Inday TrendingInday Trending
Naghahatid ng Damit ang Asawa ng Ginang na Ito Tuwing Gabi, Negosyo kaya Talaga ang Sadya Nito o Pasarap?

Naghahatid ng Damit ang Asawa ng Ginang na Ito Tuwing Gabi, Negosyo kaya Talaga ang Sadya Nito o Pasarap?

“O, kumusta ka, Heidi? Bakit napatawag ka? Gabing-gabi na, ha? Hindi ka pa ba matutulog? Masama sa buntis ang magpuyat, loka loka ka!” sermon ni Nadine sa kaniyang matalik na kaibigan, isang hating gabi nang bigla itong tumawag sa kaniya.

“Hindi kasi ako makatulog, mars, kaya naisip kong tawagan ka para naman may makausap ako,” sagot ni Heidi habang pinagmamasdan ang tanawin sa kanilang bintana.

“Bakit hindi ka makatulog? May gusto ka bang kainin? Tulog na ba ang asawa mo? Magpatimpla ka kaya ng gatas sa kaniya para makatulong sa pagpapaantok mo?” payo nito sa kaniya.

“Iyon na nga, eh, wala ang asawa ko ngayon. Nagdeliver ng mga paninda naming damit sa Maynila,” tugon niya rito na ikinagulat nito.

“Ano? Ngayong hatinggabi, may ihahatid siyang damit? Anong oras pa siya umalis?” pang-uusisa nito.

“Mga bandang alas diyes. Iyon daw kasi ang oras ng pag-uwi ng kliyente namin kaya pinayagan ko na. Ilang beses na namang umorder sa amin ‘yon, ganitong oras niya talaga pinapahatid ‘yong mga damit,” paliwanag niya rito.

“Naku, ha, nakakapanghinala naman ‘yan,” nguso nito.

“Hindi naman, mars, mabait naman ang asawa ko,” pagtatanggol niya sa asawa.

“Sana nga, teka, puntahan na lang kita riyan para may kasama ka. Wala naman akong ginagawa ngayon,” wika nito na labis niyang ikinatuwa.

Pitong buwan nang dinadala ng ginang na si Heidi ang anak nila ng kaniyang asawa na noon ay naging nobyo niya nang halos sampung taon bago sila tuluyang ikinasal.

Pagtatatak ng damit ang kanilang napiling negosyo. Bukod kasi sa hawak nila ang kanilang oras, patok pa ang negosyong ito sa ngayon dahil sa sandamakmak na mga negosiyanteng nais magkaroon ng kanilang sariling disenyong itatatak sa damit at ibebenta sa mahal na halaga.

Sa katunayan, dahil sa negosyo nilang ito, nagawa nilang makapagpatayo ng tatlong palapag na bahay. Bukod pa ang nabili nilang bahay para sa kani-kanilang mga magulang dahilan upang ganoon nila lalong pagyabungin ang negosyo nilang ito.

Ngunit nang siya’y magsimulang magdalantao, kasabay ng pagpapahinga niya sa kanilang negosyo, naging sobrang abala ng kaniyang asawa rito na labis naman niyang naiintindihan dahil kailangan nilang mag-ipon para sa panibagong kasapi ng kanilang relasyon.

Kaya lang, hindi niya magawang magtaka sa palagiang pag-alis ng kaniyang asawa nang hatinggabi para raw maghatid ng order na damit sa Maynila.

Lagi niya man itong pinagsasabihan na iutos na lang ang paghahatid ng mga ito sa isa sa kanilang mga empleyado, lagi nitong rason, “Nakakahiya sa mga empleyado natin, may sari-sarili rin silang pamilya at kailangan nila ng oras para sa mga iyon,” dahilan upang ito’y lagi niyang payagan.

Noong gabing iyon, pagkatapos niyang tawagan ang kaibigan, naisipan niyang tawagan ang asawa upang ito’y kamustahin. Doon niya nalamang nandoon lamang sa kanilang silid ang selpon nito.

“Diyos ko, sobrang makakalimutin talaga noon! Paano niya kaya kikitain ang kliyente namin kung hindi niya iyon matatawagan?” inis niyang sambit saka sinubukang buksan ang selpon nito, “Ano kayang password nito?” tanong niya sa sarili nang makitang naka-lock ang selpon nito.

Bago pa siya sumuko kakasubok na mabuksan ito, isang mensahe ang pumasok dito na lumabas sa screen nito kahit na ito’y naka-lock na ikinatigil ng mundo niya.

“Ingat ka, baby! Bukas ulit, ha? Mami-miss kita!” sabi sa mensaheng iyon na labis niyang ikinagalit.

Maya-maya pa, dumating na ang kaniyang kaibigan at agad niyang pinakita ang mensaheng nakita niya.

“Sabi na, eh, sino bang matinong negosiyante ang magpapadala ng isang damit gabi-gabi, ha?” wika nito na ikinaiyak niya.

Bago pa dumating ang kaniyang asawa, nailabas na niya lahat ng galit niya sa pamamagitan ng pag-iyak at nang makauwi na ito, agad niya itong kinompronta habang pinapakita ang mensaheng nasa selpon nito.

“Nagsasawa ka na ba sa akin dahil sa matagal nating relasyon?” tanong niya rito, tumungo lang ito.

“Pasensiya na, mahal, hindi ko napigilan,” sagot nito na ikinaguho ng mundo niya, pati kaniyang kaibigan, naluha sa sinabi nito, “Pero pangako, kayo lang ng anak natin ang buhay at mahal ko,” dagdag pa nito dahilan upang mapangisi siya at pagbabatuhin ito ng mga gamit na madampot niya.

Todo-awat naman ang kaibigan niya dahil nga siya’y nagbubuntis. Upang siya’y kumalma, minabuti muna nitong iuwi siya sa sariling bahay at doon magpalipas ng gabi.

Simula noon, hindi na muna siya umuwi sa kanilang bahay. Araw-araw man siyang sinusuyo ng asawa, hindi niya pa magawang magtiwala muli rito hanggang siya’y manganak na.

“Kung naging kontento ka lang, edi sana, tayo na ang pinakamasayang mag-asawa,” wika niya nang makita ang asawa niya sa tabi niya. Iyak ito nang iyak habang pisil-pisil ang kaniyang kamay.

Hindi man niya ito magawang mapatawad sa ngayon, alang-alang sa sinumpaan niya sa Diyos noong sila’y ikinasal at para sa walang muwang nilang anak, susubukan niya pa rin itong mahalin at patawarin.

Advertisement