
Tila Alila sa Kanilang Bahay ang Binatang Ito, Matupad Kaya ang Pangarap Niyang Maging Guro sa Kabila Nito?
“Ken, hindi ka ba naglaba ng damit ng mga kapatid mo kagabi? Tingnan mo nga ang marumihan nila, punong-puno na! Wala na rin silang masuot ngayon! Ano ka ba naman, ha?” galit na sigaw ni Edwardo sa kaniyang panganay na anak nang makitang madungis ang kambal niyang anak, isang hapon nang maabutan niyang nag-aaral ang kaniyang anak sa kanilang silong.
“Pasensiya na po, papa, gumawa po kasi ako ng takdang-aralin namin kagabi. Kagabi na po kasi ang huling araw ng pagsusumite no’n, eh,” pagrarason ni Ken habang tinatago ang kaniyang mga gamit sa eskwela, alam niya kasing isang maling salita niya lang, susunugin ito ng kaniyang ama.
“Ah, uunahin mo pa ang paggawa ng takdang-aralin sa paglalaba ng mga damit ng kapatid mo? Anong klaseng kuya ka, ha? Tingnan mo sila ngayon, ang dudungis!” bulyaw pa nito.
“Eh, papa, kagabi na po kasi…” hindi na siya pinatapos nito at agad na siyang sinermunan.
“Tama na ang pagrarason! Ang sabihin mo, tamad ka talagang bata ka! Wala ka nang ginawa kung hindi ang magpabigat sa pamilyang ito! Ikaw na nga ang panganay, ikaw pa ang pinakasakit sa ulo! Maglaba ka na roon at ibilad mo agad sa araw nang may masuot na ang mga kapatid mo! Dalian mo, kung araw mong makatikim ng suntok!” bulyaw nito na labis niyang ikinanginig.
“O-opo, papa!” natataranta niyang sagot saka agad nang nagpunta sa kanilang labahan.
Walang araw na hindi nasesermunan ang binatang si Ken ng kaniyang ama. Gawin man niya ang lahat ng gawaing bahay na sana ang kaniyang ina ang gumagawa habang siya’y nag-aaral, palagi pa rin siyang nakatatanggap ng mga panunumbat at pangmamaliit dito.
Siya kasi ang tanging inaasahan nito sa paglalaba ng damit ng dalawang taong gulang niyang kapatid na kambal, paghuhugas ng pinggan, paglilinis ng bahay, pagsasaing, pagluluto ng kanilang pagkain at marami pang ibang gawaing bahay.
Nais man niyang magreklamo dahil nahihirapan na siyang gawin ang mga ito habang nag-aaral siya sa bahay ngayong pandemya at wala namang ginagawa ang kaniyang ina kung hindi ang bantayan ang kaniyang dalawang kapatid at makipagtsismisan sa kanilang mga kapitbahay, hindi niya ito magawa lalo na’t kapag sumisigaw na ang kaniyang ama.
Ito ang dahilan upang kahit siya’y nahihirapan na, at naiiyak na lang sa hirap ng buhay na mayroon siya, labis pa rin siyang nagpupursigi upang makapagtapos ng pag-aaral at matupad ang pangarap na maging guro.
Noong araw na ‘yon, kahit na marami siyang kailangang tapusing aralin, agad niyang sinimula ang paglalaba ng mga damit ng kaniyang mga kapatid.
Bandang alas singko ng hapon pagkatapos niyang maglaba, ipinagluto naman siya ng pagkain ng kaniyang ina.
Pagkatapos nilang kumain, nilinisan niya naman ang kaniyang mga kapatid ng katawan, habang ang kaniyang mga magulang ay nagpapahinga na.
Nang matantiya niyang tulog na ang mga ito, bandang alas onse ng gabi, muli siyang bumalik sa kanilang silong upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Doon niya napagtantong sa ganitong paraan, mapuyat man siya, matiwasay naman siyang makakapag-aral.
Ganoong estratehiya na ang ginawa niya simula noon upang makapag-aral. Gagawin niya muna lahat ng gawaing bahay sa umaga bago siya mag-aaral sa gabi. Puyat man dahil kailangan niyang magising nang maaga upang maipagluto ng almusal ang ama niyang lalaot, siya’y labis na nagtiis para sa kaniyang pag-aaral.
“Kaya mo ‘yan, Ken, isang taon na lang naman, makakapagtapos ka na ng kolehiyo. Sana sa panahong iyon, tapos ka na rin maging alila sa bahay na ‘to,” wika niya sa sarili habang nakatingin sa maliit na salaming nasa kanilang palikuran.
Dahil nga siya’y may pangarap, sa kabila ng hirap na dinaranas niya, matagumpay niyang natapos ang kaniyang pag-aaral at sa araw na ‘yon, doon niya unang nakausap nang mahinahon ang kaniyang ama.
Sinabi niya rito ang kaniyang mga hinaing at pangarap sa buhay. Labis itong humingi ng pasensiya sa kaniya at labis ding natuwa nang malamang nais niyang maging isang guro.
Simula noon, sinuportahan siya nito sa kaniyang pangarap. Kinukurot siya nito nang paunti-unti sa kita nito sa pangingisda upang matagumpay na makapag-apply bilang isang guro sa unibersidad na kaniyang pinapasukan noon.
At sa awa ng Diyos, ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan na siyang naging isang guro na labis na ikinatuwa ng kaniyang ama. Walang araw na hindi siya pinagmamalaki nito sa kanilang lugar na labis ding ikinataba ng puso niya.
“Kapag talaga may pangarap ka, kahit anong hirap ang danasin mo, hindi ito dahilan upang sumuko ka,” wika niya sa sarili, habang pinagmamasdan ang ama niyang nakikipagkwentuhan sa kanilang mga kapitbahay.