
Ginagawang Tubig ng Binatang Ito ang Softdrinks, Paano kaya Siya Natigil sa Gawaing Ito?
“Mama, may sampung piso ka ba riyan? Nagugutom na kasi ako, eh, hindi pa ako nasweldo kaya wala pa akong pera,” daing ni Jonel sa kaniyang ina, isang hapon nang makita niya itong naglalaro ng bingo sa tapat ng kanilang bahay kasama ang ilan nilang kapitbahay.
“Mayroon namang kanin at ulam d’yan sa kusina, iyon na lang ang kainin mo kung nagugutom ka,” payo nito saka kaniya saka binola ang hawak na bulilyo.
“Eh, ayoko no’n, mama, nakakasawa na kaya. Iyon na nga ang ulam natin kagabi at kaninang tanghalian, iyon pa ang ipapameryenda mo sa akin,” sabi niya rito na labis nitong ikinagalit.
“Aba, kaysa naman bumili ka ng softdrinks at tatlong pisong chichirya sa tindahan kapag binigyan kita ng pera! Matanda ka na, Jonel, hanggang ngayon hindi ka pa rin mapagsabihan tungkol d’yan sa pagkahilig mo sa mga pagkaing ‘yan!” sigaw nito sa kaniya, tinitignan na siya ng mga kalaro nito dahilan upang siya’y mapatungo.
“Iyon na nga lang ang kinahihiligan ko, eh. Mabuti nga at hindi ako nag-iinom ng alak at naninigarilyo,” bulong niya rito.
“Naku, kailangan ko pang magpasalamat sa’yo?” taas kilay nitong sagot.
“Mama, naman, pahingi na kasing sampung piso para makapaglaro na kayo! Nakakahiya na sa kanila, o!” pangungulit niya pa rito.
“Bahala ka sa buhay mo! Kapag ikaw nagkasakit, huwag kang iiyak-iyak sa akin!” bulyaw nito saka siya pilit na itinaboy papasok sa kanilang bahay.
Hindi hinahayaan ng binatang si Jonel na hindi siya makakainom ng softdrinks sa isang araw. Bata pa lang siya nang mahilig na siya rito dahil sa kaniyang lola na mahilig din uminom nito. Kaya naman, mapahanggang sa ngayon na mayroon na siyang sariling trabaho, hindi niya pa rin maalis sa araw-araw niyang pamumuhay ang pagkonsumo ng naturang inumin.
Tuwing kakain siya, palagi niyang hinahanap ang matamis na lasa nito at lamig na naidudulot nito sa kaniyang lalamuna. Imbis nga na kape ang ipareha niya sa sinangag at itlog na kaniyang inaalmusal, softdrinks ang palagi niyang ipinapares dito.
Bukod pa rito, tila softdrinks na ang kaniyang nagiging tubig sa buong araw lalo na sa tuwing bagong sweldo siya. Bibili siya ng bote-boteng softdrinks at itatago niya sa kaniyang damitan upang huwag makita ng kaniyang ina na galit na galit sa gawain niyang ito.
At sa tuwing nauubos na ang kaniyang pera at ang natatago niyang softdrinks, kahit na siya’y malaki na, nadaing pa rin siya ng kahit sampung piso sa kaniyang ina upang matugunan lang ang tawag ng kaniyang lalamunan. Nakirot man ang sikmura niya kung minsan, hindi niya ito inaalintana.
Noong araw na ‘yon, habang siya’y sinesermunan ng ina sa harap ng kanilang mga kapitbahay na naglalaro ng bingo, pasimple siyang kumupit ng singkwenta pesos na buo na nakalagay sa tabi ng mga bingo cards nito. Nang makakuha na siya ng pera, roon na siya agad na pumuslit patungo sa kalapit nilang tindahan.
Bumili siya ng limang malilit na bote ng softdrinks at ito’y ipinalagay niya sa inuminang bitbit-bitbit niya. Habang ang sukli, ibinili niya naman ng chichiryang gustong-gusto niya ring kapares ng naturang inumin bilang kaniyang meryenda.
Pagkabili niya, agad na siyang bumalik sa kaniyang silid. Muli niyang binuksan ang kaniyang kompyuter at nanumbalik sa pagtatrabaho habang nainom ng softdrinks at nakain ng chichiryang tagpipiso.
Sa sobrang pagkawili niya sa pagtatrabaho, hindi niya namalayang naubos niya na pala ang laman ng kaniyang malaking inuminan na may lamang softdrinks pati na ang mga chichiryang binili niya.
“Ano ba ‘yan? Bitin naman!” sambit niya saka agad na tumayo upang muling humingi ng pera sa ina.
Ngunit bago pa man siya makalabas ng kaniyang silid, nandilim na ang kaniyang paningin dahilan upang siya’y mapaupo sa kanilang sahig.
“Mama! Mama! Wala akong makita!” sigaw niya, mabuti na lang na nakigamit pala ng palikuran ang isa sa kanilang mga kapitbahay dahilan upang agad siya nitong marinig at maipagbigay alam sa nanay niyang abala sa paglalaro ng bingo.
Isinugod siya sa ospital at doon nila nalamang mataas ang diyabetes niya at may diperesya na rin siya sa kaniyang sikmura.
“Kaya pala minsan, nakirot ang tiyan ko, mama,” wika niya sa inang labis na namomoblema.
Sa problemang ito niya labis na napagtantong tama nga ang kaniyang ina noon pa man. Hindi niya kayang makita itong sobrang nahihirapan sa pagtatrabaho at pag-aalaga sa kaniya dahilan upang mangako siyang hindi na muli iinom ng softdrinks at kakain ng chichirya.
Hindi man madali sa kaniyang pigilan ang temptasyon, ginagawa niya ang lahat upang makatulong sa pagresolba ng kanilang problema.