ang kaniyang loob dito at tuluyan na siyang umibig.

Sa isang buwan ng pagkawala niya ay marami nang nangyari. Hanggang sa nagdesisyon na siyang umuwi ng bansa at ipagpatuloy ang kaniyang buhay. Kaliwa’t kanan ang mga intrigang ibinabato sa kaniya.

Ngunit wala siyang ibang nasa isip kung hindi ang simple at malayang buhay niya sa Canada kasama si Edward.

Hanggang sa isang araw ay nalaman na lamang ni Britney na siya ay nagdadalang tao.

Isang malutong na sampal ang ibinungad sa kaniya ng inang si Patrice.

“Boba ka talaga! Hindi ka nag-iisip! Ito na ang umpisa ng pagkalaos mo sinasabi ko sa’yo! Sinisira mo ang pangalan na matagal nating iningatan!” sigaw ni Patrice sa anak.

“Nasa wastong edad naman na ako, ma, para mag-asawa. Isa pa, hinayaan ko na kayong paikutin ang buhay ko! Hayaan nyo naman ako sa nais ko ngayon!” umiiyak na tugon naman ni Britney.

“Ito ang dahilan kung bakit hindi ka pwedeng magdesisyon para sa iyong sarili! Itatago mo itong pagbubuntis mo kung ayaw mong ipatanggal ang bata. Kapag malapit ka nang manganak ay pupunta ka ng ibang bansa!” gigil na gigil na sambit ni Patrice.

Wala nang nagawa pa si Britney kung hindi sumunod sa kaniyang ina. Lumipas ang mga araw, mahirap man ay pilit na itinago ni Britney ang kaniyang pagbubuntis. Nang malapit na siyang manganak ay nagtago muna siya sa Canada. Doon ay kapiling niya si Edward.

Nang makapanganak na siya ay wala na siyang ibang gustong gawin kung hindi makasama ang kaniyang mag-ama. Ngunit mariin itong tinututulan ng kaniyang ina.

“Dapat ay pinaghahandaan mo na ngayon ang pagbalik mo sa Pilipinas. Maraming naghihintay sa iyong trabaho!” wika ni Patrice.

“:Ma, kung dito na lang kaya ako sa Canada. Marami rin naman tayong naipon. Higit sa lahat maayos naman ang buhay dito ni Edward. Kaya naman niya kaming buhayin na mag-ina,” wika naman ni Britney.

“Talagang nahihibang ka na, ano? Tatalikuran mo ang kasikatan mo para lang diyan? Mag-isip ka nga, Britney, at gamitin mo ang utak mo! Ngayon ka pa talaga mag desisyon ng ganyang kung kailan nasa rurok ka na ng tagumpay!” sambit pa ng ina.

Sa pagkakataong ito ay wala muling nagawa si Britney para ipaglaban ang kaniyang nais.

Masakit man sa kaniyang loob na iwan ang anak sa ibang bansa ay nagbalik siya sa Pilipinas upang harapin ang kaniyang mga naiwang trabaho.

Marami man ang humahanga sa kaniya at nagdadala man ng maraming pera sa kanilang pamilya ang pagiging artista niya ay hindi niya maitago na hindi na siya masaya. Ang nasa isipan lamang niya palagi ay ang naiwan niyang anak.

Sa tuwing nakikita niya ang larawan ng kaisa-isang anak ay hindi niya maiwasan na makaramdam ng labis na kalungkutan. Imbis na siya kasi ang kasama nito at nag-aalaga sa anak ay malayo siya at nagtatrabaho.

Kaya nang hindi na niya makayanan pa ay nakapagdesisyon siyang aminin sa lahat ang totoo.

Sa isang press conference ay nagulantang ng lahat ang pag-aming ginawa ni Britney. Pilit man siyang awatin ng ina ay wala na itong nagawa pa.

“Totoo po ang lahat ng narinig nyo. Nabuntis po ako at nanganak at nasa Canada po siya kasama ang kaniyang ama. Alam kong marami ang huhusga sa akin at maraming ring trabaho ang mawawala, ngunit kaya kong talikuran ang lahat ng ito para sa pamilya ko,” saad ni Britney.

Galit na galit naman ang kaniyang ina.

“Tigilan mo na ‘yan, Britney! Tigilan mo na ang mga sinasabi mo. Hindi totoo ang lahat ng iyan! Ginagawa mo lang ang bagay na ito upang pasakitan ako!” giit ng ina.

“Tama na, ma! Matagal ko nang ibinigay sa inyo ang sarili ko. Pero mayroon na akong sariling pamilya at sila na ang prayoridad ko! Patawarin niyo ako ngunit kailangan ko nang iwan ang lahat ng ito para makasama ko ang mag-ama ko. Kailangan nila ako lalo na ng anak ko!” sambit pa ni Britney.

Agad na umalis si Britney at iniwan ang kaniyang ina na mag-isa sa press conference. Tuluyang lumipad pa-Canada ang dalaga upang makasama ang kaniyang pamilya. Sa unang pagkakataon ay nakaramdam ng tunay na pagiging malaya ang dalaga.

Hindi naglaon ay tuluyan na ngang tinalikuran ni Britney ang kaniyang kasikatan at mas pinili ang kaniyang pamilya. Simple man ang kaniyang buhay kasama ang asawang si Edward at ang kaisa-isa nilang anak ay mas nararamdaman ni Britney ang wagas na kaligayahan sa piling ng mga ito. Para sa kaniya’y ito ang tunay na tagumpay niya sa buhay.

Advertisement