Pakiramdam ng Binata ay Wala nang Halaga ang Kaniyang Buhay; Isang Pangyayari ang Magbabago sa Kaniyang Pananaw

Pakiramdam ng Binata ay Wala nang Halaga ang Kaniyang Buhay; Isang Pangyayari ang Magbabago sa Kaniyang Pananaw

InspiringMiracleStories

Malungkot si Leo habang binabagtas ang gilid ng isa sa mga swimming pool sa resort kung nasaan sila ng kaniyang mga kaibigan ngayon. Ang totoo ay para talaga sa kaniya ang outing na ito, na inihanda ng kaniyang mga kaibigan upang pagaanin ang kaniyang loob.

Broken hearted si Leo dahil iniwan siya ng kasintahan upang sumama sa ibang lalaki, gayong dapat ay ikakasal na sila sa isang buwan. Hindi niya alam kung bakit nagkaganoon. Ano ang nakita ng nobya niya sa bago nitong nobyo ngayon at nagawa nitong itapon ang anim na taon nilang pinagsamahan?

Hindi magawang ilabas ni Leo ang tunay niyang nararamdaman sa harap ng kaniyang mga kaibigan. Palagi niyang sinasabi sa kanila na ayos lang siya, gayong hindi naman talaga. Sa totoo lang ay gusto niya talagang umiyak nang umiyak dahil halos hindi na niya kayang dalhin pa ang sakit na kaniyang dinaramdam.

Pakiramdam ni Leo ay wala nang kwenta ang kaniyang buhay. Napakababa na ng tingin niya sa kaniyang sarili at iniisip niyang tila ba siya na ang pinakawalang kwentang tao sa mundo kaya iniwan siya ng kaniyang nobya.

Tulog na ang mga kaibigan ni Leo sa inarkila nilang mga cottages dahil malalim na rin ang gabi. Buong araw na hindi siya inalisan ng tingin ng mga ito kaya naman ngayon lamang siya nakakuha ng pagkakataong makapagsolo. Tumutulo ang luha ni Leo habang naglalakad at paulit-ulit na inaalala ang masasayang panahong kasama niya pa ang kaniyang nobya. Dahil sa sobrang sakit na kaniyang nadarama ay tila ba nawawalan na rin siya ng ganang ipagpatuloy ang kaniyang buhay. Gusto na niyang wakasan ang sakit na nagpapahirap sa kaniya ngayon at nagkaroon siya ng hindi magandang ideya nang siya’y mapatitig sa tubig…

Parang may nagbubulong sa kaniya na tumalon doon at magpakalunod kaya naman unti-unti siyang lumapit doon. Alam ng lahat na hindi siya marunong lumangoy.

“Tulong! Tulong! ’yong kapatid ko!” isang sigaw ang narinig ni Leo na naging dahilan upang mapahinto siya sa kaniyang akmang pagpapakalunod. Nakita niya ang isang babaeng umiiyak at pilit na inaabot ang kamay ng isang batang nalulunod, ngunit mukhang hindi rin ito marunong lumangoy kaya hindi nito magawang lumapit sa kapatid lalo pa at nasa malalim na bahagi na ito ng pool.

Hindi alam ni Leo kung ano ang pumasok sa kaniyang isip at bigla na lamang siyang nag-dive sa tubig at mabilis na nakalangoy patungo sa bata hanggang sa mailigtas niya ito! Nagulat din siya kung paano niya nagawa ang bagay na ’yon. Tila isang himala ang nangyari!

Sa tagpong iyon ay saka lamang dumating ang ilang life guards ng naturang resort at sila na ang nag-asikaso sa bata. Nilapitan naman ng kapatid nitong babae si Leo…

“Maraming-maraming salamat! Kung wala ka rito, baka kung ano na’ng masamang nangyari sa kapatid ko!” umiiyak na anito sa kaniya.

Si Leo naman ay tulala pa rin, lalo pa ngayon. Hindi niya kasi maiwasang mabighani sa mukha ng babaeng kaharap. Wala siyang ibang naitugon kundi isang tango lang.

Nang nakahiga na si Leo sa kaniyang higaan ay natanto niyang tila itinakda ng Diyos ang lahat, kasama na ang sakit na kaniyang dinaramdam nang mga sandaling ’yon at ang tangka niyang pagpapakalunod sa pool. Iyon ay upang masagip niya ang buhay ng bata.

Simula nang araw na iyon, pakiramdam ni Leo ay nabigyan siya ng bagong pag-asa at dahilan para mabuhay. Hindi pa katapusan ng lahat kahit na iniwan na siya ng kaniyang nobya. Bukod doon, nagtuloy-tuloy na rin ang komunikasyon niya kay Nelia, ang nakatatandang kapatid ng batang iniligtas niya. Naging mabuti silang magkaibigan ng dalaga na kalaunan ay unti-unti rin niyang nakapalagayan ng loob.

Niligawan ni Leo si Nelia na agad namang tinugon ang kaniyang pag-ibig dahil pareho pala sila ng nararamdaman para sa isa’t isa.

Inabot ng tatlong taon ang kanilang relasyon bago sila nagpasyang magpakasal at bumuo ng sariling pamilya. Naging masaya ang bawat araw ng pagsasama ng dalawa hanggang sa magkaroon sila ng mga anak.

Talagang napatunayan ni Leo na ang lahat ng nangyayari ay may dahilan. Itinakda ito at kailangan lang nating sumunod sa agos. Sa bawat pagsubok ay kailangan lang maging matatag at huwag mawalan ng pag-asa dahil darating ang panahong ang lahat ay magiging maayos katulad ng nangyari kay Leo.

More Stories