Inday TrendingInday Trending
Walang Ginawa ang Dalaga Kundi Tulungan ang Kaniyang mga Kaibigan; Hindi Niya Napapansing Nagiging Abusado na Pala ang mga ito sa Kaniya

Walang Ginawa ang Dalaga Kundi Tulungan ang Kaniyang mga Kaibigan; Hindi Niya Napapansing Nagiging Abusado na Pala ang mga ito sa Kaniya

“Rosa…” Nilingon ni Rosa ang kaibigang si Valerie matapos siya nitong kalabitin. Nakaupo kasi ito sa likurang bahagi ng kaniyang kinauupuan. Nakita niyang iniaabot nito sa kaniya ang isang notebook na pagmamay-ari nito.

“Rosa, p’wede bang ikaw na lang ang gumawa ng assignment ko? Hindi ko kasi naintindihan ’yong discussion kanina, e,” lumalabing sabi nito sa kaniya na animo maamong tupang nagpapaawa upang kaniyang pagbigyan.

Ngumiti naman si Rosa. “Sige!” agad niyang pagsang-ayon sa kagustuhan nito bago kinuha ang notebook na iniaabot nito sa kaniya. Tuwang-tuwa naman si Valerie na niyakap pa siya bago ito nagpaalam na pupunta muna sa canteen upang mag-recess saka siya nito iniwan upang gawin na ang assignment nito.

Nang marinig ang ginawang iyon ni Valerie, imbes na pagsabihan ito ay ginaya pa ni Kate—isa rin sa mga kaibigan ni Rosa—ang ginawa ng dalaga! Ibinigay din niya kay Rosa ang kaniyang notebook upang ito ang pagawain ng kaniyang assignment.

Palagi na lang ganoon ang nagiging takbo ng buhay ng dalawa. Hindi sila nakikinig sa mga discussions nila sa eskuwela dahil nariyan naman si Rosa upang gawin ang kanilang mga assignment. Umaasa na lamang ang dalawa dahil palagi naman silang pinagbibigyan ni Rosa.

Ang totoo ay gusto lamang naman kasing makatulong ni Rosa sa kaniyang mga kaibigan. Nangako kasi silang tatlo sa isa’t isa na sabay-sabay silang aakyat ng stage upang magtapos ng pag-aaral, ngunit paano nila gagawin ’yon kung siya lamang ang tanging mahilig mag-aral?

Kaya naman lahat ay ginagawa na ni Rosa upang matupad ang pangarap nilang iyon. Lingid sa kaniyang kaalaman ay hindi na tungkol sa pagkakaibigan nila ang ginagawa ng dalawa sa kaniya. Iniisahan na siya ng mga ito. Inaabuso nila ang kaniyang kabaitan at marami na sa kanilang mga kaklase ang nakapapansin niyon.

Dumating ang araw ng kanilang examinations. Napakadali lang para kay Rosa na sagutin ang mga tanong na lumabas sa kanilang test dahil palagi naman siyang nakikinig sa kanilang mga guro. Ngunit ang dalawang kaibigan niya ay halos malugaw na ang mga utak dahil pareho silang walang alam sa mga naging topic nila sa klase!

“Rosa! Huy, Rosa!”

Panay na naman ang kalabit ni Valerie kay Rosa. Ayaw naman itong pansinin ng huli dahil alam niya kung ano na naman ang hihilingin nito. Ayaw niyang ipakopya rito ang exam na halos isang linggo niyang paulit-ulit na ni-review habang sila ay nagpapakasaya lang sa pagliliwaliw. Nang mga sandaling iyon ay napagtanto na kasi ni Rosa na pang-aabuso na ang ginagawa ng mga ito sa kaniya. Ni wala silang pakialam kung mahuli siya ng kanilang guro habang pinapakopya sa mga ito ang kaniyang sagot na maaari niyang ikaalis sa honor list.

“Bakit napakadamot mo na, Rosa? Parang sagot lang, e! Parang hindi kita kaibigan,” pasimangot na bulong ni Valerie noon sa likuran niya. Tila nagpantig ang kanyang tainga sa narinig kaya naman hinarap na niya ang kaibigan.

“Ako pa ang parang hindi kaibigan? E, ngayon lang naman ako hihindi sa inyo, a! Palagi naman akong nariyan para sa inyo!” galit na anas ni Rosa kay Valerie na ikinagulat naman ng huli.

Matapos ang kanilang exam ay nilapitan siyang muli ni Valerie, kasama si Kate upang siya ay komprontahin.

“Siguradong zero ang makukuha namin sa exam dahil hindi mo kami tinulungan, Rosa!” galit na anang mga ito sa kaniya.

“Kasalanan ko bang hindi kayo nag-aral?” lakas loob namang tanong ni Rosa sa kaibigan. “Alam n’yo, sinisisi ko ang sarili ko na hinayaan kong abusuhin n’yo ako. Imbes kasi na makatulong ako, lalo ko lang kayong tinuruang maging tamad,” malungkot na dagdag pa niya na nakapagpatahimik sa dalawa.

Tinalikuran niya ang mga ito at simula nang araw na iyon ay hindi na sila nag-usap pa. Totoong nakakuha nga ng mababang marka ang dalawa sa kanilang exam at lahat ng iyon ay isinisisi nila kay Rosa. Si Rosa naman ay natutong magkibit balikat na lang sa sasabihin nila lalo pa’t alam naman ng lahat ang totoo. Ayaw na niyang hayaang abusuhin siya ng ibang tao dahil hindi lamang sarili niya ang kaniyang sinisira kundi pati na rin ang sa kanila. Sa pagiging sobrang mapagbigay kasi natin minsan, hindi na natin natuturuan ang iba na dapat ay matuto rin silang gumawa nang sarili lamang ang inaasahan.

Advertisement