Inday TrendingInday Trending
Pinagmamalupitan ng Babae ang Kaniyang Pamangkin sa Tuwing Wala ang Ama Nito; Matindi Pala ang Magiging Singil sa Kaniya ng Karma

Pinagmamalupitan ng Babae ang Kaniyang Pamangkin sa Tuwing Wala ang Ama Nito; Matindi Pala ang Magiging Singil sa Kaniya ng Karma

Malungkot na naman ang batang si Lyka. Hindi pa man tuluyang nakaaalis ng bahay ang kaniyang ama ay napupuno na ng takot ang kaniyang dibdib sa maaari na namang sapitin sa araw na ito.

Nagtatrabaho bilang isang security guard ang kaniyang ama kaya naman halos araw-araw itong wala sa bahay. Sa totoo lang ay minsan lamang sa isang buwan kung sila ay magkita dahil sa ibang lugar ito nakadestino. Iniiwan na lamang siya ng kaniyang ama sa pangangalaga ng kaniyang tiyahin, na kapatid ng yumao niyang ina. Alam niyang para sa kaniya naman ang ginagawa nito kaya kailan man ay hindi siya nagreklamo o nagdamdam.

Ganoon pa man, may isang bagay lang na gustong ilapit si Lyka sa ama, ngunit hindi niya magawa dahil sa takot… iyon ay ang isuplong ang pagmamalupit na ginagawa sa kaniya ng tiyahing si Meredith sa tuwing aalis na ang kaniyang papa.

“Anak, alis na si papa, ha? Huwag kang matigas ang ulo. Sumunod ka kay Tita Meredith mo para hindi siya magsawang alagaan ka. Wala na tayong ibang mahahanap na mag-aalaga sa ’yo kapag pasaway ka,” muling paalala ng kaniyang ama bago siya nito hinalikan sa noo bilang tanda ng pagpapaalam. Tanging tango lang ang naisagot ni Lyka, dahil hindi naman niya kayang magsalita. Si Lyka kasi ay isang batang may kapansanan. Isa siyang pipe o ’yong mga taong hindi kayang magsalita. Kinawayan na lamang ni Lyka ang ama.

Pagkaalis na pagkaalis pa lang ng motorsiklong sinasakyan ng kaniyang ama papasok sa trabaho ay agad nang hinarap ng kaniyang Tiya Meredith si Lyka. Piningot nito ang kaniyang tainga at ginawaran siya ng pinong kurot sa tagiliran na halos ikahiwalay na ng balat niya sa kaniyang laman!

“Ano’ng isinisima-simangot mo kanina n’ong nandito pa ang papa mo? Nagpapaawa ka ba para mapansin niya’t nang magkaroon ka ng pagkakataong magsumbong?” galit na tanong nito sa kaniya na agad namang tinugon ni Lyka ng isang iling. Ngunit hindi pa kuntento si Meredith. Itinaas pa nito ang sariling kamay at pinadampi ang palad sa pisngi ng kawawang si Lyka!

“Subukan mong magsumbong sa papa mo. Siguradong pagsisisihan mo ang gagawin ko sa ’yo!” nakangising aniya pa sa nanginginig na bata at akmang sasampalin pang muli ito, nang magpaigtad siya nang may biglang humawak sa kaniyang kamay!

“Ano ang ginagawa mo sa anak ko?!” galit na tanong ng ama ni Lyka na bumalik pala dahil may naiwan itong gamit sa bahay. Hindi nito akalaing masasaksihan ang pagmamalupit na ginagawa ni Meredith sa kaniyang anak!

Nagulat si Meredith. Bukod doon ay binalot din ng labis na takot ang kaniyang dibdib nang makitang galit na galit ang kaniyang bayaw! Wala na siyang ibang maisip na paraan upang takasan ang anumang maaari nitong gawin sa kaniya kaya naman mabilis niyang hinablot pabalik ang kamay niya mula sa mahigpit na pagkakahawak nito at saka siya tumakbong palabas ng bahay!

Tuloy-tuloy lang sa pagtakbo si Meredith. Dire-diretso siya sa kalsada at hindi na pinagkaabalahan pang tingnan muna ang kaniyang daraanan. Dahil doon ay ’di inaasahang nahagip siya ng isang dumaraang kotse!

Kitang-kita ng marami ang nangyari. Dinala ng rumespondeng ambulansya si Meredith na nawalan ng malay dahil sa tindi ng pinasalang kaniyang natamo!

Nagising si Meredith, dalawang araw matapos ang nangyaring aksidente sa kaniya. Namulatan niya ang puting kisame ng ospital at ang ilan sa kaniyang mga kamag-anak na noon ay nagbabantay sa kaniya. Naroon din ang batang si Lyka at ang ama nito na bagama’t galit ay nakatingin pa rin sa kaniya nang may awa sa mga mata.

Doon nalaman ni Meredith na dahil pala sa aksidente ay kinailangang putulin ng mga doktor ang kaniyang mga paa at ngayon ay isa na siyang imbalido!

Pakiramdam ni Meredith ay pinarurusahan siya ng panginoon dahil sa ginawa niyang pagmamaltrato sa kaniyang may kapansanang pamangkin, kaya naman gusto nito siyang turuan ng leksyon sa pamamagitan ng pagpaparanas sa kaniya kung paano ang maging isang taong may kapansanan. Labis na pinagsisisihan ni Meredith ang kaniyang mga ginawa at alam niyang walang ibang maaaring sisihin sa nangyari sa kaniya kundi ang kaniya lamang sarili.

Nagpasya si Lyka at ang kaniyang ama na huwag na lamang sampahan ng kaso si Meredith. Sapat na ang karmang ibinigay mismo ng tadhana sa dalaga.

Advertisement