
Nabigo ng Pag-ibig ang Binatang Ito, Makatagpo kaya Siya ng Tunay na Pag-ibig sa Probinsyang Pupuntahan?
“Anak, gusto mo bang magbakasyon muna sa probinsya natin? Ikaw muna ang mamahala sa mga pananim natin doon,” alok ni Marie sa kaniyang anak, isang umaga nang dalhan niya ito ng almusal sa silid nito. “Ayoko po, mama,” tipid na sagot ni Ryan habang iniinom ang bigay niyang kape.
“Hindi ka naman magtatrabaho roon, anak, babantayan mo lang sila at papaswelduhin,” pangungumbinsi pa nito sa kaniya habang hinihimas-himas ang likuran niya.
“Ayoko nga, mama, bakit ba pinipilit mo ako?” inis na tanong niya rito.
“Kaysa naman kasi buong araw kang nakakulong dito sa kwarto mo dahil sa panloloko sa iyo nang nobya mo. Alam kong mahal na mahal mo ang dalagang iyon at labis kang naapektuhan sa ginawa niya. Natatakot lang ako na baka isang araw, walang buhay na kitang matagpuan dito,” paliwanag nito habang titig na titig sa kaniyang mga mata.
“Kaya ipapadala niyo ako sa probinsya? Eh, mas mababaliw ako roon dahil walang internet, mama,” sagot niya rito saka sinimulan nang kainin ang almusal na nasa harapan niya.
“Simple at payak man ang buhay doon, maaaliw ka sa mga taong nandoon, pangako. Subukan mo lang, anak, kapag hindi mo talaga kaya ang buhay doon, ipapasundo agad kita sa papa mo,” wika pa nito dahilan upang siya’y mapilitan na lang upang huwag na siyang kulitin nito.
“O, sige na nga, mag-aayos lang po ako,” sagot niya na labis na ikinatuwa nito.
Solong anak ng mayamang mag-asawa ang binatang si Ryan. Simula pagkabata niya, lahat nang gustuhin niya, kaniyang nakukuha. Mapalaruan man o mga nauusong gamit, hindi siya nahuhuli sa uso.
Kaya naman, ngayong siya’y nakaranas ng pait ng buhay dahil sa dati niyang nobyang pinagpalit siya sa isa sa kaniyang mga matatalik na kaibigan, ganoon na lang siya labis na naapektuhan.
Nais man niyang bawiin ang dalagang pagmamay-ari niya sa loob ng halos apat na taon, hindi niya ito magawa kahit na napakataba ng kaniyang bulsa.
Ito ang dahilan upang halos isang buwan na siyang hindi nalabas ng kaniyang silid at tanging ina niya lang ang pinapahintulutan niyang pumasok dito upang siya’y hatiran ng makakain at kausapin.
At dahil nga ayaw niya na nang mahabang diskusyunan, pumayag na rin siya sa nais ng kaniyang ina na siya’y mapatili pansamantala sa probinsya kung nasaan ang napakalaki nilang taniman ng kape.
Nang siya’y makapag-ayos na, agad na siyang hinatid doon ng kaniyang ama. Tuwang-tuwa itong makita siya sa labas, ngunit kahit anong kwento nito habang sila’y nasa biyahe, tahimik lang siyang nakikinig dito at wala ni isang salitang sinabi hanggang sila’y tuluyang makarating sa probinsyang iyon.
Nadatnan niya ang sandamakmak na magsasaka roon. May mga matatandang nagtatanim, may mga batang naglalaro habang may mga dalagang nagwawalis at nag-iimis ng mga gamit. “Sana huwag nila ako kausapin,” sambit niya habang papasok ang kanilang sasakyan doon ngunit pagkababang-pagkababa nila, mainit silang sinalubong ng mga ito.
Hindi lumipas ang mainit na pagtrato ng mga ito sa kaniya kahit araw-araw na siyang nakikita roon. Bukod pa roon, araw-araw siyang kinakamusta ng kaniyang ina at palaging sinasabi nito, “Sana huwag kang madalang magmahal, anak, gusto ko na ng apo, eh, matanda na kami ni papa mo,” na labis niyang ikinakainis dahil wala pa ito sa isip niya.
Sa araw-araw niyang pagmamasid sa mga nagtatrabaho roon, napukaw ng isang dalagang palaging nagbibigay sa kaniya ng kape ang atensyon niya.
Wala kasing araw na hindi niya ito nakikitang nakabungisngis at malambing din sa mga magulang na gustong-gustong niyang pagmasdan sa araw-araw. Sa pamamagitan nito, bahagya niyang nakalilimutan ang pait na bigay ng buhay sa siyudad.
Sa tuwing aabutan pa siya nito ng kape, ilang minuto muna itong mananatili malapit sa kaniya habang nagkukwento ng kung anu-ano na talaga nga namang nakakapagpalambot ng puso niya hanggang sa tuluyan na siyang mahulog dito.
“May nobyo ka ba?” tanong niya rito, isang umaga nang bigyan siya nito ng kape.
“Aba, sir, marunong ka palang magsalita!” galak na sabi nito na ikinatawa niya, “Wala po, eh, gusto ko munang iahon sila mama sa hirap,” nakangiting sagot nito na ikinanga niya.
“Tutulungan kitang iangat sila sa hirap,” lakas loob niyang sambit dahilan upang ito’y mamula.
Sinama niya sa siyudad ang dalagang iyon at pinag-aral. Laking tuwa naman ng kaniyang mga magulang nang malamang muli siyang iibig na labis niya ring ikituwa dahil ganoon siya sinusuportahan nito kahit na hirap ang pamilya ng dalaga.
Ilang taon pa ang lumipas, nakapagtapos na ang dalaga at kinuha nilang empleyado sa kumpanya. Unti-unti itong nakaipon hanggang sa maiahon na sa hirap ang pamilya at doon na nga siya sinagot nito.
Mangiyakngiyak niya itong niyakap at labis na nagpasalamat sa kulay na ibinigay nito sa mundong kaniya na sanang susukuan.